Chapter CXXV

5.1K 816 37
                                    

Chapter CXXV: Artificial Lake of Dragon God's Blood

Nagpatuloy ang diskusyon sa pagitan nina Finn, Creed, Augustus, Earl, at Morris patungkol sa iba pang bagay. Nagbigay ang apat na kapitan ng kaniya-kaniyang ulat patungkol sa kani-kanilang dibisyon na pinamumunuan. Ipinaalam nila kay Finn kung ano ang kasalukuyang pag-unlad sa kanilang dibisyon. Inabutan din ni Creed si Finn ng talaan ng mga nalikha nilang kayamanan sa mga nakalipas na taon ganoon din ng talaan ng mga kayamanan na ipinamahagi nila sa bawat miyembro na sumailalim sa pagsasanay.

Naging mahaba ang kanilang pag-uusap, pero sa kabuoan ay sobrang nasiyahan si Finn dahil ang mga propesyonal ng New Order ay patuloy sa mabilis na pag-unlad. Nasisiyahan din siya dahil kahit na halos maubos ang kanilang mga nalikom na kayamanan sa kanilang mga isinagawang pakikipagsapalaran, maganda ang napuntahan nito dahil naging sobrang mabunga ang pagsasanay ng halos lahat ng miyembro.

Ang kanilang puwersa ngayon ay higit nang mas makapangyarihan kaysa noon. At kahit pa puwersa mula sa divine realm ang kanilang makalaban, hindi nila kailangang mangamba dahil makakaya nilang makipagsabayan.

Ganoon man, kung puwersa ng isang emperador o imperatris ang kanilang kakalabanin, medyo dehado pa rin sila lalo na't aapat pa lang ang Demigod Rank sa kanilang panig. Makakaya nilang dumepensa o makipagdigmaan sa loob ng maikling panahon, subalit kapag tumagal ang girian, siguradong matatalo sila dahil hindi pa lubusang handa ang kanilang puwersa laban sa mga puwersa na kasing laki at kasing lakas ng puwersa ng mga emperador o imperatris.

Bukod sa sitwasyon ng mga dibisyon ng mga propesyonal, binuksan din ni Creed ang paksa tungkol sa naganap na paligsahan sa pagitan ng mga dibisyon. Iuulat niya na sana kay Finn ang mga nangyari, pero sinabihan siya nito na hindi na kailangan dahil alam niya na kung ano ang nangyari sa naganap na paligsahan.

Pinuri't pinasalamatan ni Finn si Creed dahil sa pagsasagawa nito ng isang paligsahan para maayos na maibahagi sa iba't ibang dibisyon ang kayamanan ng New Order. Ang pamamaraan nito ay napakahusay, at dahil doon, mas lalo pang nagsumikap ang bawat miyembro dahil mayroong hamon para makakuha sila ng pribilehiyo at mga benepisyo.

At higit sa lahat, natuto rin ang karamihan sa kanila na makipagtulungan sa kanilang mga kasama. Kumikilos na sila bilang isang grupo, at magandang senyales iyon dahil ang isang dibisyon ay mas malakas kapag ang mga miyembrong kabilang dito ay nagtutulungan.

Pagkatapos mapag-usapan ang tungkol sa naganap na paligsahan, pinabalik niya na sina Augustus, Earl, at Morris sa kani-kanilang trabaho. Pinaiwan niya si Creed dahil mayroon pa siyang kailangan dito. Binanggit niya rito na nais niyang subukan ang artipisyal na lawa ng dugo ng Dragon God. Gusto niyang subukan kung magbebenepisyo pa ang kaniyang katawan kung magbababad siya roon.

Oo, napakatibay na ng kaniyang pangangatawan. Matigas na ang kaniyang balat, kalamnan, at mga buto dahil sa ginawa niyang pagbababad noon sa Immortal Tempering Potion, subalit iba pa rin ang dugo ng isang Dragon God.

Kung ang iba ay nagbenepisyo, malaki ang posibilidad na magbenepisyo rin siya. Gusto niya pang mas mapatigas pa ang kaniyang pangangatawan. Hangad niyang magkaroon ng napakatibay na balat, kalamnan, at mga buto na kahit hindi niya protektahan ng enerhiya ay hindi madaling mapipinsala.

At bukod sa pagbababad, mayroon din siyang iba pang gustong subukan sa dugo ng Dragon God.

Nagprisinta na si Creed na samahan siya sa artipisyal na lawa, pero tumanggi si Finn at sinabi niyang magpapasama na lang siya kina Eon, Meiyin, at Poll. Alam niyang marami pa itong trabahong inaasikaso bago siya magtungo rito, at dahil wala siyang pasabi noong ipatawag niya ang mga kapitan ng mga dibisyon ng mga propesyonal, siguradong iniwan nila ang kanilang trabaho para lang kaagad na makatugon sa pagtawag niya. Ito ang dahilan kaya ayaw niya nang abalahin pa ito sa ganoon kaliit na bagay lalo na't nariyan sina Poll para samahan siya sa artipisyal na lawa.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon