Chapter CIV: Lead them to Success
Habang protektado ng barrier na likha ni Ysir, nasasaksihan ni Finn kung paano unti-unting nagiging maayos ang nangyayaring gulo sa pagitan ng mga water celestial. May mga ligaw na atakeng umaabot sa kinaroroonan niya. Mayroon ding nagwawalang water celestial na sumusugod sa kaniya, pero hindi siya kumikibo sa kaniyang kinauupuan dahil nababalutan siya ng barrier ni Ysir na may hulmang palihan. Hindi na rin ganoon kalala ang gulo kumpara noong una siyang makarating dito.
At ito ay dahil minamadali na nina Eaton, Orwell, at ng matataas na opisyales ang pag-ayos sa nangyayaring kaguluhan. Personal na silang kumikilos para mapigilan ang mga nagwawalang water celestial.
Sa kabilang banda, kanina niya pa natapos ang paggawa sa mga water celestial skill book na alam niya at kaya niyang gamitin. Natapos niya na itong maisulat at handa na siyang ituro ang mga ito kina Eaton. Ang hinihintay niya na lang ay matapos ang mga ito sa pag-aayos ng nangyayaring gulo sa pagitan ng mga kanilang grupo.
Hindi naging matagal ang kaniyang paghihintay dahil makaraan pa ang ilang sandali, tuluyan nang naging payapa ang paligid. Huminto na ang mga nagwawalang water celestial. May mga nawalan ng malay dahil puwersahan silang pinatulog habang may mga napanatili ang kanilang kamalayan. Wala tigil na humingi ng paumanhin ang mga ito dahil sa kanilang ginawang gulo, pero hindi rin sila masisisi dahil bahagi iyon ng kanilang pagsasanay na makontrol ang kanilang sarili habang gamit ang Celestial Wrath.
Sunod-sunod na ring nagdatingan ang pinakamahuhusay at pinakamalalamakas na labinlimang water celestial. Pinangungunahan pa rin sila ni Eaton, at noong makalapit sila kay Finn, kaagad silang lumuhod upang magbigay-galang.
Sinuportahan ni Finn ang kaniyang sarili para makatayo, at gamit ang kaniyang isip, inutusan niya na rin si Ysir na alisin ang barrier na pumoprotekta sa kanila. Pagkatapos, taimtim na ekspresyon niyang pinagmasdan sina Eaton na nakaluhod sa kaniyang direksyon. Umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito ng isang bahagyang ngiti.
“Magsitayo kayo,” saad niya.
Kaagad na sumunod sina Eaton. Magkakasunod silang tumayo at binigyan nila ng magalang na tingin si Finn.
“Humihingi ako ng paumanhin dahil naabutan mo kaming ganito kagulo, Panginoong Finn. Sinusubukan naming tulungan ang mga kasamahan naming nawawala sa katinuan kapag gumagamit ng Celestial Wrath, pero sadyang hindi ganoon kadali para sa karamihan na makontrol ang kanilang sarili kapag napangingibabawan sila ng kanilang emosyon,” seryosong paliwanag ni Eaton.
Agad na umiling si Finn. Nanatili ang bahagyang ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi siya makikitaan ng pagkainip, bagkus, napakaaliwalas ng kaniyang ekspresyon na para bang wala lang sa kaniya ang paghihintay ng matagal.
“Wala kang dapat ihingi ng dispensa. Sa totoo niyan ay sobra akong nasisiyahan dahil sinunod ninyo ang gusto ko. Masaya ako dahil hindi na lang mga talentado at may malaking potensyal ang pinaglalaanan ninyo ng panahon dahil maging ang mahihina at walang gaanong talento ay pinagsusumikapan n'yo na ring turuan. Gusto kong ipagpatuloy n'yo iyan, at sana huwag ninyo silang sukuan dahil naniniwala ako na darating ang araw na makikita ninyo ang bunga ng inyong paghihirap,” lahad ni Finn. “Pero, isantabi na muna natin ang tungkol sa bagay na iyan at ituon na muna natin ang ating atensyon sa dapat nating pag-usapan.”
“Siguro naman ay alam n'yo ang dahilan kung bakit ako naririto, hindi ba? Pagkabalik ko ay rito agad ako dumeretso dahil gusto ko munang tuparin ang ipinangako ko sa inyo bago ako sumailalim sa sarili kong pagsasanay. Ituturo ko sa inyo ang mga water celestial skill na alam ko at kaya kong gawin, pero bago iyon, lahat ba kayong labinlima ay kayang kontrolin ang inyong Celestial Wrath?” tanong niya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...