Chapter CLV: His Warning
“Hindi ba tayo lalapit para magpasalamat sa kaniya? Hindi ka man lamang ba magtutungo roon upang kumustahin ang iyong mga magulang?” tanong ni Alisaia habang seryoso siyang nakatingin kay Ashe. “Kahit ako ay gustong magpasalamat sa kaniya dahil marami sa ating mga kasamahan ang nakaligtas mula sa kamatayan dahil sa kaniya. Kahit na kinamumuhian niya ako at gusto niya akong mapatay, wala akong pakialam dahil mas mahalaga sa akin ang buhay ng ating mga kasama kaysa sa aking dignidad,” dagdag niya.
Huminga si Ashe ng malalim. Kasalukuyan siyang nakatanaw kay Finn at mababakas sa kaniyang ekspresyon ang pag-aalinlangan.
Makaraan ang ilang sandaling pananahimik, bumuntong-hininga siya at marahang nagwika, “Gusto ko sanang pormal na magpasalamat sa kaniya. Gusto ko ring mahawakan ang kamay ng aking mga magulang... subalit, ayokong makaabala sa kaniya. Siguradong marami pa siyang mahalagang kailangang asikasuhin, at hindi ko gusto na maging dahilan pa tayo ng pagkaubos ng oras niya. Isa pa...”
Pasimple niyang inilibot ang kaniyang tingin sa paligid at taimtim na ekspresyong nagpatuloy sa pagsasalita. “Masyado nang mapanganib para sa atin ang lugar na ito. Kailangan na nating magmadaling umalis dahil pakiramdam ko ay pinupuntirya na nila tayo. Siguradong may mga gahamang taga-divine realm na gustong makuha ang divine artifact ko, at dahil sa masamang reputasyon nating mga fire phoenix, tayo ang pinaka nanganganib sa lahat ng naririto. Tayo ang gusto nilang biktimahin kaya umalis na tayo ngayon din habang may pagkakataon pa tayo.”
“Tama siya. Kailangan na nga nating magmadali dahil nararamdaman ko ang malisyosong tingin ng iba sa atin. Gayunman, saan tayo magtutungo, Pinuno? Dederetso na ba tayo sa lugar na tinutukoy ninyong divine realm?” nahihiwagaang tanong ni Ranaya.
“Hindi pa tayo lubusang handa para magtungo roon. Mayroon muna tayong kailangang puntahan. Kailangan muna nating puntahan ang kinaroroonan ng aking guro, at kailangan muna nating magawan ng paraan ang kaniyang kondisyon upang matulungan niya tayo sa ating binabalak na pagpunta sa divine realm,” lahad ni Ashe.
Napahinga ng malalim si Alisaia. Seryoso siyang tumingin kay Ashe at halos pabulong na nagtanong. “Kung gayon, magtutungo tayo sa Planetang Accra para puntahan ang kinaroroonan ng iyong gurong si Kagalang-galang na Sierra... Dapat muna nating ipaalam sa Order of the Holy Light ang ating gagawin. Kahit makakapangyarihan na tayo, kailangan pa rin natin ang kanilang permiso, at kailangan nating sumunod sa batas ng mga upper realm, middle realm, at lower realm.”
“Mali ang ginawa ko noon kaya naman sa pagkakataong ito, nais kong gawing legal ang ating pagpunta sa Planetang Accra,” sambit niya pa.
“Hihingiin natin ang kanilang permiso. Sa tingin ko naman ay mapapapayag natin sila dahil mangangako tayo sa kanila na hindi tayo manggugulo sa mga taga-Planetang Accra. Bibigyan din natin sila ng mga kayamanan upang payagan nila tayo,,” marahang saad ni Ashe. “Sa ngayon, dahil hindi tayo makakapagpasalamat ng personal kay Finn, magpapadala na lang muna ako ng mensahe sa kaniya gamit ang kayamanan na ibinigay nila sa akin. Kahit man lamang dito ay mapasalamatan ko siya habang wala pa akong paraan na makabawi sa kaniya,” dagdag niya pa at inilabas niya ang Conveying Sound Inscription na ibinigay sa kaniya nina Finn noong nasa tribo sila ng mga axvian.
Samantala...
Nakangiting tinatanggap ni Finn ang mga pagbati at pasasalamat ng mga indibidwal mula sa divine realm nang bigla na lamang mayroong tinig siyang narinig sa kaniyang isipan.
Natigilan siya sandali, pero kaagad din siyang lumingon-lingon sa paligid. Noong para bang hindi niya mahanap ang kaniyang hinahanap, lumutang pa siya ng bahagya upang matukuyan ang kinaroroonan ni Ashe at ng Ancient Phoenix Shrine.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...