Chapter X

5.8K 818 55
                                    

Chapter X: The Current Situation

Nagkaroon ng pagkalito sa ekspresyon ni Finn habang papalapit nang papalapit ang kanilang sinasakyang airship sa bangin. Inilibot niya ang kaniyang paningin at pinag-aralan niyang mabuti ang paligid. Mayroon siyang kakaibang napansin na labis niyang ipinagtataka, at kung ano ang bagay na iyon? Iyon ay walang iba kung hindi ang hindi pagkilos ng mga naunang puwersa, grupo, o indibidwal. Nagugululuhan siya kung bakit hindi pa nagtutungo ang mga ito sa bangin habang hindi pa ganoon karami ang mga adventurer na naroroon.

“Mayroong kakaiba rito. Bakit hindi pa sila bumababa sa bangin gano'ng nauna silang dumating dito? Pagkakataon na nilang mauna sa mga oportunidad at kayamanan na nasa libingan kaya nakapagtatakang tila ba walang kumikilos sa kanila,” malumanay na sambit ni Finn. Huminga siya ng malalim. Bumaling siya kay Auberon at marahang sinabing, “Sabihan mo ang nagpapalipad sa airship na lumapag na sa bakanteng lugar. Kailangan muna nating maunawaan ang sitwasyon dito, kailangan muna nating mangalap ng impormasyon kung anong klaseng iregularidad ang nangyayari dito.”

“Hindi sila hangal para hintayin na dumami pa ang dumating para makipag-agawan. Siguradong mayroong dahilan kung bakit hindi pa sila kumikilos hanggang ngayon. Ito muna ang kailangan nating alamin,” dagdag niya.

“Ngayon din mismo, batang panginoon,” sambit ni Auberon.

Naglaho ang pigura ni Auberon, at pagkaalis nito, agad na pinakiramdaman ni Finn ang bangin. Naging taimtim ang kaniyang ekspresyon makaraan ang ilang segundo. Mas lalo siyang naguluhan dahil wala siyang maramdamang kakaiba sa bangin. Walang nangyayaring aktibidad dito at para bang normal na bangin lang ito na sobrang lawak.

Kapansin-pansin din ang pagbabago sa buong lugar. Orihinal na may mga puno rito, subalit pinutol at binunot na ang mga iyon. Nakalbo na ang paligid ng bangin dahil sa rami ng mga pangkat na nagtayo ng kampo rito. Nagtayo ng kani-kanilang pansamantalang teritoryo ang bawat pangkat at dahil dito kaya ang puwestong pinaglapagan ng tatlong airship nina Finn ay medyo malayo na sa bangin.

Nang makalapag ang mga airship sa lupa, agad na inatasan ni Finn sina Yopoper na magtalaga ng mga mangangalap ng impormasyon tungkol sa kasalukuyang sitwasyon. Maraming pangkat ang nasa paligid na maaari nilang mapagtanungan kaya mabilis nilang malalaman kung ano ang dahilan bakit wala pang kumikilos na pangkat hanggang ngayon.

Nang makaalis ang mga miyembro ng ikalawang dibisyon para mangalap ng impormasyon, bumaba si Finn ng airship kasama si Auberon. Sumunod sa kaniya ang pangkat ng espesyal na dibisyon at ikalawang dibisyon at hindi nagtagal, sumama na rin sa kanila ang iba pang dibisyon na nakasakay sa dalawang airship. Humanay nang maayos ang mga ito nang naaayon sa kanilang dibisyon.

Nasa pinaka-unahan ang espesyal na dibisyon dahil sila ang kinkonsidera bilang pangunahing pangkat sa New Order.

“Auberon, hindi ito ang panahon para makipag-usap tayo sa ibang puwersa tungkol sa alyansa o pagbahagi ng ating mga kayamanan. Kapag may lumapit sa atin at ang intensyon nila ay makipag-alyansa o magtanong tungkol sa ating mga kayamanan, agad natin silang tanggihan. Maaari tayong bumuo ng koneksyon sa iba. Handa naman akong harapin sila, subalit hindi ako bukas sa pakikipagtulungan sa kasalukuyan--lalo na sa mga gusto lang tayong gamitin para sa personal nilang interes,” seryosong lahad niya.

“Maliwanag, batang panginoon. Naiintindihan ko ang iyong pinupunto. Kung sakali mang may lalapit sa ating pangkat para makipag-usap, didirektahin ko na sila upang hindi masayang ang panahon natin sa kanila,” agad na tugon ni Auberon.

Bahagyang ngumiti si Finn at sinabing, “Mabuti kung gano'n. Hihintayin ko lang ang pagbabalik ng mga miyembrong inatasan ni Yopoper para mangalap ng impormasyon. Pagkatapos nating maunawaan kung ano ang nangyayari dito, doon na tayo bubuo ng plano.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon