Chapter CVII: The Art of Lightning God and the Fire Sovereign Art (Part 1)
Sa isang malaking batya na naglalaman ng kumukulong tubig, magkasamang nagbababad sina Gyomei, Herian, at ang iba pang babaeng miyembro ng ikaanim na dibisyon. Ang aura ng bawat isa sa kanila ay patuloy sa pagtaas, at kung noon ay nasa Chaos Rank o Heavenly Chaos Rank lang sila, ngayon ay nasa Supreme Rank at mababang antas ng Heavenly Supreme na ang bawat isa sa kanila. Dadalawang buwan pa lang silang nagbababad, subalit malaki na ang itinaas ng kanilang antas at ranggo.
Ganoon man, hindi na nakapagtatakang ganito kabilis ang pagtaas ng kanilang antas at ranggo dahil hindi lang simpleng kumukulong tubig ang kanilang pinagbababaran. Nagbababad sila sa kumukulong tubig na may halong pinahinang Immortal Tempering Potion--isang produkto ng alchemy na na may kakayahang magpatibay ng pisikal na pangangatawan at higit pa roon, may kakayahang pataasin hanggang Immortal Rank ang ranggo ng isang adventurer.
Subalit, ang pinagbababaran nina Gyomei ay pinahinang bersyon ng Immortal Tempering Potion para hindi ito makasama sa kanilang katawan.
Bukod sa Immortal Tempering Potion, kumonsumo rin sila ng iba pang kayamanan na bigay ng ikasiyam dibisyon. Ang mga kayamanang iyon ay ipinamimigay sa bawat miyembro upang mas mapabilis pa ang kanilang pagpapataas ng antas at ranggo.
Makaraan ang ilang sandali, iminulat ni Gyomei ang kaniyang mga mata. Naramdaman niyang naabot niya na ang kaniyang limitasyon at para bang wala na siyang benepisyong nakukuha sa pagbababad. Dahil dito, naisip niyang umalis na sa batya upang isagawa ang sunod na pagsasanay.
Sa pagmulat niya ng kaniyang mga mata, tumambad sa kaniya ang hubad na katawan ni Herian ganoon din ang hubad na katawan ng iba pang babaeng kasama niyang magbabad sa ilalim ng batya. Pero, hindi niya ito gaanong pinagtuunan ng pansin dahil ang mga ganitong bagay ay napakaliit na bagay na lamang para sa kagaya niyang bukas ang isipan.
Sandali niyang pinagmasdan si Herian, at nang mapagtanto niyang hindi pa ito matatapos kaagad, nagdedisyon na siyang umahon at hayaan na lang muna itong magpatuloy sa pagbababad. Ang sunod niyang kailangang gawin--kagaya ng payo sa kanila ng mga matagal ng miyembro--ay ang magbabad sa kumukulong tubig na hinaluan ng purong Immortal Tempering Potion.
Nasa mababang antas na siya ng Heavenly Supreme Rank dahil sa tulong ng pagbababad sa batya at ng mga kayamanang ibinigay sa kanila ng ikasiyam na dibisyon. Ngayon, kailangan niyang maabot ang Immortal Rank para makahabol siya sa ibang miyembro ng New Order. Siguradong kahit pa mayroon silang kayamanang kinokonsumo't binababaran ay aabutin pa ng ilang taon bago niya iyon maabot, ganoon man, mas maayos na ito dahil kung sa natural na paraan siya magpapataas ng antas at ranggo, aabutin siya ng ilang siglo o ang masaklap pa, ilang milenyo.
Alam na alam niya ito dahil bago siya maging miyembro ng New Order, nakikipagsapalaran lang siya kasama sina Herian at Krayon. Hindi ganoon ka-epektibo ang kanilang isinasagawang paglalakbay kaya kumpara sa iba, masyadong mabagal ang pagtaas ng kanilang antas at ranggo.
Nagkakaroon sila ng karanasan sa paglalakbay at pakikipaglaban, at maganda ito dahil ano pa man ang mangyari, walang saysay ang mataas na antas at ranggo kung ang isang adventurer ay hindi marunong makipaglaban. Ganoon man, nasobrahan na siya sa karanasan at ang kailangan niya na ngayon ay magpataas ng antas at ranggo.
Kaya laking pasasalamat niya rin dahil dumating si Finn para solusyunan ang pinoproblema nilang tatlo nina Herian at Krayon.
Samantala, pagkaalis niya sa batya, agad niyang sinuotan ang kaniyang sarili ng uniporme na mayroong simbolo ng New Order at ng ikaanim na dibisyon. Magtutungo na sana siya sa kinaroroonan ng batyang naglalaman ng kumukulong tubig na hinaluan ng purong Immortal Tempering Potion, ganoon man, napatigil siya matapos niyang marinig na may tumawag sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...