Chapter CXXVIII: The Most Awaited (Part 2)
Binalik ni Erostra sa normal ang kaniyang anyo at pinaglaho niya ang enerhiyang bumabalot sa kaniyang katawan. Pinagpagan niya rin ang kaniyang mga kamay at nagmamalaki siyang umismid sa dalawang bantay na kasalukuyang walang malay na nakadapa sa lupa. Tapos na ang kanilang laban. Malaking pinsala ang nagawa ng kanilang paglalaban sa paligid, pero hindi naging ganoon katagal ang kanilang laban dahil kaagad niyang napangibabawan ang dalawa niyang kalaban.
“Pareho kayong mahina. Hmph! Kung hinayaan n'yo na lang sana akong makausap ang aking ina, hindi na sana kayo napahiya pa't nakaranas ng paghihirap,” nagmamalaking sabi ni Erostra. “Magsilbing motibasyon sa inyo ang naging laban natin. Kailangan n'yo na ring magsanay dahil kung hindi kayo magsasanay, mananatili na lang kayo sa inyong antas at ranggo.”
Pagkatapos niyang sambitin ang mga katagang ito, aalis na sana siya upang magtungo sa kinaroroonan ng kaniyang ina. Ganoon man, hindi na siya tumuloy sa kaniyang balak dahil nakita niya ang sunod-sunod na pagdating ng mga ka-tribo niya. Nagtungo na sa lugar na iyon ang kaniyang ina, ang mga elder, at ang ilang mandirigma ng kanilang tribo. Siguradong naramdaman ng mga ito ang nangyayaring gulo kaya agad silang nagtungo rito upang alamin kung ano na ang nangyayari.
Lahat ng mga arkous ay makikitaan ng pagkabigla matapos nilang makita ang kondisyon ng paligid. Mababakas din ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kanilang mukha habang pinakikiramdaman nila ang aura na inilalabas ng katawan ni Erostra. Gulat na gulat sila, pero nanatili silang walang imik dahil alam nila na ang tanging maaari lang magsalita sa kasalukuyan ay ang kanilang pinuno at ang mga elder.
Sigurado sila na hindi huwad ang nararamdaman nilang antas at ranggo ni Erostra. Oo. Bilang mga arkous, may natural silang kakayahan na baguhin ang kanilang antas, ranggo, at presensya, subalit kaya lang nila itong pababain, hindi pataasin. Sa makatuwid, totoo na ang kanilang prinsesa ay kasalukuyang nasa Abyssal Saint Rank na.
Sa kabila ng matinding tensyon at gulat na reaksyon ng kaniyang mga ka-tribo, nagkibit-balikat lang si Erostra, at pinagkrus niya sa kaniyang dibdib ang kaniyang mga braso. Ngumisi siya sa kaniyang mga ka-tribo at sinabing, “Masyado kayong natagalan. Napabagsak ko na ang dalawang nagbabantay, pero ngayon lang kayo dumating para alamin kung ano ang nangyayari. Kung sakaling ibang lahi na may masamang intensyon ang nanghimasok, marahil patay na ang dalawang ito bago pa kayo makasaklolo.”
Nanlamig ang ekspresyon ni Eranore. Matalim niyang tiningnan ang kaniyang anak at galit niyang binigkas ang pangalan nito bilang babala.
“Erostra!” galit na sigaw niya. “Ano'ng kahibangan na naman ang binabalak mo?! Hindi pa ba sapat ang pagpapakulong ko sa iyo sa kuwebang iyan?! Gusto mo bang gawin na kitang bilanggo nang tuluyan?! Ano'ng kapangahasan ang naisip mo't inatake't pininsala mo ang iyong mga ka-tribo?! Hindi ka ba natatakot sa batas na mayroon tayo?!”
Halos sumabog na si Eranore sa sobrang galit. Kumalat sa paligid ang kaniyang marahas na aura. Pinuntirya niya ang kaniyang anak, subalit hindi ito sobrang naging epektibo. Hindi niya nagawang mapaluhod ang kaniyang anak gamit ang kaniyang aura. Isa siyang Demigod Rank, pero wala itong masyadong naging epekto kay Erostra na isang Abyssal Saint Rank.
Ibig sabihin, matibay rin ang kaisipan ng kaniyang anak at hindi ito masyadong naaapektuhan ng marahas na aura lamang.
“Sila ang may gusto nang pangyayaring ito. Maayos ko silang pinakiusapan na pakawalan na ako dahil gusto ko kayong makausap, pero pilit nila akong pinagbabawalan na makaalis sa kuweba. Dahil doon, ginamit ko ang batas ng ating tribo at hinamon ko silang dalawa sa isang laban. Legal ang aking ginawa kaya hindi ko kailangang matakot sa kahit kanino,” hayag ni Erostra. Hindi siya makikitaan ng kahit katiting na takot. Nananatili siyang kalmado habang patuloy siyang nagsasalita. “Bilang mga mandirigma, dapat ninyong tanggapin ang aking pagkapanalo. Wala na kayong karapatan na ikulong ako ngayon dahil kapag ginawa n'yo iyon, lalabagin ninyo ang batas ng ating mga ninuno. Ngayon, kailangan ninyong pakinggan ang hinaing ko sa ayaw at sa gusto ninyo.”
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...