Chapter CLVIII

5.2K 912 56
                                    

Chapter CLVIII: Let Them Come

“Ano'ng pumasok sa utak mo at nagbitiw ka ng mga ganoong salita, Maya?! Wala ka na ba talagang respeto sa ating kamahalan kaya ganiyan na lamang kung siya ay iyong bastusin?!” Hindi na nakapagpigil pa si Ofelia at kaagad siyang sumingit sa usapan matapos niyang makabawi. Nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin. Matalim ang kaniyang mga tingin at halatang-halata sa kaniyang mukha na hindi siya natutuwa sa mga binitawang salita ni Maya.

Ganoon man, nabigla ang lahat ng mga naroroon nang bigla na lamang bawiin ni Kailani ang paglalabas niya ng mabigat na puwersa. Buong akala nila ay mas lalong manggagalaiti sa galit ang kanilang kamahalan dahil sa mga sinabi ni Maya, subalit hindi ganoon ang nangyari. Ipinagtaka nila ang nangyayari. Hindi ganito ang inaasahan nilang magiging reaksyon ng kanilang kamahalan, ganoon man, mas lalo pa silang naguluhan nang marinig nila ang naging pahayag nito.

Kapansin-pansin ang biglang paghinahon ni Kailani noong siya ay makabawi. Naging taimtim ang kaniyang mga mata at malumanay siyang nagsalita.

“Hayaan n'yo siyang magsalita. Gusto kong marinig ang lahat ng kaniyang sasabihin,” anito habang taimtim na nakatingin kay Maya.

“Pero, Kamahalan! Lantaran niyang niyurakan ang inyong pagkatao! At bukod sa ginawa nilang pagsuway, nagpahayag pa si Maya ng mga salitang imposibleng mangyari! Dapat silang maparusahan dahil kung magiging malambot ka sa kanila, baka sila ay pamarisan ng iba nating mga tauhan!” sambit ni Cordelia, ng isa pa sa anim na heneral.

“Ang sabi ko ay hayaan n'yo siyang magsalita dahil gusto kong marinig ang mga sasabihin niya!” mariing sabi ni Kailani. Binigyan niya ng matalim na tingin ang ibang naroroon. Ikinuyom niya ang kaniyang kamao at sinabing, “Gusto kong malaman kung ano'ng katotohanan ang nalaman nila. Gusto kong sabihin nila iyon dito mismo para marinig din ninyo ang lahat ng iyon—lalong-lalo na ang bahagi na may kinalaman kay Finn Silva.”

Lahat ng naroroon, maging sina Mira at Maya, ay nabigla dahil sa naging pahayag ni Kailani. Ang ibang heneral, ganoon din ang mga malalakas na water celestial ay hindi pa kilala si Finn kaya nahihiwagaan sila kung bakit ito napasali sa usapan.

Oo, nakarating na sa kanila ang tungkol sa mga napagtagumpayan nito sa Land of Origins. Ang pangalan nito ngayon ang pinakamaugong sa divine realm dahil bukod sa mga himalang ginawa nito, ito rin ang dahilan ng pagkamatay ng Earth Celestial Queen at ng isa sa mga heneral ng Celestial Sky Emperor. Ginawa rin nitong soul puppet sina Reden at Sullivan--ang mga heneral ng Blood Demon Emperor, at higit sa lahat, ito ang indibidwal na nagtataglay ng ikalawang blue-green alchemy flame na dapat ay tinataglay lamang ng kasalukuyang alchemy god.

Sa kabila nito, hindi maintindihan nina Ofelia, Cordelia, at ng iba pa kung bakit pilit na sinasabi ni Maya sa kanilang kamahalan na nakilala na nila ang adventurer na iyon, at ang mas lalo pang ipinagtataka nila ay kung bakit sinasabi nito na anak ng kanilang kamahalan si Finn.

Ito ang pinaka imposibleng bagay na kanilang narinig. Marami silang tanong na gustong masagot, subalit mas pinili nila na manahimik muna at makinig sa magiging usapan ng kambal na heneral at ng kanilang kamahalan.

Tungkol kina Mira at Maya, ang dahilan kung bakit sila nabigla ay dahil mas lalong lumakas ang kanilang kutob. Napansin nila na para bang kilala na ni Kailani si Finn bago pa man ang lahat ng ito, at ang ibig sabihin lang ay malaki ang posibilidad na totoo ang lahat ng kanilang nalaman.

Kakaiba rin ang reaksyon ng kanilang kamahalan. Hindi ito nagalit sa kanila, bagkus, bigla itong naging mahinahon at sa unang pagkakataon, naramdaman nila na para bang nakararamdam ito ng komplikasyon.

“Kamahalan... kilala mo talaga si Finn Silva..? Ibig bang sabihin ay totoo ang kaniyang mga ibinunyag sa amin? O narinig mo na ang mga bali-balita tungkol sa kaniya kaya kilala mo siya?”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon