Chapter XV: Execution of the Plan
“Nagkakaunawaan na tayo kung sino ang poproteka kina Formation Saint Adlaros habang sinusuri nila ang pasukan ng libingan. Mas mahalaga na masiguro natin na hindi sila maaabala kaya karamihan sa atin ay nasa tabi lang nila para sila ay protektahan. Tungkol sa iba... napagkasunduan na natin kung sino ang makikipaglaban sa halimaw o sa kung anomang nilalang na nasa ibaba ng bangin. Nagboluntaryo na ang Draconian Tribe, Ancient Phoenix Shrine, at Demonic Snow Empire na sila na ang makikipaglaban kaya wala na tayong problema sa bagay na iyon,” ani Gorden.
Ang Demonic Snow Empire ay ang puwersang pinamumunuan ni Tiffanya. Nagboluntaryo sila na sila na ang haharap sa makapangyarihang halimaw na nasa baba ng bangin, at siyempre hindi nagpatalo sa kanila ang mga Draconian at ang pangkat na pinamumunuan ni Ashe.
Ang Demonic Snow Empire ay may dalawang Demigod Rank, sina Yanji at Larfade. Sila ang kasalukuyang pinakamalakas na tauhan ni Tiffanya at sa halos lahat ng pagkakataon ay sila ang umaatake sa mga puwersa para mangulimbat ng mga kayamanan o mang-alipin ng mga tagalabas.
Mayroon ding dalawa ang Ancient Phoenix Shrine, sina Ranaya at Fahra. Si Ranaya ang pinuno ng mga fire phoenix sa Land of Origins, subalit ngayon, sumumpa na siya ng katapatan kay Ashe kasama ang iba pang fire phoenix.
Tungkol sa Draconian Tribe, sila ay may tatlong Demigod Rank—sina Exvious, Ivos, at Tesora.
Ang pitong Demigod Rank na ito ang inaasahang makikipaglaban sa makapangyarihang halimaw habang ang iba ay nakasuporta lamang. Sa kabila nito, ang gusto ng mga draconian ay sila lang ang makikipaglaban dahil anila, hindi nila kailangan ng tulong ng iba. Ipinagdidiinan nila na sapat na ang isa sa kanila para lumaban, ganoong man, nagpupumilit din ang mga white demon at fire phoenix na sila ang lalaban sa halimaw para malaman nila kung gaano ito kalakas.
Nagtagal ang pagtatalo tungkol sa usaping ito dahil pinairal ng bawat isa ang kanilang ego. Hindi nila gustong makipagtulungan, subalit sa huli, nagdesisyon na lang ang bawat isa na magkaniya-kaniya na lamang sa pag-atake sa halimaw. Wala nang pakialam ang iba dahil ang mahalaga lang, hindi makalapit ang halimaw kina Adlaros habang pinag-aaralan ng mga ito ang pasukan ng libingan.
“Maaari ba akong magsalita?”
Akala nang nakararami ay roon na nagtatapos ang diskusyon, subalit natigilan sila at napabaling sa indibidwal na bigla na lamang nagsalita. Buong akala nila ay hindi na ito magsasalita sa kabuoan ng pagpaplano, subalit sa huli, nagdesisyon pa rin ito na magsalita at manghingi ng permiso na sumali sa usapan.
Ang humihingi ng permiso ay walang iba kung hindi si Finn. Kalmado lang ang kaniyang ekspresyon at hindi siya nagpapatinag kahit na nakatatanggap siya ng mga hindi kanais-nais na pagtitig.
“Bahagi ka ng pagpupulong kaya may karapatan kang magsalita at magpahayag ng iyong opinyon. Hindi mo kailangang mangamba dahil hindi ka naman mapapahamak kung makabuluhan ang iyong sasabihin,” lahad ni Caesia.
Ngumiti si Finn kay Caesia at marahan siyang tumango. Ibinuka niya muli ang kaniyang bibig at sinabing, “Maraming salamat.”
Pagkatapos magpasalamat, sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at pinasadahan niya ng tingin ang mga naroroon. Inilahad niya ang kaniyang kamay at marahan siyang nagwika, “Isa akong pinuno at ang aking pinamumunuang pangkat ay kasama kong nagtungo rito para makipagsapalaran. Hangad naming makatagpo ng oportunidad dito kaya nais ko lamang linawin, maaari ko bang isama ang New Order sa pagbaba sa bangin?”
“Ang bawat isa sa inyo ay isasama ang inyong mga tauhan at kasamahan kaya hindi naman siguro masama kung isasama ko rin ang aking pinamumunuan, hindi ba?” Tanong niya.
Nagkaroon ng katahimikan, subalit nabasag din ito agad matapos umalingawngaw ang napakalakas na halakhak ni Goyle. Hagalpak ang pagtawa nito at pagkatapos, malapad itong ngumiti kay Finn at umiling-iling.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...