Chapter LXXXI: Another Turn of Events (Part 1)
Nagpatuloy lang sina Finn, Meiyin, Eon, at Poll sa paglalakbay. Nagkunwari silang hindi nila alam na mayroong bumubuntot sa kanila, ganoon man, bawat isa sa kanilang apat ay nakahanda nang kumilos anomang sandali. Alerto sila kaya kapag sumugod sa kanila ang mga kalaban, makagagawa agad sila ng paraan para protektahan ang kanilang mga sarili at para makaganti sila ng atake. Nakahanda na ring ilabas nina Poll, Meiyin, at Eon ang kani-kanilang Four Guardians Killing Formation habang si Finn ay naghihintay na lang ng pagkilos mula sa mga kalaban para mapalabas niya na ang kaniyang mga soul puppet.
Kampante't mahinahon si Finn dahil para sa kaniya, kontrolado niya ang kasalukuyang sitwasyon. Mayroong mga nakaabang na kalaban sa kanila, pero hindi niya itinuturing na panganib ang mga ito dahil nagawa niyang matukoy ang kanilang mga presenya't aura.
Pamilyar siya sa aura ng mga nakasunod sa kanila. Siguradong tagalabas din ang mga ito kagaya niya kaya hindi siya nangangamba kahit pa marami ang bilang nila.
Marami na siyang soul puppet ngayon, at maliban sa mga soul puppet niyang may propesyon na formation master, ang bawat isa sa mga ito ay maihahalintulad ang lakas sa Abyssal Immortal Rank. Mahigit isandaan ang bilang ng kaniyang mga soul puppet, at laban sa mga 9th Level Heavenly Supreme Rank na sumusunod sa kanila, siguradong madali nang matutukoy kung sino ang nakalalamang at kung sino ang magwawagi sa huli kung sakaling sumiklab ang labanan.
Magiging hindi patas ang lababan, at walang dudang mapapaslang lang ng mga soul puppet ni Finn ang mga kalaban.
Ilang saglit pa, umismid si Finn at animo'y kuminang ang kaniyang mga mata matapos niyang maramdaman ang pagkilos ng mga kalaban. Tutok na tutok siya sa mga ito, at dahil sa napakatalas niyang pandama, hindi nakatakas sa kaniya ang pagkilos ng mga ito kahit pa sobra-sobra ang pagsusumikap nila na itago ang kanilang presensya't aura.
Naramdaman niyang may tatlong presensya na pasugod sa kanila kaya agad niyang tinawag sina Reden, Heren, at Ysir upang protektahan sila. Hindi niya agad tinawag ang iba niya pang soul puppet. Inihanda niya lang ang mga ito kung sakaling kakailanganin niya pa ng karagdagang mga soul puppet para kalabanin ang mga kalaban.
CLANG!
CLANG!
CLANG!
BANG!!!
Matagumpay na napigilan nina Reden, Heren, at Ysir ang atake ng tatlong pigura. Naprotektahan nila ang grupo nina Finn, ganoon man, kasalukuyang mababakas sa ekspresyon ni Finn ang pagkabigla matapos ang nangyari. Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang tinititigan niya ang tatlong pigura na nagbalak na atakihin siya nang palihim.
“Mga soul puppet! May soul puppet master sa panig ng kalaban!” bulalas niya upang alertuhin sina Eon, Meiyin, at Poll.
Tama. Ang tatlong umatake sa kanila ay hindi buhay na nilalang, ang mga ito ay soul puppet din kagaya nina Reden, Heren, at Ysir. At ang mas ikinabigla pa ni Finn, ang bawat isa sa tatlong soul puppet na sumalakay sa kanila ay may lakas na maikukumpara rin sa Abyssal Immortal Rank.
Ibig sabihin, ang tatlong soul puppet ay kasing lakas ng mga soul puppet ni Finn!
Sa kabila nito, nabigla lang si Finn, pero hindi siya nangangamba o natatakot. May makapangyarihang soul puppet master sa kalaban, ito ang kaniyang sigurado. Ngayon, naiintindihan niya na kung saan nagmumula ang lakas ng loob ng mga sumalakay sa kaniya. May ideya na siya kung bakit hindi pa rin sumusuko ang mga ito, at ang naiisip niya ay dahil nakahanap ang mga ito ng o ng mga soul puppet master na may malalakas na soul puppet.
Sa kabila nito, wala siyang pakialam. Hindi niya gaanong pinangangambahan kung saan nagmula ang makapangyarihang soul puppet sa panig ng kalaban dahil kahit na ganito na ang kasalukuyang sitwasyon, kumpyansa pa rin siya na hindi sila mapapahamak sa laban. Hindi lang sina Reden, Heren, at Ysir ang kaniyang mga soul puppet na may lakas na maikukumpara sa Abyssal Immortal Rank, marami pa siyang soul puppet, at ilalabas niya ang mga ito kapag kailangan na.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...