Chapter CXXXIII: Exterminated
“Gaano na siya kalakas ngayon? Si Finn Silva... mayroon ba siyang pag-asa laban sa Evil Jinn? Magagawa na ba nilang matalo ang nilalang na iyan o mangyayari muli ang nangyari noon?” taimtim na tanong ni Sylvie habang pinagmamasdan niya ang imahe sa taas. Bumuntong-hininga siya at pailing-iling na nagpatuloy. “Hindi pa rin ako kumbinsido na makakaya nilang talunin ang Evil Jinn. Mayroon iyang lakas na maikukumpara sa isang diyos dahil kalangitan ang nagbibigay riyan ng kapangyarihan... at bukod sa isang iyon, walang sinuman ang makakatapat sa kapangyarihan ng isang diyos kung hindi kapangyarihan lang din ng isa pang diyos.”
Bumuntong-hininga rin si Voraan. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at marahan siyang nagwika. “Sa mundong ito, walang kasiguraduhan ang mga bagay-bagay. Walang makapagsasabi kung ano ang eksaktong mangyayari dahil kahit si Elvira na may kakayahang makita ang hinaharap ay hindi isandaang porsyentong sigurado kung iyon nga talaga ang magaganap. Ang nagagawa lang ng kaniyang pagsilip sa hinaharap ay makapagbigay-babala sa maaaring mangyari upang maiwasan iyon o maisakatuparan.”
“Hindi natin maaaring sabihin na si Finn Silva ay walang pag-asa laban sa Evil Jinn. Napag-isipan ko na ang mga sinabi ni Elvira noon, at napagtanto kong tama siya. Taglay ni Finn Silva ang suporta natin... at hindi lang tayo ang sumusuporta sa kaniya dahil maging ang ibang lahi, puwersa, at indibidwal sa Land of Origins ay sinusuportahan siya. Kahit na hindi siya ang pinakamalakas na kandidato sa kasalukuyan, sa tulong ng ating suporta, magagawa niyang mapantayan ang lakas ng Evil Jinn. Gayunman, kailangan niyang malaman kung paano gamitin nang tama ang ating suporta.”
“Iba ang sitwasyon niya sa dating kandidato. Marami ang nag-akala na kakayanin ng Yashvir na iyon ang Evil Jinn dahil sa taglay niyang pambihirang lakas, pero sa huli ay natalo pa rin siya at namatay sa laban. At kagaya ng sinabi ni Elvira, hindi natalo si Yashvir dahil hindi sapat ang lakas niya, bagkus, natalo siya dahil walang sumusuporta sa kaniyang taga-Land of Origins--na kailangang-kailangan para matalo ang Evil Jinn,” lahad niya.
Matagal na nanahimik ang mga elder. Muli nilang itinuon ang kanilang atensyon sa imahe, at sa kasalukuyan, ang ipinapakita na ng malaking imahe ay ang nagaganap na laban sa pagitan ni Zelruer at ng Evil Jinn.
“Kapag natalo ang Evil Jinn, makakalaya na ba talaga tayo sa sumpa? O isa lang iyong impormasyon na walang kasiguraduhan?” biglang tanong ni Dalon.
“Walang nakakaalam kung ano nga ba talaga ang mangyayari sa oras na matalo ang Evil Jinn. Si Elvira ang nakapagsabi noon na may tsansang makalaya tayo mula sa sumpa kapag napagtagumpayan na ang huling hamon. Sinasabi niyang iyon ang nasa propesiya, na mayroong magliligtas sa atin mula sa sumpa at lubusang pagkawasak. Gayunman, ano pa man ang mangyari, hilingin na lang natin na sana ay si Finn Silva ang makatalo sa nilalang na iyon. Karapat-dapat siyang hirangin bilang magiging pinakamalakas dahil dalisay ang kaniyang puso. Mabuti siyang adventurer, at higit sa lahat, taglay niya ang retaso ng kapangyarihan ng ating diyos--ang blue-green alchemy flame,” seryosong sabi ni Voraan. “Kung wala pa ring makakatalo sa Evil Jinn sa ikalawang pagkakataon, walang magbabago. Magpapatuloy lang ang buhay natin. Gayunman, kapag ibang adventurer ang nakatalo sa Evil Jinn--isang masamang adventurer--hindi natin alam kung ano ang magiging epekto noon sa atin at sa sanlibutan.”
Hindi na nagawa pa ng mga elder na tumugon sa mga sinabi ni Voraan. Bawat isa sa kanila ay sumulyap sa kanilang pinuno, pero agad din nilang ibinalik ang kanilang atensyon sa imahe.
Noon, wala silang pakialam sa huling hamon. Gusto lang nila itong matapos at balewala para sa kanila ano man ang maging resulta nito--matalo man ng mga tagalabas ang Evil Jinn o hindi. Ganoon man, ngayon, para bang gusto ng kanilang kalooban na manalo si Finn.
At kagaya ng sinabi ni Voraan, iyon ay dahil nagtataglay ito ng dalisay na puso at dahil taglay nito ang retaso ng kapangyarihan ng Life God--ang blue-green alchemy flame.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasíaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...