Chapter LXVI

5K 913 62
                                    

Chapter LXVI: Heaven Sent

Lumabas na sa silid-pagpupulong ang mga kapitan at bise kapitan ng Divisions of Imperial Armies. Sumama na rin sa kanila ang mga Marren at hinayaan na lang nila sa silid sina Finn, Auberon, Meiyin, Poll, at Eon. Pinaiwan ng kanilang pinuno ang apat, at hindi na sila nag-usisa pa kung bakit pinaiwan nito ang mga ito dahil sigurado sila na magkakaroon pa ng diskusyon ang mga ito tungkol sa mga bagay-bagay.

Bilang heneral, si Auberon ang ikalawa sa may pinakamataas na posisyon sa buong New Order kaya hindi malabong kausapin siya ni Finn patungkol sa mangyayaring pagpasok ng Divisions of Imperial Armies sa Myriad World Mirror. Maraming bagong makakaalam sa mga divine artifact na pag-aari ng kanilang pinuno kaya kinakailangan na mabantayan ang kilos ng mga ito upang hindi magkaroon ng aberya kapag nasa loob na sila.

Tungkol kina Meiyin, Poll, at Eon, sila ang makakasama ni Finn sa Heavenly Gourmet Island kaya siguradong pinaiwan din sila para bigyan ng mga paalala ang mga ito sa kanilang isasagawang paglalakbay patungo sa lugar na iyon.

“Mayroon akong gagawin sa silid-pagsasanay kaya hindi muna ako maaaring abalahin. Pero bago ko isagawa iyon, ibibigay ko na agad sa inyo ang mga habilin at paalala ko para kapag nakabalik na tayo sa sanktuwaryo, gagawin na lang natin kung ano ang mga napag-usapan,” saad ni Finn. Kaagad niyang binalingan si Auberon at nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Auberon, hindi mo na kailangang bantayan o alalahanin ang Divisions of Imperial Armies. Ang gusto ko ay ituon mo ang iyong buong atensyon sa pagsasanay. Subukan mong abutin ang Saint Rank sa lalong madaling panahon dahil kailangan ko ang lakas mo para sa mga susunod nating plano,” paalala niya.

Sumeryoso ang ekspresyon ni Auberon. Bumakas sa kaniyang mga mata ang pagtatanong kaya agad niyang inihayag ang kaniyang sentimiento sa paalala ni Finn.

“Pero, sino ang magbabantay sa mga bagong papasok sa Myriad World Mirror, batang panginoon? Mapanganib kung hindi ko sila babantayan. Hindi ko sigurado kung ano ang maiisip nila kapag nalaman nilang mayroon kang mga divine artifact kaya kailangan ko silang pagtuunan ng pansin upang hindi ka nila maipahamak,” seryosong sambit niya.

“Hindi mo sila kayang bantayan lahat. Hindi mo masusundan ang bawat kilos nila kaya hindi mo na kailangang problemahin ang tungkol sa bagay na iyan. Hihingiin ko na lang ulit ang tulong ni Firuzeh dahil kung mayroon mang may kakayahan na bantayan ang kanilang kilos, iyon ay si Firuzeh lamang,” tugon ni Finn at bahagya siyang ngumiti. “Kayang paramihin ni Firuzeh ang kaniyang sarili kaya kayang-kaya niyang bantayan ang mga miyembro ng Divisions of Imperial Armies. Higit pa roon, isa siyang Demigod Rank kaya ang pagkontrol sa mga bagong papasok sa Myriad World Mirror ay madali lang para sa kaniya.”

“Pero, mayroon akong naiisip na potensyal na problema tungkol kay Firuzeh,” taimtim na dagdag niya.

Napakunot ang noo ni Poll. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at kaagad siyang nagtanong, “Ano iyon? Kung inaalala mo kung tutulungan ka niya, sigurado iyon, Guro. Gusto ka niyang tulungan pagdating sa mga ganitong bagay dahil muli mong binuhay ang kaniyang pagiging alchemist at binigyan mo siya ng pagkakataon na maipagpatuloy ang kaniyang eksperimento gamit ang iyong Heavenly Divine Cauldron. Hindi ka niya tatanggihan, naniniwala akong masaya siyang tulungan ka pagdating sa mga ganito kasimpleng bagay.”

“Inaalala ko ang tungkol sa bagay na iyan, subalit hindi iyan ang sinasabi kong potensyal na problema. Ang ibig kong sabihin ay si Ceerae Ancientsun--siya ang potensyal na problema na maaaring maging dahilan para tumanggi si Firuzeh na tulungan akong bantayan ang Divisions of Imperial Armies,” lahad ni Finn. “Si Ceerae ay mula sa divine realm. Isa rin siyang tanyag na indibidwal doon at hindi malabong pamilyar siya sa pagkatao ni Firuzeh. Ang alam ng lahat ay patay na si Firuzeh, at ayaw niya pang humarap sa kahit na sinong taga-divine realm dahil nangangamba siyang baka malaman ng kasalukuyang alchemy god na buhay pa siya dahil sa mga nalalaman niya at pag-aari niyang formula.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon