Chapter XCVII: Revelation (Part 1)
Pagkatapos ng eksenang iyon, wala nang pumansin kay Juego. Walang sinoman ang tumulong sa kaniya, bagkus, basta na lang siyang hinayaan na nakaluhod sa tabi ng lamesa ng mga hurado. Kahit ang mga itinuturing niyang kasangga niya ay hindi siya nilapitan para tulungan dahil siguradong natatakot ang mga ito na madamay sa kaniyang gulo.
Napatulala na lang siya sa sahig. Alam niyang sa mga sandaling iyon, magsisimula na ang pagbagsak niya bilang maimpluwensyang soul chef. Malulugmok siya't babalik sa umpisa kung hindi siya gagawa ng paraan. Masyadong naging mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili sa puntong maging ang tumatayong tagapangasiwa ng isla na bumuhay sa kaniya ay pinagbantaan niya.
Hindi siya kailangan ng mga ito, bagkus, siya ang may kailangan sa kanila. Kahit umalis siya sa Heavenly Gourmet Island, maraming maaaring pumalit sa kaniyang puwesto. Kayang mabuhay ng organisasyon kahit wala siya, pero siya, hindi niya kayang mabuhay nang wala ang proteksyon ng organisasyon.
Sa oras na umalis siya sa isla, hindi niya alam kung hanggang kailan tatagal ang buhay niya. Hindi niya masasabi kung sino ang mga pupuntirya sa kaniya, pero sigurado siya na may mga magtatangka sa kaniyang buhay dahil sa rami ng kaniyang ginalit at hinamak noon.
Dahil din sa kaniya kaya may mga adventurer sa Land of Origins na hindi na kailanman makakatapak sa Heavenly Gourmet Island. Kagaya ng nangyari kay Faino at Astra, siya ang rason kaya lumabag ang mga ito sa batas at alituntunin ng isla na naging dahilan para mapalayas sila.
Sa kabilang banda, habang gulong-gulo ang isip ni Juego kung ano ang sunod niyang gagawin para malampasan ang gusot na pinasok niya, kasalukuyan namang ibinabahagi ni Finn ang natirang pagkain at inumin sa kaniyang mga kasama. Nagdiriwang sila sa pagkapanalo ni Finn sa pustahan. Hindi na nila kailangang umalis sa Heavenly Gourmet Island at malaya na silang makakapaglibot dahil tapos na ang kanilang problema.
Nahinto lang ang kanilang pagsasaya noong may lumapit sa kanila--sina Edmund at Senkaku.
“Binabati kita sa iyong pagkapanalo, Finn Silva. Ipinakita mo sa akin na mali ako sa una kong husga sa iyo. Buong akala ko ay hindi ka mananalo laban kay Master Chef Juego, subalit nagkamali ako dahil nagtataglay ka rin pala ng katangi-tanging kakayahan bilang isang soul chef,” bungad na bati ni Senkaku kay Finn. “Napapaisip tuloy ako... mayroon ka bang hindi alam gawin, Finn Silva? Nag-uumapaw ka sa talento sa iba't ibang larangan. Napakabata mo pa subalit higit na mas mahusay ka pa kaysa sa mga propesyonal na libo-libong taon nang nabubuhay.”
Tumawa si Finn at matamis siyang ngumiti kay Senkaku. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at marahang tumugon. “Maraming salamat sa papuri. Ang mga larangang iyon ay libangan ko lang. Nagpapakadalubhasa ako roon para malibang, pero sa kabilang banda, para na rin sa pinamumunuan kong puwersa.”
Natigilan si Senkaku, subalit agad siyang nakabawi at binigyan niya ng makahulugang ngiti si Finn. “Interesante ka nga talaga kagaya ng naririnig ko sa iba. Ang karamihan ay hirap na hirap magpakadalubhasa sa mga propesyong taglay mo, pero ikaw itinuturing mo lang bilang libangan ang mga iyon. Marahil iisipin nilang nagyayabang ka, pero mayroon ka naman talagang karapatang magyabang dahil sinusuportahan mo ng kakayahan ang mga ipagmamalaki mo.”
Bahagyang ngumiti si Finn. Pinagmasdan niyang mabuti ang ekspresyon ni Senkaku at makaraan ang ilang sandali, ibinuka niyang muli ang kaniyang bibig at nagtanong.
“Mayroon bang rason kaya ka lumapit sa amin? Kahit na gustuhin ko mang makipagkuwentuhan nang matagal, hindi iyon maaari dahil ang rason kaya kami nagtungo rito ay para maglibang. Kararating pa lang namin dito, at sa totoo lang, hindi pa kami masyadong nakakapaglibot dahil sa mga nangyari,” ani Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...