Chapter XX

5.4K 875 76
                                    

Chapter XX: Hope

Sa pinakadulong bahagi ng dating kagubatan, mayroong isang grupo na binubuo ng tatlong adventurer ang kasalukuyang naghihintay ng balita tungkol sa mga kaganapan sa ilalim ng bangin. Kahit na nakadistansya sila sa ibang pangkat, alerto pa rin nilang pinakikiramdaman ang kanilang paligid. Kalansin-pansin din na napakalayo nila sa sentro, subalit hindi nila ito pinili; bagkus, wala silang pagpipilian dahil sa kasalukuyan nilang antas at ranggo, wala silang karapatan na makapuwesto sa unahang bahagi.

Lahat silang tatlo ay nasa Heavenly Chaos Rank lamang, at ilan lang sila sa nagtataglay ng pinakamababang antas at ranggo roon. Sa madaling sabi, silang tatlo ay kabilang sa pinakamahihina at pinaka hindi pansinin.

“Ano na kaya ang kaganapan sa bangin..? Biglang huminto ang kaguluhan at mga pagyanig... Natalo na kaya nila ang sinasabing makapangyarihang halimaw? Nagtagumpay kaya sina Finn na buksan ang pasukan ng libingan?” Hindi mapigilang maibulong ni Gyomei habang nakatulala siya sa kawalan.

Nanatiling taimtim ang ekspresyon ni Krayon. Huminga siya ng malalim at pinagmasdan niya muna ang kanilang kapaligiran bago siya mahinahong nagsalita, “Walang senyales na mayroon nang balitang kumakalat... Naghihintay pa rin ang iba kaya malaki ang posibilidad na hindi pa nagtatagumpay sina Finn sa pagpasok sa pinaghihinalaang libingan ng isang diyos.”

Bahagyang tumango si Herian. Mapait siyang ngumiti at taimtim na nagkomento rin, “Kahit magtagumpay sila sa pagbubukas ng pasukan, matatagalan pa rin bago tayo makapasok... baka wala nang oportunidad na matira sa atin dahil nalimas na nilang lahat iyon.”

Tama, ang grupong ito na binubuo ng tatlo ay ang grupo nina Gyomei, Herian, at Krayon. Sila ang mga nakasalamuha ni Finn sa Crimson Lotus Realm noong siya ay naghahanap ng kasagutan tungkol sa nangyari sa Ancestral Continent. Matatandaang si Krayon ay dating komandante ng Crimson Guardians na nakaharap nina Finn, Eon, at Poll noong bagong tapak pa lang sila sa Crimson Lotus Realm. Si Eon ang tumalo at bumugbog kay Krayon dahil binalak nito na pigilan sila.

Tungkol kay Herian, siya ay dating isa sa mga punong komandante ng Crimson Guardians habang si Gyomei ay personal na estudyante ni Gamor. Sila ay pumasok din noon sa mundo ng alchemy ni Firuzeh, at doon nagsimula ang kanilang pag-unlad bilang mga adventurer.

Matatandaan ding isa si Gyomei sa mga nakakuha sa paghanga ni Finn. Humahanga siya rito dahil sa tindi ng pagpapahalaga nito kina Herian at Krayon. Handa nitong isuko ang kaniyang mga pinaghirapang kayamanan para lamang mabuhay ang dalawa, at ito ang pinakahinahangaang katangian ni Finn sa isang nilalang.

Dahil din dito kaya hinihiling ni Finn sa tadhana na muli niyang makakrus ng landas si Gyomei. At agad na dininig ng Maykapal ang kaniyang hiling dahil sa hindi inaasahang pagkakataon, naririto rin si Gyomei sa lugar kung saan naroroon siya at ang New Order.

“Kung maubusan man tayo, ang mahalaga ay sinubukan natin. Hindi naman natin kailangang makigulo sa malalakas, ang kailangan lang natin ay pulutin ang mga kayamanan na ayaw nilang kuhanin. Sa ganoong paraan, baka makaalis na tayo sa Heavenly Chaos Rank at makamit na natin ang Supreme Rank,” sambit ni Gyomei habang nakangiti kay Herian. Agad ding naging seryoso ang kaniyang ekspresyon. Napabuntong-hininga siya at malumanay na sinabing, “Pero, maiba ako... talagang napakataas na ni Finn, hindi ba? Parang kailan lang ay mas mataas pa ang antas at ranggo ko kaysa sa kaniya, pero ngayon... kahit anino niya ay hindi ko na kayang abutin.”

“Nakakapangilabot ang kaniyang talento. Napakahiwaga rin ng kaniyang pagkatao at hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na mayroong kagaya niya na kayang malampasan ang mga ranggo sa isang iglap lamang.”

Nagsimulang alalahanin ni Gyomei ang nakaraan. Hindi niya mapigilan na mamangha sa kasalukuyang estado ni Finn, ganoon man, nagmamalaki siya dahil minsan sa kaniyang buhay, nakasabayan niya ito at minsan niya pa itong nakasalamuha.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon