Chapter CLXVI

5.4K 918 142
                                    

Chapter CLXVI: What..?

Ilang segundo ang lumipas hanggang sa umabot ng mahigit isang minuto. Ganoon man, patuloy lang si Finn sa pagtitig sa munting kahon na nasa mesa. Napansin ito ni Lucius, at napagtanto niyang kahit na sobra itong nananabik, para bang mayroon pa rin itong pag-aalinlangan kaya hindi nito kinukuha ang kahon na naglalaman ng iba pang retaso ng kapangyarihan ng kaniyang amang diyos.

Tila ba mayroong pumipigil dito, at iyon ang hindi niya alam kaya deretsahan niya itong kinausap kung ano ang problema.

“Ano pa ang hinihintay mo? Bakit tila ba nag-aalilangan ka na kuhanin ang kahon na ito? Naghihintay na ang mga retaso kaya damputin mo na ito at silipin mo ang lahat ng mga elemento na hindi kalaunan ay magiging sa iyo,” saad ni Lucius.

Pilit na kumalma si Finn at bahagya siyang ngumiti kay Lucius. Naroroon pa rin ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata, at makaraan ang ilang segundong pananahimik, nagdesisyon na siyang magwika.

“Kahit na sobra akong nananabik at nasisiyahan, nag-aalinlangan pa rin akong tanggapin iyan sa isang dahilan,” seryosong sabi ni Finn. “Lahat ng iyan... ibinibigay mo ba sa akin ang lahat ng iyan ng libre? Nang walang kahit anong kapalit? Ang nilalaman ng kahon na iyan ay mga retaso ng kapangyarihan ng iyong amang diyos--ng Elemental God--at bawat isa roon ay kayamanan na mahirap matumbasan kaya hindi ko mapigilan na magdalawang-isip kung tama lang na na tanggapin ko ang mga iyan.” aniya pa.

“Ikaw lang ang tanging kilala ko na may kapabilidad na gamitin ang mga retaso ng kapangyarihan ng aking ama kaya bakit hindi? Kung sa iba ito mapupunta, maaari lang silang mapahamak dahil napakalaki ng posibilidad na hindi tumugma sa kanilang katawan ang bawat retaso ng kapangyarihan ni ama. Isa pa, kahit na singilin kita ng kapalit, hindi iyon maaari dahil nabayaran mo na ako sa ginawa mong pagpapalaya sa akin mula sa sumpa. Ang ginawa mong iyon ang mahirap tumbasan kaya tanggapin mo na ang kahon na ito dahil ito lang ang maaari kong ibayad sa iyo,” paliwanag ni Lucius. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan para buksan ang kahon. Ipinakita niya kay Finn ang iba pang retaso at sinabing, “Ang lahat ng ito ay sa iyo na. At kapag naging isa na ang katawan mo at ang mga kapangyarihan na taglay ng mga retasong ito, naniniwala ako na mapagtatagumpayan mo na ang mga layunin mo. Mayroon lang din akong mga paalala sa iyo.”

“Ang una ay alalahanin mong mabuti na ikaw lang ang maaaring kumonsumo ng mga retasong iyan dahil kapag sinubukan mo na ibigay ang mga iyan sa iba, malaki ang posibilidad na maihatid mo sila sa kanilang kamatayan. Ang ikalawa ay hindi ibig sabihin na matagumpay ka sa pagkonsumo sa bawat isang retaso ay magiging mahusay ka na agad sa pagkontrol sa iba't ibang elemento. Kakailanganin mo pa rin ng mahabang pagsasanay, at kung naging madali ang pagsasanay mo sa mga nauna mong elemento, hindi ibig sabihin noon ay magiging madali na ang mga susunod dahil magtataglay ka ng iba't ibang kapangyarihan na may iba't ibang katangian.”

“At panghuli, huwag kang magiging gahaman. Huwag mong madaliin ang lahat. Dahan-dahanin at unti-untiin mo lang dahil kapag nagtagumpay ka sa pag-angkin sa retaso ng kapangyarihan ng aking ama at kapag nagawa mo iyang makontrol nang tama, wala nang makakatalo na kahit sinong mortal sa iyo. Magiging pinakamalakas ka sa inyong mundo... at nakasisiguro ako riyan dahil tataglayin mo ang bahagi ng kapangyarihan ng isang diyos--ng aking amang diyos!” seryosong pagsasalaysay niya.

Malinaw na narinig ni Finn ang mga sinabi ni Lucius. Naiintindihan niya rin ang mga paalala nito dahil alam na alam niya ang hirap ng pagsasanay ng bagong mga kapangyarihan. Naranasan niya iyon noong dumagdag ang elemento ng apoy at elemento ng kidlat sa kaniya. Hindi rin naging madali na kontrolin ang dalawang iyon dahil kailangan niyang ikonsidera ang mga umiiral niyang elemento--ang elemento ng tubig at elemento ng hangin.

Hindi na bago sa kaniya ang pagsasanay, pero nahirapan pa rin siya dahil sa magkakaibang katangian ng mga elemento at minsan, nagkakaroon ng labanan ang mga ito sa loob ng kaniyang soulforce coil. Hindi niya rin maikakaila na hanggang ngayon, hindi pa perpekto ang kontrol niya sa kaniyang mga elemento. Alam niyang hindi niya pa tuluyang nagagamit ang kabuoan ng potensyal ng mga ito dahil hindi pa siya nagkakaroon ng mahabang panahon para pagtuunan ang mga ito ng pansin.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon