Chapter CL

5.6K 932 107
                                    

Chapter CL: Selflessness (Part 1)

Isa-isang naglaho ang mga palatandaang lumulutang sa palibot ni Finn. Hindi niya alam kung saan na napunta ang mga ito dahil nawala ang mga ito nang hindi nag-iiwan ng kahit na anong bakas. At sa pagkawala ng mga palatandaan, nawala na rin ang nagsusustento sa kaniya ng enerhiya at naging dahilan din ito ng unti-unting paghina ng kaniyang aura.

Bumalik na sa rati ang kaniyang antas at ranggo. Tuluyan nang nawala ang pinahiram sa kaniyang kapangyarihan dahil sa tingin niya, napagtagumpayan niya na ang huling hamon.

Dahil wala na siyang nararamdamang panganib, pinaglaho niya na ang kaniyang divine artifact. Itinigil niya na ang paggamit sa Celestial Wrath at ibinalik niya na sa orihinal ang kaniyang anyo.

Dahan-dahan siyang tumingala at pinasadahan niya ng tingin ang mga tagalabas na kasalukuyang nakatitig sa kaniya

Nakita niya sina Tiffanya, Ashe, Zelruer, at ang kanilang mga tauhan. Naroroon din sina Ignacio at Rai, at hindi rin nakatakas sa kaniyang pansin ang kambal na heneral ng kaniyang ina--sina Mira at Maya.

Nakasisiguro siya na susubukan siyang kausapin ng mga ito dahil sa pagbubunyag niya sa totoo niyang pagkatao, ganoon man, wala pa siya sa wisyo para harapin ang mga ito.

Sa kabilang banda, kahit na napapaligiran siya ng mga taga-divine realm, hindi mararamdaman mula sa kaniya ang kahit katiting na takot. Hindi siya nababahala kahit na para bang may ilan sa mga ito na gustong sumalakay sa kaniya dahil sa kasalukuyan, nasa perpektong kondisyon siya para lumaban. Marahil nawala na ang mga palatandaan, subalit iniwan siya ng mga ito na maayos ang kondisyon at nag-uumapaw sa enerhiya.

Kaya kapag mayroong taga-divine realm na susubok na salakayin siya para nakawin ang kaniyang mga divine artifact, makakalaban pa rin siya at kumpyansa siyang mapoprotektahan niya ang kaniyang mga kayamanan.

Ganoon man, nagtagal sila sa ganoong posisyon, subalit wala ni isa sa mga tagalabas ang nangahas na sumugod sa kaniya. Nagpatuloy lang ang mga ito sa pagtitig sa kaniya na para bang pinag-aaralan ng mga ito ang kabuoan niya.

At makalipas pa ang ilang sandali, napangiti si Finn nang isa-isa nang maglapitan sa kaniya ang mga mahahalagang miyembro ng New Order.

Tumabi sa kaniya ang mga miyembro ng Dark Crow na nakakakilos pa ganoon din sina Ceerae, Poll, Meiyin, ang kaniyang mga heneral, at ang ilang kapitan at bise kapitan ng Divisions of Imperial Armies. Para bang gusto siyang protektahan ng mga ito mula sa mga tagalabas dahil kasalukuyang pinapakita ng mga ito na handa silang lumaban kung sakali mang mayroong magtatangkang tagalabas na sumalakay sa kaniya.

Nakahinga ng maluwag si Finn dahil sa pagdating ng malalakas na miyembro ng New Order. Napanatag na siya, at hindi niya na gaanong pinagtuunan pa ng pansin ang mga tagalabas. Ibinaling niya na lang ang kaniyang atensyon sa paligid at siniguro niya muna kung talaga bang tapos na ang huling hamon.

Naghanap siya ng bakas ng Evil Jinn, subalit kahit maliit na bahagi ng katawan nito ay wala siyang makita. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong nangyari rito dahil matapos niyang mabasag ang matigas na bagay na nasa loob ng katawan nito, bigla na lamang siyang nawalan ng kakayahan na makakita dahil sa isang nakasisilaw na liwanag.

“Tapos na ba talaga..? Kung gano'n, ano na ang sunod na mangyayari? Malaya na ba ang Land of Origins sa sumpa..?” magkakasunod na tanong ni Finn habang nakatingin siya sa kawalan.

At habang nahihiwagaan siya kung ano na ang mangyayari pagkatapos ng lahat ng kaniyang pakikibaka, siya at ang mga nasa paligid ay naalerto nang bigla na lamang silang makaramdam ng isang pamilyar na aura.

Nanlumo ang ekspresyon ng bawat isa. Sabay-sabay silang bumaling sa itaas at doon, nakita nila na mayroong isang higanteng pigura ang namumuo. Hindi iyon kasing laki ng Evil Jinn, pero nararamdaman nila ang aura nito sa nilalang na unti-unting nabubuo.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon