Chapter XXVII: Stronger than ever
Matinding pagsisisi ang nararamdaman ni Lefira, ng Fire Dragon Queen dahil sa maling desisyon na kaniyang nagawa. Hindi niya lubos-akalain na kahit ang pinagsama-sama nilang puwersa ay walang magagawa sa pangkat ni Finn. Buong akala niya ay sobra pa ang kanilang lakas, subalit napagtanto niyang kulang na kulang pa sila sa bilang at lakas. Mali sila ng kalkulasyon. Sobra niyang minaliit ang kakayahan ni Finn at ng mga kasama nito dahil buong akala nila, hindi makakapalag ang mga ito sa kanila.
At sa halip na sila ang makalamang sa laban, sila pa ang nadehado dahil ang kaharap nila ay mga soul puppet master ng New Order.
Ang rason niya kung bakit niya pinaunlakan ng tulong si Deronia ay dahil sa utang na loob niya sa kasalukuyang alchemy god, at sa kabilang banda, dahil gusto niyang makuha ang pabor nina Deronia at ng alchemy god.
Malaki ang sinisimbolo ng pabor ng alchemy god dahil ang alchemy god ang isa sa pinaka maiimpluwensyang indibidwal sa divine realm. Isa itong nilalang na nilalapitan ng karamihan dahil sa taglay nitong pambihirang kakayahan sa alchemy. Kahit ang karamihan sa mga emperador at imperatris ay inirerespeto o kinakaibigan ang alchemy god; siya pa kaya na isa lang lider ng hukbo ng mga fire dragon.
Dahil kasalukuyang nalalagay sa panganib ang kaniyang buhay, matinding hinanakit ang nararamdaman niya kina Deronia at Hannibal. Sila ang may pakana ng lahat ng ito. Sila ang nagplano at kung hindi dahil sa kanila, hindi mangyayari ang lahat ng ito.
Ganoon man, wala na siyang pagpipilian. Hindi na siya makakaatras kahit na gustuhin niya pa. Gusto niyang tumakas, pero wala siyang matatakasan dahil napalilibutan na sila ng mga soul puppet at miyembro ng ikalawang dibisyon.
Kasalukuyan niya ring kinakalaban si Yagar na ngayon ay may antas at ranggo na Chaos Immortal Rank. May katulong pa itong mga soul puppet, at para lang makatagal sa laban, ginagamit niya ang lahat ng puwede niyang gamitin sa laban. Inilalabas niya na ang lahat ng kaniyang alas at sinusunog niya na ang kaniyang blood essence para lang matapatan ang kapangyarihan ni Yagar.
Sa kabila ng lahat ng ito, alam niyang sa huli ay matatalo rin siya. Napapatagal niya lang ang laban, pero imposibleng manalo siya kay Yagar at sa mga soul puppet nito dahil ang kaya niya lang gamiting kapangyarihan ay lakas ng isang 9th Level Heavenly Supreme Rank.
Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin. Patuloy pa rin ang paglalabas ng kaniyang katawan ng Dragon's Might, subalit hindi ito ganoon ka-epektibo kay Yagar dahil masyadong matibay ang lakas ng kaisipan nito.
Naghahabol na siya ng hininga. Masyado nang malaki ang nakokonsumo niyang enerhiya para lang mapatagal ang laban nila ni Yagar. Nahihirapan na siyang dumepensa rito at sa mga soul puppet nito, at hindi kalaunan, bumagsak ang kaniyang tuhod sa lupa.
Hinawakan siya sa magkabilang-braso ng dalawang soul puppet ni Yagar at marahas na iningudngod ng mga ito sa lupa ang kaniyang mukha. Pinipilit niyang labanan ang lakas ng dalawa at unti-unti, umaangat ang kaniyang ulo, pero alam niyang sa mga sandaling ito, talo na siya.
“Kung nasa akin ang orihinal kong lakas, wala kang tsansang manalo. Sa kumpas lang ng aking daliri, kayang-kaya kitang paslangin,” nanggagalaiting sambit ni Lefira habang matalim na nakatingin kay Yagar.
Mapanghamak na tumingin sa kaniya si Yagar. Umismid pa ito at nakangising sinabing, “Ang problema, wala sa iyo ang orihinal mong lakas. Kahit na makapangyarihang indibidwal ka sa divine realm, pangkaraniwan ka lang dito.”
Marahas na sinabunutan ng isang soul puppet ni Yagar ang buhok ni Lefira habang ang isa ay magpit na humawak sa panga nito.
“Malaking pagkakamali na kinalaban mo ang aming panginoon. Binigyan ka niya ng pangalawang pagkakataon, pero masyadong makitid ang utak mo at nagpadala ka sa kahangalan ng dalawang iyon. Ngayon, ako na mismo ang magpapataw sa iyo ng kaparusahang kamatayan,” lahad pa ni Yagar at itinutok niya ang kaniyang hintuturo sa puwersahang nakabukang bibig ni Lefira.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...