Chapters CLXV

5.1K 876 181
                                    

Chapter CLXV: It Was All Worth It (Part 2)

Bakas ang komplikadong ekspresyon sa mukha ni Kailani habang pinagmamasdan niya ang piraso ng papel sa kaniyang kamay. Halata sa kaniya ang pag-aalinlangan, at hindi siya mapakali dahil maya't maya niyang binabaligtad ang papel na para bang mayroon siyang sinusuri rito, subalit wala naman talaga. Paulit-ulit niya ring tinititigan ang markang nakalagay rito, at pagkatapos, mayroon siyang ibinubulong na tanging malapit lamang sa kaniyang kinauupuan ang nakaririnig.

Nasa tabi ng kaniyang inuupuang trono ang kaniyang anim na heneral habang ang iba niyang tauhan ay maayos na nakahanay sa gilid ng pulang karpet. Pansin niyang nagtataka ang mga ito dahil sa kaniyang inaasta, ganoon man, nanatiling tahimik ang mga ito kaya hindi siya nag-abala na pagtuunan sila ng pansin.

Wala siyang pakialam kahit pa isipin ng mga ito na nababaliw na siya. Sobrang laki ng kaniyang problema, at kahit alam niya ang solusyon, hindi pa rin niya ginagawa dahil pinangungunahan siya ng kaba.

“Hindi ko ito kailangan para ipaalam sa kaniya na kailangan ko ng tulong. Pero, maaari ko itong gamitin para siya ay kumustahin...” pabulong na sambit ni Kailani. “Subalit, paano ko sisimulan..? Ano ang sasabihin ko sa kaniya?”

Tama. Ito ang pinoproblema ni Kailani; hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya kay Finn kaya kahit na kanina niya pa hawak-hawak ang Conveying Sound Inscription na mayroong marka nito, hindi niya pa rin ito pinapagana dahil hindi niya alam kung paano siya makikipagkomunikasyon sa kaniyang anak. Wala siyang maisip kung paano niya sisimulan ang pakikipag-usap dito dahil hindi pa niya nasusubukan na makipag-usap sa isang kapamilya.

Isa siyang Water Celestial Queen noon. Wala siyang mga magulang at wala siyang kinikilalang pamilya kaya ngayon ay hindi niya alam kung paano makikipag-interaksyon kay Finn.

Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin. Labis na inis ang kaniyang nararamdaman dahil hindi niya magawa ang kanina niya pa binabalak. Nauubusan na siya ng pasensya kaya hindi kalaunan, nagdesisyon na lang siya na itago ang Conveying Sound Inscription at huwag nang ituloy ang kaniyang binabalak.

Hindi niya kaya. Hindi niya pa kayang magpadala ng mensahe sa kaniyang anak dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya at kung paano niya sisimulan ang lahat.

“Wala akong inaatrasang laban. Handa akong makipagpatayan kahit sino pa iyan... pero, simpleng pagpapadala lang ng mensahe ay hindi ko magawa?! Bakit ako kinakabahan?! Kabaliwan! Isa itong kabaliwan!” naiinis niyang sambit habang siya ay nakasimangot.

Nagkatinginan sina Mira, Maya, at ang iba pang heneral. Nakaramdam ng kaba ang ilan sa kanila dahil nararamdaman nila na totoo ang inis ni Kailani, at kinakabahan sila dahil malinaw sa kanila na hindi ito magandang senyales.

Ramdam na ramdam nila ang mabigat na puwersa na nagmumula sa aura nito, at dahil sa tindi ng puwersa ng kanilang kamahalan, nagsisimula na ring yumanig sa palasyo.

Nangangamba ang mga heneral, kapitan, at bise kapitan na naroroon dahil kung hindi ito hihinahon, maaari itong magwala na posibleng maging dahilan ng pagkasira ng palasyo at mahihirapan sila na pigilan ito kapag nagkataon.

Lakas-loob na gumalaw si Ofelia. Hahakbang na sana siya patungo sa harapan ni Kailani para buong tapang na pakalmahin ito, ganoon man, hindi pa man siya nakakadalawang hakbang ay bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding pagkahilo. Napahawak siya sa kaniyang ulo at naramdaman niya na ang kaniyang hilo unti-unting umabot sa matinding antok. Hindi niya alam kung bakit ganito ang kaniyang nararamdaman. Nanghihina siya at dahan-dahang lumalabo ang kaniyang paningin. Pero, bago siya tuluyang bumagsak sa sahig, napagtanto niya na hindi lang siya ang nakakaranas noon.

Nakita niya na ang mga kapitan at bise kapitan na naroroon sa loob ng silid ay nauna nang nawalan ng malay. Maging ang mga kapwa niya heneral ay nagbabagsakan na rin sa sahig.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon