Chapter LXXI

6.2K 1K 129
                                    

Chapter LXXI: Threat

“H-Hindi... H-hindi maaari!” bulalas ni Mira habang nanlalaki ang mga mata niyang nakatanaw sa nangyayari sa girian ng New Order at ng mga draconian. “Bakit nagbigay-pugay kay Finn Silva ang mga water celestial ng mundong ito?! Bakit wala tayong kaalam-alam na tumanggap na ng panginoon ang mga water celestial dito?! Hindi makabuluhan ang mga nangyayari. Hindi sila dapat kay Finn Silva nanunumpa ng katapatan, bagkus, dapat ay sa ating kamahalan! Ang ating kamahalan ang Water Celestial Queen kaya nararapat lamang na sa kaniya maglingkod ang mga water celestial!”

Napahinga ng malalim si Maya. Hindi rin maproseso ng kaniyang utak ang mga nangyayari. Buong akala niya ay katapusan na ni Finn at ng New Order, subalit nagkamali siya dahil isang pangyayari ang bumago sa takbo ng mga kaganapan. Masyado siyang nabigla sa pagdating ng mga water celestial, at ang ginawang pagbaba ng mga ito para magbigay-pugay kay Finn ang hindi niya pinaka inaasahan.

Wala silang nakalap na impormasyon na ang mga water celestial sa mundong ito ay sumumpa na ng katapatan kay Finn, pero sa nasaksihan at natatanaw nila ngayon, ang mga water celestial ay nagpapakita ng katapatan dito.

“Hindi ko lubos na maunawaan. Bakit si Finn Silva..? Oo, hindi siya pangkaraniwan. Isa siyang iregularidad na mahusay sa iba't ibang larangan--iyon ang dahilan kaya tinagurian siyang pinaka makasaysayan. Malaki rin ang kaniyang potensyal na maging makapangyarihan sa hinaharap. Gayunman, napakahina niya pa at napakarami niyang kinakalaban... isa lang din siyang karaniwang water celestial kaya bakit siya pipiliin ng mga water celestial ng mundong ito?” halos pabulong na tanong ni Maya.

“Ang Finn Silva na iyon... bakit napakaraming gustong kumampi sa kaniya? Bakit kahit na makapangyarihan ang kanilang kalaban, mayroon pa ring sumasaklolo sa kanila?” nagngingitngit na mga ngiping sambit ni Mira. “Kahit ang maalamat na lahi ng mga minokawa ay naging kaibigan nila. At sina Filvendor at Vishan, nagpapakita na rin sila ng katapatan kay Finn Silva kagaya ni Auberon! Kailan pa ito nangyari? Bakit kahit nagsiyasat na tayo ng mga bagay na tungkol sa kaniya ay marami pa rin tayong hindi alam?!”

Nanatiling tahimik si Maya dahil kagaya ni Mira, ito rin ang mga tanong na tumatakbo sa isip niya. Gulong-gulo siya sa hiwagang bumabalot sa pagkatao ni Finn. Nagsiyasat na sila ng lahat ng dapat nilang malaman. Inalam nila kung sinu-sino ang mga nakapaligid kay Finn ganoon din ang kaniyang mga naging kaibigan dito sa Land of Origins.

Pero, napagtanto nila ngayon lang na napakababaw pa ng nalalaman nila patungkol kay Finn. Marami pa silang hindi alam at pakiramdam niya, marami pa silang dapat na malaman.

“Ano na ang gagawin natin ngayon? Hindi na normal ang nangyayari dito, Maya. Sa tingin ko, kailangan na nating mag-ulat sa kamahalan? Marami na ang lumalakas sa mundong ito dahil sa mga oportunidad dito habang ang ating pangkat... nananatili lang sa divine realm na para bang natatakot tayong makipagsapalaran,” biglang sabi ni Mira dahil nakararamdam na siya ng pagkadismaya.

“Alam mong hindi gayon ang kamahalan. Kung may kilala man akong hindi palalampasin ang ganitong oportunidad, siguradong siya iyon. Kilala siya bilang adventurer na mahilig makipagsapalaran--hindi pa man siya emperatris ay nagtutungo na siya sa iba't ibang mapanganib na lugar para maglakbay. Marahil may rason siya kung bakit ayaw niya tayong magtungo rito. Baka mayroon siyang pinaghahandaan, at mas mahalaga pa iyon kaysa sa paghahanap ng oportunidad dito,” seryosong tugon ni Maya. “Hindi muna tayo babalik sa divine realm. Saksihan muna natin ang mga magaganap sa paligid ni Finn Silva. Kailangan pa natin siyang makilala ng lubos lalo na't sa nakikita ko, isa siyang malaking banta dahil maaari niya tayong kalabanin sa hinaharap.”

Hindi na magawa pa ni Mira na bigyan ng mapanghamak na tingin si Finn. Kahit ang sarili niyang mga kakayahan at napagtagumpayan ay kaniya ng pinagdududahan. Hindi niya maiwasan na maihambing ang kaniyang sarili rito, at habang iniisip na ito ay isang mahusay na propesyonal sa napakaraming larangan, pakiramdam niya ay napakaliit niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon