Chapter VII

6K 833 53
                                    

Chapter VII: Parting Ways and Parting Gifts

“Ang iba ay handa nang lumabas, subalit si Kiden Sylveria gayundin ang grupong Dark Crow ay kinakailangan pa ng sapat na panahon para matapos ang kanilang pagsasanay. Iminumungkahi ko na iwanan mo muna sila sa akin para akin silang magabayan. Kakaunting panahon pa ang kanilang iginugugol sa pagsasanay, at kung mabibigyan pa sila ng kaunti pang panahon dito sa iyong Tower of Ascension, siguradong mas lalakas pa sila at mas mahahasa pa ang kanilang kakayahan sa pakikipaglaban.”

Ito ang naging tugon sa kaniya ni Firuzeh matapos niyang ipaliwanag dito kung ano ang binabalak niya ngayon sa Land of Origins. Ipinaalam niya rito ang oportunidad na naghihintay sa kanila sa libingan ng pinaghihinalaang diyos at sinabi niya na kailangan niya ang mga kapitan at bise kapitan ganoon din ang grupong Dark Crow para makipagsabayan sa ibang puwersa.

“Ibig sabihin, hindi pa handa si Kapitan Kiden at ang Dark Crow? Hm. Naiintindihan ko,” taimtim na tugon ni Finn. “Kung gano'n, hindi ko na sila susubukan na tanungin. Ipapaubaya ko na muna sila sa iyo at ang tatanungin ko na lang ay ang iba pang mga kapitan at bise kapitan na sumasabak sa espesyal na pagsasanay.”

Natuwa si Firuzeh dahil sa agarang pagpayag ni Finn sa kaniyang mungkahi. Nakahinga siya ng maluwag dahil maipagpapatuloy niya pa ang paggabay at pagsasanay kay Kiden at sa Dark Crow. Hindi pa siya tapos na tulungan ang mga ito, at gusto niyang bago lumabas ang mga ito sa Myriad World Mirror, makapangyarihan na sila at makapagbibigay na ng makabuluhang tulong kay Finn.

Hindi hinahangad ni Firuzeh na agad maabot ng mga ito ang Immortal Rank o Saint Rank, ang gusto niya lang ay mahasa ang mga ito sa pagkontrol ng kanilang kapangyarihan--partikular na kay Kiden na hanggang ngayon ay hindi pa rin kontrolado ang taglay niyang likas na kakayahan. Tungkol sa Dark Crow, masyado pang malayo ang mga ito sa 9th Level Heavenly Supreme Rank. Kailangan pa nila ng sapat na panahon. Kulang na kulang pa sila sa gabay at pagsasanay kaya kung lalabas na kaagad ang mga ito, sigurado siyang hindi ganoon kalaki ang maitutulong nila sa mga layunin ng New Order.

“Kung ang sasabihin mo sa kanila ay ang mga sinabi mo sa akin, hindi mo na kailangan na sila'y personal na puntahan. Ipaubaya mo na sa mga clone ko ang trabahong iyan para hindi ka na umakyat at magtungo sa iba't ibang palapag. Ako na ang bahalang magparating sa kanila ng iyong mensahe at maghintay ka na lang dito para sa kanilang tugon,” mungkahi ni Firuzeh.

Bahagyang tumango si Finn. Matamis siyang ngumiti rito at sinabing, “Talaga? Maraming salamat kung gano'n. Mas makakatipid ako sa oras kung hindi ko na sila iisa-isahin pa.”

Ngumiti rin si Firuzeh ng matamis. Bahagya siyang tumawa at sinabing, “Kasalukuyan na silang kinakausap ng aking mga clone. Ilang sandali lang ay asahan mong magtutungo na sila rito para tugunan ang iyong pagtawag. Ipapaalam ko na rin kay Migassa ang iyong plano para hindi siya mabigla na wala na rito ang iba.”

Nagsalubong ang kilay ni Finn. Seryoso niyang tiningnan si Firuzeh at marahan siyang nagtanong, “Ayos lang bang gambalain siya ngayon? Nasa kalagitnaan siya ng pagsasanay at hindi maganda kung maaabala siya para lang dito. Maaari mo namang sabihin na lang sa kaniya ang nangyari kapag natapos na siya sa kaniyang pagsasanay.”

“Paulit-ulit niyang ipinaalala sa akin na ipaalam ko agad sa kaniya kapag nagbalik ka na para sunduin ang iyong mga kapitan at bise kapitan. Pinagbibigyan ko lang ang pakiusap niya kaya hindi mo ako masisisi kung kailangan ko siyang sabihan,” pailing-iling na sabi ni Firuzeh.

Napabuntong-hininga na lang si Finn. Pilit siyang ngumiti at pabulong na nagwika, “Mapilit talaga siya. Handa siyang isantabi ang kaniyang pagsasanay dahil lang susunduin ko na ang mga kapitan at bise kapitan na ipinapaasikaso ko sa kaniya.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon