Chapter LXXVII

5.3K 865 57
                                    

Chapter LXXVII: Overwhelmed (Part 1)

Matiwasay na nakapasok ang tatlong air ship ng New Order sa lumulutang na isla. Agad na nagbaba ng utos si Finn sa Divisions of Imperial Armies na manatiling nakahanay dahil pagkatapos niyang makausap ang mga kapitan ng ikasiyam, ikasampu, ikalabing-isa, at ikalabing-dalawang dibisyon ay isasakatuparan niya na ang kanilang unang napagplanuhan. Pinapuwesto niya rin muna ang mga elf at water celestial katabi ng Divisions of Imperial Armies at sinabihan niya ang mga ito na maghintay para sa kanilang susunod na gagawin.

Pagkatapos maibigay ang lahat ng paalala, pinasunod na ni Finn si Auberon sa kaniya. Magkasama silang nagtungo sa kaniyang tinutuluyan at doon nila balak na hintayin sina Creed, Augustus, Earl, at Morris. Nakapag-utos na siya ng mga susundo sa mga ito at ipinaalam niyang ang magaganap na pagpupulong ay napakahalaga kaya inaasahan niyang hindi magtatagal ay tutugon din ang mga ito sa kaniyang pagtawag.

At makaraan nga ang ilang sandali pang paghihintay sa silid kasama si Auberon, isa sa apat na kapitang kaniyang ipinapatawag ang agad na dumating. Binuksan nito ang pinto at nang makita siya nito, mabilis itong humakbang at lumapit sa kaniya.

“Salamat sa kalangitan at buhay ka, Anak! Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa inyo matapos kong marinig ang balitang muntik na kayong salakayin ng mga draconian,” nag-aalalang sabi ni Creed. Pero, pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang ito, animo'y natauhan siya at kaagad ding humingi ng pasensya. “Paumanhin, Pinuno... Masyado lang akong nadala ng aking emosyon kaya nawala sa isip ko ang pagbibigay-respeto...”

Tumawa si Finn at matamis siyang ngumiti kay Creed. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at sinabing, “Hindi kita kailanman sinabihan na hindi mo ako maaaring tawaging anak, Ama. Ikaw lang ang may gusto niyan kaya maging ako ay nagpapaka-propesyonal para sa iyo.”

“Gano'n man, mukhang napakabilis ng pagkalat ng mga nangyari sa libingan. Napakabilis na ng aming paglalakbay, subalit nalaman n'yo kaagad iyon bago pa kami makarating. Pero, magandang bagay na rin ito dahil hindi ko na kailangan pang idetalye sa inyo ang lahat ng nangyari sa aming isinagawang pakikipagsapalaran sa libingan,” dagdag niya.

Tumango-tango si Creed. Tila ba nakahinga rin siya ng maluwag, subalit naroroon pa rin ang pag-aalala sa kaniyang mga mata.

“Totoo bang umanib na sa atin ang hukbo ng dating pinuno ng Ancient Elf Kingdom? At ang mga water celestial sa mundong ito, totoo rin ba na nanumpa sila ng katapatan sa iyo, Pinuno?” tanong ni Creed at agad na bumakas sa kaniyang mukha ang pagkasabik.

“Totoo ang mga iyon, Kapitan Creed. Sinuwerte tayo dahil pinili na nilang kumampi sa atin. Kailangan na lang nilang sumailalim sa paglagda ng kontrata, at pagkatapos noon, magiging bahagi na rin sila ng New Order. At kapag opisyal na silang naging parte ng ating puwersa, mas magiging malakas pa tayo lalo na't may dalawang Demigod Rank at maraming Saint Rank ang mga water celestial sa kanilang hanay,” masiglang tugon ni Finn.

Humalakhak si Creed at lahat ng tensyon na kaniyang nararamdaman noong pumasok siya sa silid ay tuluyang naglaho. Umiling-iling pa siya at marahang sinabing, “Lahat ng iyon ay dahil sa iyo, Pinuno. Gusto nilang maglingkod sa iyo dahil nakikita ka nila bilang malakas, mahusay, at karapat-dapat na pinuno.”

Tumawa na lang din si Finn. Hindi niya na pinahaba pa ang usapan tungkol dito at sinabi niya na lang kay Creed na hintayin na lang nila sina Augustus, Earl, at Morris bago nila talakayin ang kanilang mga pag-uusapang mahalaga. Nagkaroon na lang sila ng kaswal na diskusyon tungkol sa kasalukuyang pag-unlad sa paggawa ng mga inscription, at natuwa si Finn dahil napag-alaman niyang ang produksyon ng Conveying Sound Inscription ay mas mabilis na ngayon. Nakakarami na sila ng paglikha sa puntong maaari na rin nila iyong gamitin kahit sa simpleng pakikipagkomunikasyon lamang.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon