Chapter XLV: Cursed by the Heavens (Part 3)
Kahit na hindi malinaw sa kaniya ang eksaktong dahilan kung bakit siya gustong makausap ng mga supreme elder, pinili pa rin ni Finn na sumama kina Horus para makaharap ang mga ito. Isa sa mga gusto niya ang personal na makita ang mga supreme elder ng mga minokawa dahil nahihiwagaan siya kung ano talaga ang kabuoang lakas ng tribong ito. Isa pa, maaari niyang gamitin ang oportunidad na ito para mas palakasin pa ang koneksyon niya sa mga minokawa.
Kung makukuha niya ang loob ng mga nakatataas, maaaring ituring din siyang kaibigan ng mga ito. Hangad niyang maging kaibigan ang bawat puwersa, pangkat, o indibidwal na makapangyarihan dahil danas na danas niya kung gaano kalaking tulong sa pakikipagsapalaran nila sa Land of Origins ang palatandaan ng bawat pangkat o puwersang kanilang nagiging kaibigan.
Nakuha niya na ang palatandaan ng kinikilalang pinakamaimpluwensyang puwersa sa buong Land of Origins—ang Creation Palace. Ipinagkatiwala rin ng pamunuan ng mga arkous sa kaniya ang kanilang palatandaan, at higit sa lahat, itinuturing din siyang kaibigan ng mga ankur. Marami na silang naging kaibigan na naninirahan sa Land of Origins, pero ang palatandaan ng tatlong ito ang pinaka kanilang napakikinabangan dahil sa pagtataglay ng mga ito ng magandang kasaysayan.
At dahil ang mga minokawa ay may hindi pangkaraniwang kasaysayan, malaking karagdagan sila sa pagpapalakas ng impluwensya ng New Order.
--
Nag-anyong tao muli si Kaia at ang mga elder matapos nilang marating ang bunganga ng isang kuweba sa kailaliman ng kagubatan. Nakasunod lang sa kanila si Finn at sa kabuoan ng kanilang paglipad sa himpapawid, hindi nagkaroon ng pagkakataon na sila ay nagkausap patungkol sa eksaktong dahilan kung bakit ito gustong makausap ng mga supreme elder
“Narito na tayo,” lahad ni Horus. Sinulyapan niya si Finn at malumanay na sinabing, “Haharap ka sa dalawang supreme elder ng aming tribo kaya inaasahan kong magiging maingat ka sa iyong bawat sasabihin. Hangga't maaari, tumugon ka lamang kapag kinakausap o tinatanong ka nila upang hindi tayo magkaroon ng problema.”
Matamis na ngumiti si Finn at bahagya siyang tumango. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at makahulugang sinabing, “Huwag kayong mag-alala, alam ko kung ano ang gagawin ko. Hindi ko hahayaan na masayang ang pagkakataong ito kaya pipilitin kong gumanda ang imahe ko sa inyong mga supreme elder.”
“Mabuti na ang nagkakaintindihan,” seryosong sabi ni Horus. Binalingan niya ng tingin si Kaia at ang mga kapwa niya elder. Tinanguhan niya ang mga ito at malumanay na sinabing, “Pumasok na tayo. Siguradong naghihintay na sila sa ating pagbabalik.”
Naunang pumasok si Horus at ang apat pang elder sa kuweba. Sumunod sa kanila sina Kaia at Finn na magkasabay na naglalakad sa may bandang likuran. Hindi mabilis, subalit hindi rin mabagal ang kanilang bawat hakbang, ganoon man, narating din nila agad ang isang pintuan na agad binuksan ni Horus. Magkakasunod silang pumasok sa silid sa loob ng kuweba, at pagkapasok na pagkapasok ni Finn, kaagad niyang hinanap ang tinutukoy na dalawang supreme elder ng mga minokawa.
Bumakas ang gulat sa mukha ni Finn matapos niyang makita ang dalawang nakaupong matanda sa dalawang upuan, subalit kaagad niya itong ikinubli at malalim siyang nag-isip.
‘Sila ay parehong nasa Demigod Rank! Pero, ang kanilang hitsura... Ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng nilalang na may ganito katandang hitsura. Bukod pa roon, ang kanilang life force... malinaw kong nararamdaman na nalalapit na sa hangganan ang kanilang buhay. Nakararamdam na ako ng kakarampot na death energy sa kanilang katawan kaya sigurado ako na ilang taon lang mula ngayon, papanaw na rin sila dahil sa labis na katandaan,’ sa isip ni Finn habang pinag-aaralan niya ang daloy ng enerhiya ng dalawang matandang minokawa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
ФэнтезиSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...