Chapter LXXXV

5.3K 882 55
                                    

Chapter LXXXV: He's Cooking Something

Sinara ni Finn ang lagusan at ibinalik niya na sa kaniyang katawan ang Myriad World Mirror. Naipasok niya na sa kaniyang mundo sina Hugo at Criselda, at naibigay niya na rin ang mga habilin niya sa mga ito. Hindi na siya sumama dahil gusto niyang maipagpatuloy na nila ang kanilang paglalakbay patungo sa Heavenly Gourmet Island. Nasayang na ang panahon nila dahil sa pagsalakay ng pangkat nina Delphine at Xerion kaya ayaw niya nang mag-aksaya pa ng panahon sa bagay na maaari niya namang ipaubaya sa iba.

Upang makasiguro na walang makakakita sa paglabas niya ng Myriad World Mirror, sa tagong lugar sila nagpunta. At ngayong maayos na ang lahat, makapagpapatuloy na sina Finn sa kanilang paglalakbay.

Yayayain na sana ni Finn sina Meiyin, Eon, at Poll, subalit ipinagpaliban niya muna iyon. Naisip niyang dapat niyang mapaalalahanan ang tatlo tungkol sa gustong mangyari ni Hugo, lalo na si Eon na malaki ang paghahangad na maging isa sa kaniyang mga heneral.

Isinalaysay niya sa tatlo ang napag-usapan nila ni Hugo, at nang marinig ito ni Eon, kaagad na bumakas ang galit sa mukha nito.

“Kung alam ko lang na gustong mandaya ng isang iyon, hinamon ko sana siya kanina! Pangahas siya para humiling ng gano'n kataas na posisyon gayong wala pa siyang napapatunayan! Hmph! Mas mauuna pa siya sa aking maging heneral?! Nahihibang na ba siya?!” nagngingitngit na mga ngiping sabi ni Eon.

“Hindi mo kailangang maging ganiyan kagigil. Hindi mo ba narinig na tinanggihan ni Guro ang hiling niya? Isa pa, siguradong sinabi ni Guro ang bagay na ito sa atin para ipaalam na mayroong gustong makakuha ng isa sa natitirang limang heneral na posisyon. Gusto niyang gawin natin itong motibasyon para magpaunlad pa kaya sa halip na magalit ka riyan, bakit hindi ka na lang mag-isip ng paraan kung paano ka magiging karapat-dapat na isa sa anim na heneral ng New Order?” lahad ni Poll.

Sinamaan ng tingin ni Eon si Poll. Mas lalong bumakat ang ugat sa kaniyang noo dahil sa mga sinabi nito. Naibsan na ang inis niya kay Hugo, pero napunta ang lahat ng iyon kay Poll.

“Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Poll. Marahil gusto ni kuya na magsumikap pa tayo para magkaroon tayo ng pag-asa sa posisyon ng heneral, tama nga ba kami, Kuya Finn?” tanong ni Meiyin kay Finn.

Ngumiti si Finn kina Meiyin, Eon, at Poll at bahagya siyang tumango sa mga ito. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at marahang sinabing, “Iyan nga ang aking gustong iparating sa inyong tatlo. Kung talagang gusto ninyong makamit ang posisyon na iyon, kailangan ninyo iyong pagsumikapan dahil hindi lang kayo ang naglalaban-laban para roon. Kailangan ay kilalanin kayo ng mga miyembro ng New Order, at kailangan ninyong maipakita sa akin na karapat-dapat kayo para sa gano'n kalaking reponsibilidad.”

Umiwas ng tingin si Eon habang nakakrus ang mga braso niya sa kaniyang dibdib. Halata pa rin sa kaniya ang pagkainis, pero hindi niya na pinahaba pa ang usapan kahit pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya nina Poll at Meiyin. Hindi niya pa rin nakakalimutan ang paalala sa kaniya ni Finn na kailangan niyang maging disiplinado kung gusto niyang makasama sa Heavenly Gourmet Island. Kahit na naglalakbay na sila patungo roon, madali lang para sa kaniyang master na ipasok siya sa Myriad World Mirror--at hindi niya iyon gustong mangyari kaya mas pinili niya na lang na magtiis kaysa makipagtalo sa dalawa.

Samantala, pinagmasdan ni Finn sina Meiyin, Poll, at Eon. Tumahimik na ang mga ito at hindi na nagkomento pa sa kaniyang mga sinabi. Napagtanto niya ring naghihintay na lang ang mga ito para sa kaniyang hudyat kaya kaya matamis siyang ngumiti at sinabing, “Magpatuloy na tayo. Siguro naman ay wala nang ibang sumusunod sa atin, at kung mayroon man, magandang bagay na rin iyon dahil boluntaryo nilang inaalay ang kanilang mga death energy, bangkay, at kayamanan sa atin.”

Suminghal si Eon at nanghahamak siyang nagwika, “Master, siguradong matatakot na ang mga taga-divine realm sa atin. Makakapangyarihan nga sila, pero hindi naman nila magamit ang totoo nilang lakas sa mundong ito. Kaya kapag kinalaban nila tayo, para na rin silang naghukay ng sarili nilang puntod.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon