Chapter CXXIV

5.8K 819 67
                                    

Chapter CXXIV: Greatly Satisfied

Matapos makapagpaalam ni Finn kay Eaton at sa iba pang water celestial, isinama niya na sina Meiyin, Poll, at Eon patungo sa ikaapatnapung palapag kung saan gumawa ng pansamantalang pagawaan ang ikasiyam, ikasampu, ikalabing-isa, at ikalabindalawang dibisyon. Nasa palapag na ito rin ang artipisyal na lawa, pero bago siya magtungo roon para magbabad, kakausapin niya muna ang mga kapitan ng dibisyon ng mga propesyonal patungkol sa repormasyon ng Divisions of Imperial Armies.

Nang makarating sila sa ikaapatnapung palapag, agad na ipinatawag ni Finn sina Creed, Augustus, Earl, at Morris. At habang hinihintay ang kanilang pagdating, pinagtuunan niya muna ng atensyon ang tatlo niyang kasama at kinausap ang mga ito tungkol sa naganap na laban sa pagitan niya at ni Kaimbe.

“Nasaksihan ninyo kung gaano kalakas at kahusay si Kaimbe. Mataas na ang kaniyang antas at ranggo, at ang kaniyang matinding dedikasyon ay kamangha-mangha. Malaki ang kaniyang potensyal at matapos ang aming laban, masasabi kong isa siyang magandang kandidato para sa pagka-heneral,” ani Finn. Bumuntong-hininga siya at bahagyang umiling. Muli niyang ibinuka ang kaniyang bibig at taimtim na nagpatuloy, “Nakapanghihinayang lang dahil kompleto na ang anim na heneral. Kung maaari lang sanang madagdagan ang bilang ng heneral, siguradong siya ang aking sunod na pipiliin.”

Hindi kaagad nakapagbigay ng komento ang tatlo. Ilang sandali sandali silang nanahimik habang malalim na nag-iisip. Hindi magandang balita sa kanila ang kanilang naririnig dahil bawat isa sa kanila ay naghahangad na mapabilang sa anim na heneral ni Finn.

“Kuya Finn, sa oras na pormal mong maitalaga ang limang karagdagang heneral, maaaring hamunin ni Kaimbe ang isa sa anim na opisyal na heneral, tama ba? Magkakaroon ng paglalaban sa pagitan niya at ng heneral na hinamon niya, at kapag nanalo siya, papalitan niya ang heneral na natalo niya,” pag-uusisa ni Meiyin.

Ngumiti si Finn at bahagyang tumango kay Meiyin. “Tama. Iyon ang rason kaya hindi pa dapat makampante ang mga inalok ko dahil maaari silang hamunin ng ibang miyembro ng New Order sa isang duwelo. Opisyal lang silang mauupo sa puwesto kapag walang humamon o tumutol habang pormal ko silang itinatalaga. Ipaliliwanag ko iyon sa oras ng repormasyon na maaari silang mapalitan, pero ang dapat na hahamon sa mga napili ko ay kwalipikado sa posisyon ng heneral.”

“Kung sa tingin ko ay hindi karapat-dapat ang miyembrong nanghahamon, madali lang para sa akin na tanggihan ang hamon. Nasa akin pa rin ang huling desisyon kaya hindi ninyo kailangang mag-alala dahil sisiguruhin ko na ang mga mauupong heneral ay karapat-dapat,” lahad niya.

Para bang nakahinga ng maluwag si Poll. Bahagya siyang ngumiti kay Finn at marahang nagwika. “Hindi maganda kung mapupunta lang kung kani-kanino ang mataas na puwesto. Guro, mabuti na lang dahil buo ang paninindigan mo na hindi lang bumase sa taas ng antas at ranggo kung sino ang itatalaga mo. Kung taas ng antas at ranggo ang pagbabasehan, hindi magkakaroon ng pagkakataon ang iba pang mga karapat-dapat--ang mga mapagkakatiwalaan at talagang nagsusumikap. Maaari ring mawala ang balanse sa ating puwersa, at posibleng matapos ang kapayapaan na ating tinatamasa ngayon.”

“Guro, talagang napakahusay ng pamamaraan mo para mapanatili ang kaayusan sa New Order. Marami akong natutunan sa iyo, at mapakikinabangan ko ang 'yon sa susunod na yugto ng buhay ko,” aniya pa.

Ngumiti lang si Finn kay Poll. Hindi na siya tumugon sa mga sinabi nito, bagkus, binalingan niya ng tingin si Eon at ito ang kaniyang pinagtuunan ng pansin dahil mayroon siyang napansing kakaiba rito.

“Ano'ng iniisip mo, Eon? Nakakapanibagong napakatahimik mo. Mayroon ka bang inaalalang kung ano?” tanong ni Finn kay Eon na nakatulala sa kawalan.

Natauhan si Eon matapos niyang marinig ang pagbigkas ni Finn sa kaniyang pangalan. Hindi niya lubusang naintindihan ang sinabi nito sa kaniya dahil malalim siyang nag-iisip kaya tinanong niya pa ito kung ano ang sinasabi nito sa kaniya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon