Chapter XXX

6.9K 917 149
                                    

Chapter XXX: The Wish and the Unexpected Happening

Walang pagdadalawang-isip na umatras sina Fixie at Dezqi matapos nilang sumigaw. Inihinto na nila ang pag-atake sa mga soul puppet ni Finn at kaagad na silang lumipad patungo sa isang direksyon kasama ang kanilang mga tauhan. Malinaw sa kanila na walang saysay ang kanilang patuloy na paglaban kaya kung malalagay lang sa peligro ang kanilang buhay, mas pipiliin na lang nilang umatras at lunukin ang kahihiyan.

Para sa kanila, hindi pa huli para maghiganti. Bahagi sila ng isang napakalakas na puwersa at magagawa nilang makapaghiganti sa New Order kapag tama na ang panahon.

Sa kabilang banda, balak pa sanang habulin ng mga miyembro ng ikalawang dibisyon ang mga patakas na kalaban, subalit bigla na lang lumitaw si Finn sa harapan at sinabing, “Huwag n'yo na silang habulin. Mayroon pang ibang pagkakataon para makapaghiganti sa kanilang ginawang pagsalakay sa atin. Babawian natin sila sa oras na magkrus muli ang mga landas natin.”

“Sa ngayon, asikasuhin n'yo muna ang ipinapagawa ko sa inyo. Kolektahin ninyo ang mga bangkay at i-prayoridad ninyo ang mga kasamahan nating nasugatan at nasawi sa laban. Ito ang mas mahalaga kaysa ang paghabol sa kanila,” seryosong dagdag niya.

Walang pagtatanong na sumaludo ang mga miyembro ng ikalawang dibisyon kay Finn. Gusto nilang maghiganti sa hukbo ng Demon Ice Empire dahil sa ginawang pagsalakay ng mga ito sa kanila. Namatay pa ang iba sa kanilang kasamahan, subalit dahil sa utos ni Finn, agad nila iyong isinantabi at inuna nila kung ano ang nararapat.

Kung hahabulin nila sina Fixie, Dezqi, at ang mga tauhan ng mga ito, baka mapahamak lang sila. Maiiwan din ang mga sugatan sa lugar na ito at baka may iba pang pangkat na magtungo rito para nakawin ang mga bangkay na may mga pag-aaring kayamanan. Mababalewala ang kanilang pinagpaguran. Malalagasan pa sila ng mga miyembro dahil lang sa kagustuhan nilang makapaghiganti sa mga kalaban.

Kailangan nilang isantabi ang kanilang galit para sa mas mahahalagang bagay, at ang mga mahahalagang bagay na ito ay ang utos ni Finn na i-prayoridad muna ang buhay ng kanilang mga kasamahan ganoon din ang paglilinis ng kalat sa lugar na pinangyarihan ng labanan.

Dahil tapos na ang kaguluhan, ikinansela na rin nina Yopoper ang pagpapagana sa kanilang Four Guardians Killing Formation. Medyo napuruhan sila sa ginawa nilang ito, pero mas mainam na ito kaysa masayang ang isang gamit ng kanilang pinaka alas.

Kaagad na rin silang tumulong sa pag-aasikaso sa mahahalagang bagay. Sinaklolohan nila ang mga sugatan nilang kasama at kinolekta nila ang mga bangkay ng kalaban na nagkalat sa paligid.

Samantala, nang masaksihan ni Finn ang pagkilos ng bawat miyembro ng New Order, kaagad siyang nagtungo sa kinaroroonan ni Faino. Nakangisi itong naghihintay sa kaniya na para bang nagmamalaki ito sa ginawa niya kani-kanina lamang.

“Napakalaking tulong ng ginawa mo. Ikaw ang naging susi para mapaatras ang mga kalaban at mabaligtad ang resulta ng sagupaan,” simpleng lahad ni Finn matapos niyang makalapit kay Faino.

“Huwag mo nang subukan na purihin ako kung napipilitan ka lang,” pasinghal na sambit ni Faino. “Ano bang espesyal sa kanila? Sila ay mga hangal lang na hindi marunong tumingin kung sino ang binabangga nila. Napakatanga nila para isiping mananalo sila gayong sa mundong ito, ang kanilang kapangyarihan ay limitado lang. Ngayon, siguradong pinagsisisihan na nila ang kahangalang ginawa nila.”

Punong-puno ng kumpyansa si Faino. Nag-uumapaw ang kaniyang kahambugan at para bang sinasabi niyang napakawalang kuwenta ng hukbo ng Demon Ice Empire. Hindi man lamang niya nakikita bilang banta ang mga katulad nina Dezqi at Fixie, bagkus, tinawag niya pang hangal ang dalawa dahil sa ginawang pagsalakay ng mga ito.

“Talagang ikinasisiya mo ang pangmamaliit sa iba. Hindi ko tuloy masabi kung nagsasabi ka ba ng totoo o nagpapakahambog ka lamang,” natatawang sambit ni Finn.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon