Chapter CXXX: The Special Groups and Members, and the Other Five Generals
Dahil maayos nang nakahanay ang Divisions of Imperial Craftsmans at Divisions of Imperial Armies, muling kinuha ni Finn ang atensyon ng lahat sa pamamagitan ng pag-ubo. Bahagya siyang ngumiti at pinasadahan niya ng ngiti ang mga dibisyong maayos na nakahanay hindi kalayuan sa malaking tipak ng batong kaniyang kinaroroonan. Inilahad niya ang kaniyang mga kamay at mahinahong sinabing, “Oras na para pormal na italaga ang mga espesyal na miyembro at grupo ng New Order--ang mga miyembrong hiwalay ang responsibilidad sa Divisions of Imperial Craftsmans at Divisions of Imperial Armies.”
“Ang mga espesyal na miyembro o grupo ay may kaniya-kaniyang responsibilidad, at sa akin o sa isang heneral sila direktang mag-uulat. Ang mga kapitan o bise kapitan ay walang awtoridad sa mga espesyal na miyembro o grupo, at wala ring awtoridad ang mga espesyal na miyembro o grupo sa mga kapitan o bise kapitan. Gano'n man, maaari nilang hingiin ang tulong ng isa't isa kung kinakailangan. Maaari silang magsama-sama sa misyon, pero kailangan ay mayroong permiso ko o ng isa sa mga heneral ng puwersang ito,” lahad niya pa.
Hindi mapigilan ng mga miyembro ng New Order na mapabaling sa mga mahahalagang miyembro na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng posisyon. Nagsimula na ang bawat isa sa kanila sa paghula kung sino ang mga itatalagang espesyal na miyembro at grupo. Isa itong napakataas na posisyon. Wala itong gaanong awtoridad hindi kagaya ng mga kapitan o bise kapitan, pero mas malaya sila dahil wala silang pinamumunuang puwersa at hindi sila maaaring utusan nang kung sino lamang.
“Ang unang tatlong miyembro na magkakamit ng espesyal na titulo ay ang mga Marren,” panimula ni Finn. “Sina Seve, Lance, at Matt ay mananatiling espesyal na miyembro ng New Order at ang kanilang responsibilidad ay ang mag-espiya sa mga kalaban. Hindi sila maaaring utusan ninoman, maliban na lang kung alam ko at nagbigay ako ng pahintulot.”
Agad na humanay sina Seve, Matt, at Lance sa harapan ng malaking tipak ng bato at sabay-sabay silang lumuhod upang magpakita ng kanilang paggalang at katapatan. Isa si Seve sa nagpamalas ng malaking pag-unlad na hindi inaasahan ni Finn. Isa na itong Chaos Saint Rank, at hindi niya lubos na maintindihan kung bakit ganito na lang kabilis ang pagtaas ng antas at ranggo nito. Nahigitan pa ng talento nito ang talento ng ibang kapitan dahil karamihan sa mga kapitan ay nasa Abyssal Immortal Rank pa lamang.
Hindi alam ni Finn, pero pakiramdam niya ay may malaki iyong kaugnayan sa markang ibinigay rito ng kaniyang ama.
Agad na pinatayo't pinabalik ni Finn ang mga Marren sa rating puwesto ng mga ito. At pagkatapos, tinawag niya na ang mga miyembrong itatalaga niya bilang mga espesyal.
“Para sa mga sunod na magkakamit ng espesyal na titulo, pakiusap magtungo kayo sa harapan ng tipak ng bato na aking kinaroroonan kapag tinawag ko ang inyong pangalan,” sambit ni Finn. “Criselda, Filvendor Liaroris, at Ceerae Ancientsun.”
Kaagad na sinunod ng tatlo ang utos ni Finn. Humanay sila sa harapan ng malaking tipak ng bato at magkakasunod silang lumuhod sa direksyon ni Finn upang magbigay-pugay.
“Si Ceerae Ancientsun ang isa sa mga napipisil kong maging heneral, subalit tinanggihan niya ang aking alok. Hindi niya rin nais na maging kapitan o bise kapitan, bagkus, mas nais niyang maging espesyal na miyembro na ang tungkulin ay protektahan ako kaya magmula ngayon, siya na ang magiging opisyal na protektor ko,” paliwanag ni Finn.
Kaagad na nagkaroon ng pagbabago sa ekspresyon nina Eon, Auberon, Firuzeh, Hugo, at ng mga Marren. Hindi nila inaasahan ang tungkol sa bagay na ito. Kaagad silang nag-alinlangan, at hindi napigilan ng ilan sa kanila na magkomento tungkol dito.
“Master! Ipagkakatiwala mo ang iyong buhay sa kaniya? Hindi pa siya mapagkakatiwalaan! Baka ipahamak ka niya kaya pakiusap, ikonsidera mo ulit ang tungkol sa responsibilidad na ibinigay mo sa kaniya!” mariing pagtutol ni Eon.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...