Chapter XXII

4.9K 855 49
                                    

Chapter XXII: Opening the Entrance (Part 2)

Nalibang si Finn sa reaksyon ng mga nakapaligid sa kaniya matapos niyang ipakilala ang dalawang nakakuha sa susi ng tarangkahan. Mayroong gulat na gulat habang may ilan na napatulala na lang kina Irad at Zillian. Sinadya niyang sa ganitong paraan ipakilala ang dalawa dahil gusto niyang ipamukha sa makakapangyarihan at maiimpluwensyang puwersa kung ano ang kanilang sinayang.

Tinanggihan nila't itinaboy sina Irad at Zillian kaya nais niyang magsisi ang mga ito dahil hindi nila kinuha ang oportunidad noong may pagkakataon sila—kabilang na roon ang Creation Palace.

Gusto niyang turuan ng leksyon ang mga makakapangyarihang puwersa. Hindi kakalat ang tungkol sa libingan kung hindi dahil sa mga unang nakatuklas kaya kahit papaano, dapat silang magpasalamat sa mga ito dahil hindi magkakaroon ng ganito kalaking oportunidad kung hindi nangahas at naging matapang ang dalawa.

Karapat-dapat lang na ma-gantimpalaan ang dalawa, subalit iyon ang hindi nagawa ng makakapangyarihan at maiimpluwensyang puwersa dahil wala silang pakialam kung sino ang nakatuklas o kung sino ang dahilan bakit natagpuan ang pinaghihinalaang libingan ng isang diyos.

Kung sana lang tinanggap nila at pinagbigyan sina Irad at Zillian, sila na sana ang may pinakamalaking pribilehiyo sa libingan.

Ganoon man, hindi pa rito nagtatapos si Finn. Gusto niya pang palakihin ang sitwasyon para mas lalong maunawaan ng malalakas na puwersa na malaking pagkakamali ang ginawa nila.

Ngumisi si Finn at binigyan niya ng makahulugang tingin ang mga kilalang indibidwal doon. Inilahad niya ang kaniyang kamay, ibinuka ang kaniyang bibig, at marahang sinabing, “Kung hindi alam ng iba sa inyo, sinubukan nina Irad at Zillian na lumapit sa pinamumunuan ninyong pangkat at puwersa para makiusap. Ang hangad lang nila ay makapasok ng ligtas at mabigyan ng proteksyon sa loob ng libingan, subalit binalewala n'yo sila. Ang iba sa inyo ay itinaboy sila habang ang iba ay hindi sila pinakinggan.”

“Sila ang unang nakatuklas sa libingang ito, at kung hindi dahil sa kanila, hindi sana tayo magkakaroon ng pagkakataon na makapagsama-sama sa lugar na ito, sa pinaghihinalaang libingan ng isang diyos,” dagdag niya.

Nang marinig ng mga naroroon ang sinabi ni Finn, nagkaroon ng pasimpleng bulungan. Agad nilang naunawaan kung ano ang nangyayari. Naiintindihan nila ang ipinupunto nito, subalit hindi lahat sila ay sang-ayon sa mga pahayag nito.

“Hinahamak mo ba kami, Finn Silva? Sinasabi mo bang bulag kami at hindi marunong tumingin kung nasaan ang oportunidad?” Naniningkit na tinging sambit ni Tesora. Suminghal pa siya at nagpatuloy sa pagsasalita, “Kung gusto mong iparating na dapat naming pasalamatan kung sinoman ang nakatuklas sa lugar na ito, hinding-hindi mangyayari iyon. Wala kaming panahon para alamin kung sino ang totoong unang nakatuklas sa libingan, wala rin kaming pakialam kung sino sila dahil noon pa man, hindi na mahalaga kung sino ang nakatuklas—ang mahalaga ay kung sino ang may kakayahang makipagsapalaran. Isa pa, maraming impostor na nagkalat diyan sa tabi-tabi na nagkukunwaring unang nakatuklas sa lugar na ito, at kung kaya mong magsayang ng panahon para doon, kami ay hindi. Huwag na rin tayong magsayang ng panahon dito, buksan n'yo na ang tarangkahan gamit ang susing hawak ninyo dahil masyado nang matagal ang ipinaghihintay nating lahat dito.”

Sandaling nawala ang ngiti ni Finn sa kaniyang labi dahil sa sinabi ni Tesora, ganoon man, hindi siya nagpaapekto. Bahagya niya pa ring nginitian ang mga nagbibigay sa kaniya ng nanghahamak na tingin.

Hindi niya inaasahan na ganito ang tinataglay na pagmamalaki ng mga ito. Hind marunong tumanggap ng pagkakamali ang mga mula sa makakapangyarihang puwersa—lalo na ang mga draconian. Masyadong mapagmalaki ang mga ito at ayaw nilang sila ay hinahamak. Halata rin sa pahayag ni Tesora at reaksyon ng iba na wala talaga silang pakialam kung sinuman ang unang nakatuklas sa libingan na ito. Hindi rin malaking bagay sa kanila kung nakanino ang susi dahil ang tanging mahalaga lang, nahanap na ang susi at posible nang mabuksan ang tarangkahan.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon