Chapter CXXVII: The Most Awaited (Part 1)
Habang hinihintay ang pagdating ng lahat ng miyembro ng New Order, kaswal na nakikipagkuwentuhan si Finn kay Firuzeh tungkol sa sari-saring bagay. Itinatanong sa kaniya nito ang tungkol sa repormasyon, pero hindi niya binanggit dito ang lahat ng kaniyang plano. Hindi niya sinabi kung sino ang mga itatalaga niya, bagkus, sinabi niyang surpresa iyon para magkaroon ito ng kahit kaunting pagkasabik sa mga mangyayari. Bukod sa repormasyon, binanggit niya rin dito na sinubukan niyang i-absorb ang dugo ng Dragon God, ganoon man, hindi ito nagulat, sa halip, natawa pa ito at napailing-iling.
“Inaasahan ko nang susubukan mo iyon, at kahit na napakarami mo nang nagawang himala, inaasahan ko na ring hindi ka magtatagumpay,” natatawang sabi ni Firuzeh. “Isa kang Celestial King, hindi pangkaraniwang celestial lamang. Marahil kakaiba kang Celestial King dahil may kung anong kakaiba sa katawan mo na para bang hindi ka purong celestial, pero isa ka pa ring Celestial King at masyado nang hindi makabuluhan kung magtataglay ka rin ng dugo ng isang dragon. At kahit na pangkaraniwang celestial ka lamang, hindi ka pa rin magtatagumpay dahil ang iyong katawan ay hindi tutugma sa dugo ng isang dragon. Kung isa kang tao o isang nilalang na hindi mula sa maharlikang lahi, marahil may posibilidad na ma-absorb mo ang dugo ng Dragon God, pero nakadepende pa rin iyon kung kakayanin ng katawan mo ang dugo ng isang dragon--at ang mas malupit pa, ng isang diyos ng mga dragon,” dagdag niya.
Natawa rin si Finn sa kaniyang kahibangang ginawa. Napakamot na lang siya sa likod ng kaniyang ulo at naiilang na tumugon. “Sinubukan ko lang baka sakaling posible ang naisip ko. Alam ko. Masyado akong naging gahaman sa kapangyarihan, pero wala akong pagpipilian dahil kailangang-kailangan ko ng kapangyarihan para mapagtagumpayan ang aking mga layunin.”
Bigla na lang sumeryoso ang ekspresyon ni Firuzeh. Bumuntong-hininga siya at pabulong na sinabing, “Napakabigat ng iyong pasanin. Napakalaking responsibilidad ang iniatang ng mundo sa iyo, pero hindi mo kailangang buhatin iyan nang ikaw lamang. Handa kaming tulungan kang pasanin iyan, handa ang New Order na maging sandigan mo para hindi ka sobrang mahirapan.”
“Sa huli, iyon ang rason kaya tayo nabuo, hindi ba? Para mapagtulungan nating mapagtagumpayan ang layunin ng puwersang ito na tuluyang mapuksa ang mga kasuklam-suklam na diyablo. Binuo mo ang New Order dahil imposible mong mapagtagumpayan ang mga hangarin mo nang ikaw lamang,” aniya pa.
Bahagyang ngumiti si Finn. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at malumanay siyang nagsalita.“Tama ka. Iyan nga ang rason. Hm. Alam kong nariyan lang kayo para tulungan ako. Maaasahan ko ang bawat isa sa inyo, pero gusto kong masiguro na maaabot ko ang hangganan ng lakas na posible kong maabot. Hangga't posible pa akong lumakas at maging makapangyarihan, pipilitin ko. Kailangang-kailangan ko ito dahil gusto kong protektahan ang mga nais kong protektahan.”
“Kung ako ang pinakamakapangyarihan sa lahat, hindi ko na kailangang mangamba na baka may mangyaring masama sa mga malalapit sa akin. Mayroon akong lakas para sila ay protektahan o iligtas, at nakasisiguro ako na hindi na rin mangangahas ang ibang adventurer na ako ay kalabanin kaya mas magkakaroon ako ng buhay na tahimik at payapa,” dagdag niya.
Dahil sa mga sinabi niya, matagal na natahimik si Firuzeh. Napatulala na lang ito, pero makaraan ang halos isang minutong pananahimik, ngumiti ito at nagsalita para tugunan ang sinabi niya.
“Dahil sa iyong mga sinabi, hindi ko tuloy mapigilan na maalala ang Ethereal Sun Emperor. Kagaya lang din ng gusto mo ang gusto niya--hangad niya ring magkaroon ng kapangyarihan na hindi mahihigitan. May pagkaganid siya sa kapangyarihan at mga kayamanan, pero napakabuti niyang nilalang dahil ang gusto niya ay hindi lang para sa sarili niya, ang gusto niya rin ay ikabubuti ng lahat ng nasa paligid niya,” malumanay na sabi ni Firuzeh. “Ang kaniyang personalidad ang dahilan kaya marami siyang naging kaaway at kakampi sa kaniyang bawat pakikipagsapalaran noong nabubuhay pa siya, pero noon, lahat ng kaniyang mga kaaway at kakampi ay pare-parehong nirerespeto siya dahil nagawa niyang maging pinakamakapangyarihang adventurer sa divine realm. Marahil ang personalidad niya ring iyon ang dahilan kaya niya nagawang mapasunod si Grogen.”
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasíaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...