Chapter CXXXII

6.4K 946 207
                                    

Chapter CXXXII: The Last Challenge: The Evil Jinn!

Dahil sa inis niya, naisip ni Rai na pagbuntunan ang mga tauhan ng alchemy god. Muntik na silang mapasabak sa gulo dahil sa isang huwad. Marahil hindi sila natatakot sa alchemy god, pero ayaw pa rin nilang masangkot sa kahit na anong uri ng gulo dahil mas gusto nila ang payapang buhay. Ganoon man, dahil nakikita nila si Finn bilang karapat-dapat na kaibiganin, pumagitna sila at sinubukan nila itong iligtas mula sa mga tauhan ng alchemy god. Subalit, isa lang pala itong huwad kaya naiinis siya dahil maging siya ay nalinlang, at upang mawala ang inis niya, nakaisip siya ng magandang ideya.

Umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito sa isang makahulugang ngiti. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at pasigaw na sinabing, “Ikaw, tauhan ni Zyfrin! Oo, ikaw nga! Ano nga palang pangalan mo ulit? Duke Jaguar, tama ba?!”

Napabaling si Ignacio kay Rai. Nagsalubong ang kilay niya. Hindi niya maintindihan kung ano ang binabalak nito, ganoon man, hindi niya ito pinigilan at hinayaan niya na lang itong magsisigaw.

Hindi tumugon si Duke. Nakatulala lang siya kay Rai dahil sa kasalukuyan, hindi niya alam kung ano ang sunod niyang gagawin. Ngayon lang rumehistro sa kaniyang utak na huwad ang kaniyang kinalaban at pinaslang. Tiningnan na nila ang mga interspatial ring nito, at nakita niya na walang kapaki-pakinabang na mga kayamanan itong pag-aari.

“Sa nakikita ko, nahulog ka sa patibong ni Finn Silva. Kung ako sa iyo, bumalik ka na sa iyong panginoon dahil ang maliligayang araw mo ay nalalapit nang magwakas. Hindi na magtatagal ang iyong buhay gayundin ang buhay ng iyong mga tauhan.” Mapaglarong pagpapaalala ni Rai. Mas lalong naging malapad ang kaniyang ngiti. Inilahad niya pa ang kaniyang kamay at sinabing, “Dahil pinatay mo ang huwad na Finn Silva, siguradong nakalagay ka na sa listahan ng mga papatayin niya. Malaking pagkakamali ang ginawa mo, at mas malaking pagkakamali kung hindi ka pa tatakas ngayon habang may pagkakataon ka pa.”

Nang-iinis na humalakhak si Rai at mabagal siyang lumipad palayo. Matapos ang ginawa niyang pananakot kay Duke at sa mga tauhan nito, bahagya nang naibsan ang inis na nararamdaman niya. Nasiyahan siya sa pananakot niya. Tungkol kay Ignacio, napailing na lang ito at kaagad na sumunod sa kaniya.

Samantala, dahil sa pananakot ni Rai, malalim na napaisip si Duke. Mas lalo siyang nagdalawang-isip. Hindi niya alam kung dapat ba siyang mananatili rito para ipagpatuloy ang kaniyang plano o dapat na siyang bumalik sa divine realm upang hindi siya mapahamak.

Malinaw na sa kaniya na sa mga sandaling ito, ang kaniyang buhay ay nasa panganib na. Pinaslang niya ang huwad na Finn, at malaki ang posibilidad na alam na ng totoong Finn ang nangyari. Nahulog siya sa patibong nito kaya ngayon, ang kanilang posisyon ay nagkapalit na. Siya ang dapat na mambibiktima, subalit siya na ngayon ang mabibiktima kung hindi pa siya aalis sa Land of Origins.

‘Hindi. Hindi ako maaaring bumalik sa divine realm nang hindi ko nagagawa ang misyong ibinigay sa akin ni panginoon. Kapag bumalik ako roon nang walang dalang magandang balita, papatayin niya ako!’ sa isip ni Duke.

‘May pagkakataon pa... Kailangan ko lang matiyempuhan ang tunay na Finn Silva, at kailangan ko lang siyang mapatay sa abot ng aking makakaya! Nasa akin pa ang kayamanang ibinigay ni panginoon kaya mayroon pang pag-asa para magawa ko ang misyon!’

--

“Wala na ang aking clone. May nangahas nang pumaslang sa kaniya,” malamig na sambit ni Finn.

Napasimangot na lang si Finn at nakaramdam siya ng inis. Hindi malaking problema sa kaniya na mamatay ang clone niya dahil plano niya talaga na ipapatay ito para malaman niya kung sino ang may gustong pumaslang sa kaniya. Ganoon man, masyadong naging maaga ang pagkamatay nito kaya siya naiinis. Mayroon pa sana siyang plano para rito, pero nasira iyon dahil namatay kaagad ito.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon