Chapter LXXXII

5.3K 930 60
                                    

Chapter LXXXII: Another Turn of Events (Part 2)

Hindi mawala-wala ang naguguluhang ekspresyon sa mukha ni Finn habang titig na titig siya kina Hugo at Criselda. Maraming tanong ang namumuo sa kaniyang isipan. Gusto niyang maliwanagan sa mga nangyayari, subalit hindi niya alam kung paano niya sisimulan. Gusto niyang direktang tanungin ang dalawa, ganoon man, malinaw sa kaniya na nasa komplikadong sitwasyon sila kung saan hindi niya rin alam kung ano ang kaniyang dapat gawin.

Dapat niya na bang linawin sa dalawa kung ano ang nangyayari? Dapat niya na bang itanong kina Hugo at Criselda kung bakit sila nakikipagtulungan kay Delphine at sa Celestial Sky Emperor?

Hindi pa rin malinaw sa kaniya kung paanong nabuhay si Hugo. Naroroon siya noong piliin nitong mamatay kaysa mabuhay. Siya rin mismo ang gumawa ng libingan nito kaya hindi niya maintindihan kung bakit ito naririto at buhay na buhay.

‘Paano siya nabuhay? Siya na naman ba ang may gawa nito? Ano ba talaga ang pinaplano niya?’ naguguluhang tanong ni Finn sa kaniyang sarili habang naiimahe ang pigura ng kaniyang totoong ama.

Mayroong marka si Hugo sa kanan nitong dibdib, at ang markang iyon ay ang kaparehong marka na nakikita niya kina Migassa, Auberon, at Seve. Nakumpirma niya nang ito ang markang ipinapakalat ng kaniyang ama kung kani-kaninong indibidwal, at lahat ng may markang ito ay nagiging malapit sa kaniya at nagiging kaibigan niya.

Pero ngayon, hindi niya alam kung kakampi niya ba ang may bagong marka dahil nasa panig ito ng mga kalaban. Narinig niya rin ang mga sinabi nito kanina, at sa pagkakaunawa niya, gusto siya nitong kalabanin.

Pero, agad ding nagbago ang husga niya sa sitwasyon matapos siyang may mapansin. Titig na titig siya kina Hugo at Criselda kaya kitang-kita niya kahit pa ang maliit na pagbabago sa ekspresyon ng mga ito. At habang titig na titig siya sa dalawa, napansin niya ang ngiti ni Hugo na walang bahid ng masamang intensyon at ang pasimpleng pag-iling ni Criselda.

Animo'y nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Ibinigay na sa kaniya ng dalawa ang senyales na kaniyang hinihintay, at dahil palatandaan na ito, lahat ng tensyon ganoon din ang pangamba na nararamdaman niya kanina ay tila ba naglaho na.

Nakaramdam siya ng pagkapanatag, subalit naroroon pa rin ang labis na pagtataka sa isip niya dahil kahit na nararamdaman niyang hindi kalaban sina Hugo at Criselda, hindi pa rin malinaw sa kaniya ang mga nangyayari at kung ano talaga ang intensyon nila.

Sa kabilang banda, nagtaka sina Delphine, Xerion, at ang ilan sa kanilang mga tauhan matapos nilang makita ang kakaibang reaksyon nina Finn noong makita ng mga ito ang hitsura nina Hugo at Criselda. Tila ba gulat na gulat ang mga ito nang magpakilala ang dalawa, at sa isip nila, hindi dapat ganito ang reaksyon ng mga indibidwal na ngayon pa lamang nagkakakilala.

‘Mayroong mali rito. Bakit ganoon na lamang ang reaksyon nina Finn Silva noong magpakilala't magpakita ng mukha sina Hugo at Criselda? Maaari kayang magkakilala sila..? O posibleng kilala nina Finn Silva sina Hugo at Criselda?’ tila ba nangangambang tanong ni Delphine sa kaniyang isipan.

Lumalala ang kaniyang pangamba habang tumatagal. Pakiramdam niya ay may hindi tama sa mga nangyayari kaya kaagad niyang binalingan ng tingin si Hugo at agad niyang pinaalala rito ang kanilang napagkasunduan.

“Ano pang hinihintay mo?! Bakit ka pa nakikipagkilala't nakikipag-usap sa kaniya gayong papaslangin din naman natin siya?! Wala nang saysay ang pakikipag-usap sa mga mamamatay rin naman kaya utusan mo na ang mga soul puppet mo na salakayin ang mga soul puppet niya para makakilos na rin kami!” mariing utos niya kay Hugo. “Tandaan mong kailangan pa namin silang mapigilan na makagamit ng Four Guardians Killing Formation. Kapag hindi sila napigilan, madaragdagan ang Abyssal Immortal Rank sa kanilang panig at tayo rin ang mahihirapan!”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon