Chapter LIV

4.9K 882 40
                                    

Chapter LIV: Suspicious

Naging komplikado ang ekspresyon ni Kiden. Kaagad siyang umiling-iling at sinabing, “Paano mangyayari iyon? Alam mo ang nakaraan ko... alam ninyo na mula nang ako ay magkaroon ng kamalayan ay ang Planetang Accra na ang mundong kinagisnan. Pinalaki ako sa isang bahay-ampunan at kinupkop ako ni Bise Kapitan Siryu para gawing miyembro ng Cloud Soaring Sect at gawing kaniyang personal na estudyante kaya naman imposible... napaka-imposible na maging mamamayan ako ng mundong ito dahil unang-una, noong nabuhay ako ay wala pa ang mundong ito sa ating mundo.”

Ito rin ang labis na ipinagtataka ni Finn. Hindi niya maisip kung bakit walang restriksyon ang antas at ranggo ni Kiden ganoong isa rin itong tagalabas kagaya niya. Siya ay nasa Abyssal Immortal Rank na, pero dahil sa restriksyon, nananatiling nasa 9th Level Heavenly Supreme Rank ang kaniyang antas at ranggo.

“Paano natin maipapaliwanag ang kasalukuyan mong sitwasyon..? Lahat ay nagiging kahina-hinala. Taglay mo ang Raging Fury ng mga axvian, at isa pa, ikaw na rin ang nagsabi na hindi pa malinaw ang totoo mong pagkatao at kung saan ka talaga nagmula dahil noong nagkaroon ka ng kamalayan, bahay-ampunan na ang iyong kinilalang tahanan,” seryosong sabi ni Finn. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita. “Pero, hindi muna iyan ang dapat nating problemahin. Magkakaroon din ng kalinawan ang lahat dahil sa kasalukuyan, ang mga axvian ay nariyan na at hinahanap ka. Marahil may alam sila sa totoong nangyayari,” aniya pa.

“Kung gano'n talaga ngang nagpakita na sila,” sambit ni Kiden.

Tumango si Finn. Bahagya siyang ngumiti at malumanay na tumugon, “Kasalukuyan silang naghihintay sa silid-pagpulong ng mga elder ng tribong ito. At bukod sa gusto ka nilang makaharap at makausap, ipinaalam din nila sa akin na hawak nila si Ashe. Binihag ng mga axvian ang iyong anak at sinabi ng dalawa kong nakausap na hindi nila pakakawalan si Ashe kung hindi ka nila makikita.”

Natigilan si Kiden at agad na bumakas ang matinding pag-aalala sa kaniyang mukha. Naikuyom niya ang kaniyang kamao at mariing sinabing, “Ang anak ko..? Mayroon ba silang masamang intensyon kaya nila binihag ang anak ko?”

Sa tanong na ito ni Kiden, hindi makapagbibigay ng siguradong tugon si Finn. Maging siya ay hindi alam kung ano ang hangarin ng mga axvian, pero hindi siya sobrang nag-aalala dahil tiwala siyang hindi siya pababayaan nina Muriel.

Kahit papaano, nasaksihan niya kung paano siya ipagtanggol ni Muriel mula sa dalawang axvian. Hindi ito nagpatinag kahit na Demigod Rank ang dalawa at para bang handa itong makipag-away sa dalawa para sa kaniya.

“Hindi ko masabi. Ang malinaw lang, gusto ka nilang makaharap at makausap,” saad ni Finn. Huminga siya ng malalim at bahagyang tumango. “Dapat na tayong magtungo roon upang makausap mo sila. Ikaw lang ang makakapaglinaw sa kanila ng lahat, at ikaw lang ang kailangan para palayain nila si Ashe,” lahad niya pa.

“Kailangan ko muli ang tulong mo sa pagkakataong ito, Pinunong Finn,” nag-aalalang sabi na lang ni Kiden.

Tumango si Finn, pero hindi na siya tumugon pa. Binalingan niya ng tingin si Auberon at marahan siyang nagwika, “Huwag kayong aalis dito hangga't wala akong sinasabi. Kung sakali mang mayroong mangyari, magpapadala ako sa iyo ng mensahe gamit ang Conveying Sound Inscription, Auberon.”

“Maliwanag, batang panginoon. Mag-iingat kayo at kapag kailangan ninyo ng tulong, sabihin mo lang para agad kaming makasaklolo,” tugon ni Auberon.

Ngumiti na lang si Finn at niyaya niya na si Kiden palabas ng silid. Mayroon pa silang tutuklasing katotohanan tungkol sa pagkatao nito. Kailangan din nilang makaharap ang mga axvian dahil napakagandang pagkakataon na ito para masubukan kung makukuha nila ang mga naiwang kayamanan ng Rage God.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon