Chapter CX: A Wise Decision
Patuloy si Finn sa malalim na paghinga habang aktibo ang pagliliyab ng enerhiyang bumabalot sa kaniyang katawan. May dugong tumutulo mula sa gilid ng kaniyang mga labi. Makikita rin ang pagod sa kaniyang mukha, at kapansin-pansin ang napakaraming sugat at galos sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan. Nanginginig na ang kaniyang mga braso habang hawak niya ng dalawa niyang kamay ang kaniyang malaking espada.
Pahina na nang pahina ang kaniyang aura. Mauubusan na siya ng enerhiya, pero sa kabila ng lahat ng ito, mababakas pa rin ang matinding determinasyon sa kaniyang mga mata.
Natalo niya na ang tatlo sa apat niyang soul puppet. Naubusan na ng enerhiya ang mga ito dahil sa matagal nilang pagtutunggalian at dahil sa rami ng kanilang tinamong mga pinsala. Malapit na siyang manalo, isa na lang ang kaniyang kalaban na kailangang matalo, at iyon ay walang iba kung hindi si Reden.
‘Kung hindi ko nililimitahan sa Art of Lightning God at Fire Sovereign Art ang ginagamit ko sa pakikipaglaban, kanina ko pa sana sila natalo. Kung maaari ko lang din sanang gamitin ang aking Celestial Wrath, kayang-kaya ko nang talunin si Reden sa loob lang ng ilang palitan ng mga atake. Pero, bahagi ito ng aking pagsasanay kaya walang panahon para sa mga ‘kung’. Kailangan ko nang tapusin ang laban na ito bago pa bumigay nang tuluyan ang katawan ko. Hindi na ako makakagamit ng “Overpower” dahil hindi na sapat enerhiya. Ang maaasahan ko na lang ay ang aking espada ganoon din ang ilang skill na kaya ko pang ibato para tuluyang mapatumba si Reden,’ sa isip ni Finn. ‘Pasugod na muli siya. Hindi pa ako gaanong nakakapagpahinga pero nakabawi agad siya sa ibinato kong atake sa kaniya. Sakit talaga sa ulo kalaban ang isang soul puppet dahil hindi sila nakararamdam ng sakit.’
Hinigpitan ni Finn ang pagkakahawak niya sa malaki niyang espada. Huminga siya ng malalim at pagkatapos, sumugod siya patungo kay Reden na kasalukuyan na ring pasugod sa kaniya.
CLANG! CLANG! CLANG!
BANG!!!
Muling naghampasan sina Finn at Reden ng kanilang mga sandata. Kaliwa't kanan ang nalilikha nilang malakas na puwersa sa paligid dahil sa palitan nila ng mga atake. Wala na sila sa isandaang porsyentong kondisyon, subalit ang tindi ng kanilang tunggalian ay para bang walang ipinagbago. Pareho silang lumalaban na para bang nakataya ang buhay nila at kamatayan sa labang ito.
Ayaw magpatalo ni Finn, at ganoon din si Reden dahil iyon ang instruksyon sa kaniya--ang lumaban hanggang sa hindi niya napapatay o napapasuko ang kaniyang master.
Kahit na nanghihina na, patuloy pa rin si Finn sa pagpapakawala ng mapaminsalang atake. Nananakit na ng sobra ang iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan, pero tiniis niya muna ito alang-alang sa kaniyang matinding kagustuhan na manalo laban sa kaniyang mga soul puppet.
Hindi pa siya kontento sa pagkatalo nina Heren, Ysir, at Sullivan dahil para sa kaniya, magiging matagumpay lang siya kung maging si Reden ay matatalo niya. At malaki ang tiwala niyang magagawa niya iyon dahil sa kasalukuyan, nararamdaman niya na ang unti-unting panghihina nito. Dahan-dahan na itong nauubusan ng enerhiya. Kailangan niya na lang magpatuloy sa pakikipagtagisan ng lakas dito dahil sigurado siyang hindi kalaunan, hihinto na rin ito sa pagkilos dahil said na ang enerhiya nito.
At ang hinihintay niya ay agad ding nangyari dahil matapos niya itong gamitan at tamaan ng skill na “Fiery Slash”, hindi na ito bumangon pa sa pagkakabaon nito sa lupa. Tuluyan na itong naubusan ng enerhiya matapos magtamo ng pinsala. Hindi na nito kaya pang lumaban kaya ngayon, malinaw nang si Finn ang nagwagi sa kanilang tunggalian.
Sa pagkatalo ni Reden, napangiti na lang si Finn. Tapos na ang laban, at dahil doon kaya nakampante na siya at hinayaan niya nang mangibabaw ang nararamdaman niyang panghihina. Bumalik na sa normal ang kaniyang anyo. Naglaho na ang nagliliyab na enerhiyang bumabalot sa kaniyang katawan at nabitawan niya rin ang kaniyang malaking espada.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...