Chapter CLIX

5.8K 881 60
                                    

Chapter CLIX: Allegiance to the Hero (Part 1)

Sa isang balkonahe sa kastilyo, kasalukuyang tinatanaw ni Altair ang paligid. Hindi siya kabilang sa mga naatasan ni Finn. Ayaw niya pa rin munang pumasok sa loob ng Myriad World Mirror dahil gusto niyang hintayin ang pagdating ng mga panauhin kaya nanatili na lang muna siya sa santuwaryo. At habang tahimik siyang naghihintay, napasulyap siya sa kaniyang kaliwa nang mapansin niyang mayroong tumabi sa kaniya.

Si Yuros, at napansin niya na hindi maganda ang timpla nito.

“Akala ko ba ay kasama mo si Meiyin? Bakit narito ka na ngayon?” kunot-noong tanong ni Altair.

Mas lalong sumimangot si Yuros. Binigyan siya nito ng naiinis na tingin kaya mas lalo siyang nahiwagaan kung ano ang nangyari rito.

“Inaasar ako ni Meiyin dahil napakalaki na ng agwat ng antas at ranggo naming dalawa. Siya ay nasa Supreme Saint Rank na habang ako... nasa Abyssal Immortal Rank pa lang ako,” naiinis na sabi ni Yuros habang mababakas sa kaniyang tinig ang kabiguan.

Nang marinig ni Altair ang rason kung bakit masama ang timpla ni Yuros, sa halip na kaawaan ito ay hindi niya pa napigilan na ito ay tawanan.

“At naiinis ka naman sa kaniya?” natatawang tanong na lang ni Altair. “Alam mo namang mapaglaro si Meiyin at bahagi ng pang-iinis niya sa iyo ang pagmamalaki niya ng mga kalamangan niya sa iyo . Kahit gano'n siya, palagi niyang binabanggit sa akin na isa ka sa mga pinakatinitingala niya dahil kabilang ka sa mga nagturo sa kaniya noong nagsasanay pa lang siya.”

Nanatili pa ring nakasimangot si Yuros, pero pilit na siyang humihinahon upang hindi na siya pagtawanan ni Altair. Makaraan ang ilang sandali, huminga siya at sinabing, “Nakakainis lang dahil masyado siyang malakas mang-asar. Sinasabi niya pa sa akin na mas malakas na siya sa akin ngayon kaya hindi ko na siya puwedeng ituring na bata.”

“Paano ba talaga nangyari na naabot kaagad ni Meiyin ang Supreme Saint Rank? Hindi naman ganoon kataas ang talento niya, hindi ba? Kagaya lang din natin siya kaya nakapagtataka na mabilis siyang nakakahabol sa ibang totoong may mataas na talento at malaking potensyal. Hindi sa naiinggit ako sa kanila, pero labis lang akong nagtataka. Kahit si Poll ay bigla na lang din bumilis ang pagpapataas ng antas at ranggo. Sa tingin mo ba ay mayroong ibinigay sa kanila si Pinunong Finn kaya nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang talento at potensyal?” mausisang tanong niya kay Altair.

“May posibilidad, pero sana ay nalaman natin iyon dahil kilala mo si Pinunong Finn, patas siya at hindi siya basta-basta magbibigay na lamang ng napakahalagang kayamanan dahil lang malapit ka sa kaniya. Sa kabila nito, kung talaga ngang may ibinigay si Pinunong Finn kina Meiyin, Poll, at sa iba pa, labas na tayo roon,” tugon ni Altair.

Bumuntong-hininga si Yuros. Bahagya siyang umiling at taimtim na sinabing, “Matatagalan pa bago ko maabot ang Saint Rank. Kaya ko nang gamitin ang kapangyarihan ng espasyo, subalit hindi pa ako ganoon kahusay sa paggamit sa kapangyarihan na iyon. Naisip ko lang na kung posibleng mabago pa ang talento at potensyal nina Meiyin at Poll, baka posible ring mabago pa ang talento at potensyal ko. Pero, tama ka. Siguro ay dapat na lang akong makontento sa kung ano ang mayroon ako ngayon dahil noon, kahit sa aking panaginip ay hindi ko naiisip na makakaabot ako sa ganito.”

“Napakalayo na ng narating natin. Napakarami na rin nating napagtagumpayan na pakikipagsapalaran. Gayunman, hindi pa rito natatapos ang lahat dahil makikipag-agawan na tayo ng trono para tayo ang maging pinakamalakas na puwersa sa sanlibutan,” dagdag niya.

Ngumiti si Altair at marahan siyang tumango. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at malumanay na siyang nagwika. “Magsumikap na lang tayo. Hindi tayo puwedeng mapag-iwanan lalo na't tayo ay mga kapitan. Hindi man tayo maging heneral, sapat nang mapanatili natin ang posisyon na ito para mas makapag-ambag tayo nang malaki sa New Order,” aniya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon