Chapter XI

5.2K 876 53
                                    

Chapter XI: Friends and Foes

Agad na umuna sina Auberon at ang ilang mga kapitan habang nagtungo ang iba pa sa gilid ni Finn na para bang pinoprotektahan nila ito mula sa iba't ibang direksyon. Mas lumapit din ang mga nakahanay na miyembro ng New Order na para bang handa silang sumalakay anomang sandali mula ngayon. Malamig ang kanilang tingin at hinahayaan nilang kumalat ang kakila-kilabot nilang aura. Ipinaramdam nila ito sa grupo ng mga forsaken, subalit tila ba hindi apektado ang mga ito sa tindi ng kanilang aura. Hindi rin sila mababakasan ng takot o pangamba, bagkus, kalmado lang ang karamihan sa kanila habang ang iba ay nakangisi pa.

“Ang bahagi ng lugar na ito ay kampo ng New Order, at hindi namin tinatanggap ang kahit na sinomang nilalang o pangkat na may masamang intensyon sa amin. Kung ayaw ninyo ng gulo, lubayan ninyo ang aming pangkat,” malamig na sambit ni Yopoper.

Marahil isa siya sa mga sumalang sa espesyal na pagsasanay, subalit iniulat sa kaniya ni Belian ang ang mga nangyari habang wala sila kaya alam niya rin ang lahat ng mga pangyayari sa labas at loob ng New Order.

At siyempre, alam niya rin kung ano ang nangyari sa Darkeous Clan. Kabilang sa nabanggit sa kaniya ni Belian na may grupo ng mga forsaken ang umatake sa kanila, at sa paglapit ng mga ito, malinaw sa kaniya na kailangan niyang tumayo sa unahan para magsilbing protektor ng kaniyang panginoon, ni Finn.

Hindi siya nagpapakita ng katiting na takot. Matagal niya nang sinanay ang kaniyang sarili na humarap sa mga nilalang na higit na mas malakas siya. Sumabak siya sa napakatinding pagsasanay at sa totoo lang, handa siyang mamatay para kay Finn dahil ito ang pinaka-tinitingala niya at handa siyang isakripisyo ang lahat dito kahit pa ang kaniyang buhay. Wala siyang balak na hayaan ang sinoman na atakihin o gawan ng masama ito. At bago nila mapaslang ang kaniyang panginoon, dadaan muna ang mga ito sa bangkay niya.

Suminghal ang isa sa mga Abyssal Saint Rank sa panig ng mga forsaken. Binigyan nito ng mapanghamak na tingin si Yopoper at marahan nitong sinabing, “Masyado kang matapang para magsalita at humarap sa amin. Mas mabuti kung ititikom mo ang iyong bibig dahil wala kang karapatang magsalita lalo na't isa ka lamang tauhan na walang pangalan.”

“Hindi namin kailangan ang presensya ng isang tuta, ang dapat na humarap sa amin ay ang kaniyang amo dahil siya lang ang may karapatang makipag-usap sa amin,” dagdag niya pa.

Nagdilim ang ekspresyon ni Yopoper dahil sa panghahamak sa kaniya nito. Malinaw na ipinaparating nito na siya ay hindi kilala. Nauunawaan niya iyon dahil siya at ang ikalawang dibisyon ay hindi nagkaroon ng pagkakataon para maipakilala ang kanilang sarili sa mundo, ganoon man, naiinis pa rin siya dahil minamaliit siya nito na para bang siya ay karaniwang tauhan lang ni Finn

Magsasalita pa sana siya upang gumanti ng tugon, subalit hindi niya na naituloy ang kaniyan sasabihin dahil muling nagsalita ang hambog na forsaken.

“Hindi ako makapaniwalang hindi mo agad napatay ang mga pipitsuging ito, Hogiamos. Ikaw ay nasa Chaos Saint Rank habang sina Igramel at Mestolas ay nasa Abyssal Immortal Rank. May mga kasama pa kayong ibang Immortal Rank, pero hindi n'yo pa rin napaslang ang mga ito na ang pinakamalakas ay nasa Supreme Immortal Rank lamang,” lahad pa nito at binigyan nito ng mapanghamak na tingin si Hogiamos.

Suminghal si Hogiamos at matalim niyang tiningnan ang kaniyang kasamahan. Umismid pa siya at sinabing, “Walang pagbabago kahit pa ikaw ang naroroon, Vegos. Marahil isa kang Abyssal Saint Rank, subalit kapag ikaw ang inatake ng baliw na matandang iyon, hindi ka rin makatatagal at siguradong gagawin mo rin ang lahat para ikaw ay makatakas.”

“At huwag mo akong unahan tungkol sa pagtapos agad sa mga kalaban dahil kung mayroon man sa atin na palaging inuuna ang pakikipaglaro, ikaw 'yon at hindi ako,” aniya pa.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon