Chapter XXXIII

5.2K 833 46
                                    

Chapter XXXIII: War Between Superpowers (Part 2)

Napahinga na lang ng malalim si Finn matapos niyang matanaw mula sa malayo ang kaguluhan. Nabigla siya sa tanawing kaniyang naabutan. Tila ba kumulo rin ang dugo niya dahil sa kasalukuyan, isang matinding labanan ang kasalukuyang nagaganap sa pagitan ng mga adventurer. Nananabik siya habang nasasaksihan ang paglalaban-laban ng mga ito at dahil sa nabubuo nilang tensyon na bunga ng kanilang palitan ng mabibigat na atake, malaki ang nagiging epekto nila sa kapaligiran.

“Kung gano'n, hindi lang pala dalawang pangkat ang nagkakagirian. Samu't saring puwersa ang naglalaban-laban at mukhang hindi lang simpleng alitan ang nangyayari sa pagitan nila. Ang ilan sa kanila ay pamilyar habang ang iba ay ngayon ko lang nakita. Kasali ang mga citrusian, moriyan, at forsaken sa kaguluhan. At kung hindi ako nagkakamali, sa simbolong nakalagay sa kanilang kasuotan, ang isa pang puwersa na kasali sa gulo ay ang angkan ng mga basilisk,” tila ba nananabik na sambit ni Finn. Umismid siya at malumanay na nagpatuloy, “Ano pa man ang ugat ng kanilang girian, ang kanilang ginagawang paglalaban-laban ay napakagandang palabas. Makasasaksi tayo ng aktuwal na laban sa pagitan ng mga Demigod Rank kaya siguraduhin ninyong tututukan ninyo ang mga mangyayari.”

“Hindi tayo palaging makakasaksi ng ganito kataas na antas ng labanan. Magandang gabay sa atin ang kanilang laban dahil kung pag-aaralan nating mabuti ang kanilang mga galaw, paraan ng pakikipaglaban, at paggamit ng kapangyarihan, maaari tayong matuto sa kanila ng ilang bagay,” lahad niya pa.

Sineryoso ng mga Marren at ng ikalawang dibisyon ang payo ni Finn. Tumutok sila sa nagaganap na laban, at hindi lang sila nanonood dahil pinag-aaralan din nila kung paano makipaglaban ang mga ito.

Napakalaki pa ng kanilang pagkukulang kung mayamang karanasan ang pag-uusapan. Hindi lang antas at ranggo ang mababa sa kanila, maging ang kanilang edad ay mababa rin kaya natural lang na kulang na kulang pa sila sa karanasan sa pakikipaglaban.

Kaya kung panonoorin at gagawin nilang gabay ang laban sa pagitan ng mga Demigod Rank, magbebenepisyo sila dahil ang mga ito na ang maikokonsiderang tuktok sa usapin ng paggamit ng kapangyarihan. Sila ang huwaran dahil hindi nila maaabot ang Demigod Rank kung wala silang kakayahan bilang mga adventurer.

Sa kabilang banda, hindi rin pinalampas ni Finn ang pagkakataon na ito. Naniniwala siyang ang kakayahan niya sa pakikipaglaban ay hindi nahuhuli sa mga Demigod Rank. Magmula pa noon ay sumasabak na siya sa madugong labanan. Hindi rin siya nahinto sa pagsasanay, at nahasa niya na ang kakayahan niya sa pakikipaglaban. Mataas din ang kaniyang intelihensiya lalo na sa pakikipagtunggali, ganoon man, alam niya na mayroon pa siyang kailangang matutunan--ang iba't ibang paraan ng paggamit ng kapangyarihan ng espasyo.

Kasisimula niya pa lamang sa pagsasanay ng kapangyarihan ng espasyo. Nahihirapan siyang magpakadalubhasa sa kapangyarihang ito dahil hindi ganoon kataas ugnayan niya rito. Hindi siya katulad ni Ursur na may natural na talento sa kapangyarihang ito dahil isa lang din siyang adventurer na iba ang kasanayan kaya kailangan niyang magdoble sa pagsusumikap.

Pinagmasdan niya ang mga Demigod Rank kung paano gumamit ang mga ito ng kapangyarihan ng espasyo, at habang tumatagal ang ginagawa niyang panonood, nagkakaroon siya ng mga kaalaman sa iba pang gamit ng kapangyarihan ng espasyo. Saksi siya kung ano ang epektibong paraan ng paggamit nito, sa pagdepensa man o pag-atake.

Dahil ang kapangyarihang ito ay kumukonsumo ng malaking bahagi ng enerhiya, kailangang maging matalino sa paggamit nito. Masyado itong komplikado kumpara sa ibang kapangyarihan dahil ang kapangyarihang ito ay may mga kinakailangang isaalang-alang kagaya na lamang ng ligtas na paggamit nito. Hindi ito pangkaraniwang kapangyarihan na maaaring gamitin kahit anong oras at kapag nagkamali sa paggamit nito, siguradong hindi kanais-nais ang mangyayari.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon