Chapter XXXV: Crossed Paths
Lahat sa panig ng Ancient Phoenix Shrine ay naging tensyonado. Masyado silang nabigla sa pangyayaring ito. Wala silang kaalam-alam na napalilibutan na pala sila ng mga nilalang na kanilang hinahanap. Biglaan ito at dahil sa matatalim na tinging ibinibigay sa kanila ng mga axvian, hindi nila mapigilan na mangamba at mabahala. Nangangamba sila na baka bigla silang atakihin ng mga ito, at nababahala sila sa ideyang maaaring kalaban ang tingin ng mga ito sa kanila.
Ilang sandali pa, magkakasunod na tumuon ang tingin ng mga axvian kay Ashe. Tila ba sinusuri nila ang kabuoan nito at makaraan ang ilang sandali, sa wakas ay nagsalita na ang isa sa mga ito.
“Ikaw ba ang babaeng nagtataglay ng Raging Fury?” Direktang tanong nito kay Ashe.
Mas tumindi pa ang tensyon matapos ang pagtatanong ng isang axvian tungkol sa bagay na ito. Kahit si Ashe ay hindi na mapanatili ang kaniyang pagiging kalmado dahil hindi niya alam ang mangyayari kapag sinagot niya ang tanong nito.
Ang tinutukoy nitong Raging Fury ay ang likas na kakayahan na tanging mga axvian lamang ang may kayang gumamit—subalit, siya at ang kaniyang ama ay may kakayahan ding gamitin.
Hindi niya sigurado ang kanilang sitwasyon sa mga axvian. Hindi niya alam kung kaaway ba ang tingin ng mga ito sa kanila o kakampi kaya nahihirapan siyang agad na tumugon.
Isa pang inaalala niya ay malinaw sa kaniya na hindi siya kayang protektahan nina Ranaya at Fahra mula sa mga axvian. Makakapangyarihan ang mga axvian dahil noong unang panahon, isa ang kanilang tribo sa pinakamalalakas na mandirigma at makabuluhan ito dahil ang pinaglilingkuran nilang diyos ay isang napakalakas na diyos pagdating sa pakikipaglaban.
Makaraan ang ilang sandali, naglakas-loob nang magsalita si Ranaya upang ipaalam sa mga axvian na wala silang masamang intensyon.
“Hindi kami—”
“Hindi ikaw ang tinatanong namin. Ang nais lang naming marinig ay ang sasabihin ng babaeng iyan,” marahas na tugon ng axvian habang pinanliliitan niya ng tingin si Ranaya.
Makalipas pa ang ilang sandali, muling bumaling ang axvian kay Ashe at marahan itong nagwika, “Uulitin ko... ikaw ba ang babaeng nagtataglay ng Raging Fury? Sumagot ka dahil tinatanong kita.”
Sa puntong ito, wala nang pagpipilian si Ashe kung hindi ang tumugon. Napagtanto niya ring may alam na ang mga axvian sa katotohanan, pero nagtataka siya kung nasaan ang nilalang na nakasagupa nila sa labas ng libingan.
Huminga muna siya ng malalim. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at sinabing, “Ako nga. Mayroon din akong kakayahan na gamitin ang Raging Fury. Ganoon man, nais ko lang kumpirmahin, kayo na ba ang hinahanap naming lahi? Kayo na ba ang mga axvian?”
“Bago ko sagutin ang iyong tanong, ipakita mo muna sa amin na kaya mong gamitin ang Raging Fury,” malamig na tugon ng axvian.
Katahimikan ang nangibabaw matapos magsalita ng kinatawan ng mga axvian. Nilingon niya ang iba pang naroroon at nakita niyang ang bawat isa rito ay naghihintay na sa kaniyang susunod na gagawin. Pinapanood siya ng mga ito at ang ibinibigay na tingin ng mga ito sa kaniya ay nakakailang.
Dahil wala na rin siyang pagpipilian kung hindi sundin ang gustong mangyari ng mga ito, itinuon niya ang kaniyang konsentrasyon sa pagpapalabas ng kaniyang galit. Sinimulan niyang halungkatin sa kaniyang kaloob-looban ang marahas na kapangyarihan at matapos ang ilang sandali, agad na nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang aura kasabay na rin ang pagbabago ng kulay ng kaniyang buhok.
Mula sa mapulang buhok, naging kulay puti ito. Hindi niya naabot ang ranggong Immortal Rank, pero nagkaroon ng malaking pagbugso sa kaniyang aura at bukod pa sa mga ito, ang kaniyang mga mata ay mas lalo pang tumingkad ang kulay.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...