Chapter LXXIII: Two Fates
“Masyadong maraming mata ang nakatuon sa amin. Hindi kami nasisiyahan sa ganitong atensyon kaya kung iyong mamarapatin, sasakay na kami sa iyong sinasakyang air ship at doon ka na lamang namin hihintayin, Panginoong Finn,” seryosong sabi ni Eaton habang siya ay nakaluhod pa rin.
Nauunawaan ni Finn ang gustong iparating ni Eaton kaya kaagad niyang pinahintulutan ang gusto ng mga ito. Itinuro niya sa mga ito kung alin sa tatlong air ship ang kaniyang sinasakyan at sinabi niya rin na susunod siya agad doon pagkatapos niyang anyayahan sina Filvendor.
Pagkatapos, hindi na nagsayang ng oras ang mga water celestial at kaagad silang sunod-sunod na nagsitayuan. Hindi na nagbigay ng huling sulyap ang mga ito sa mga manonood o kahit sa mga miyembro ng New Order, bagkus, bahagya lang silang yumuko sa direksyon ni Finn at magkakasama silang lumipad at sumakay sa air ship na itinuro nito.
Samantala, agad na nagtungo si Finn sa kinaroroonan nina Filvendor matapos umalis ng mga water celestial. Lumipad siya papalapit sa mga elf, at habang patungo siya kinaroroonan ng mga ito, napansin niya ang pagsunod sa kaniya ni Auberon.
Makaraan ang ilang saglit, narating niya ang kinaroroonan nina Filvendor at Vishan. Lumapag siya sa harapan ng magkapatid habang si Auberon ay nanatiling tahimik na nakatayo sa kaniyang likuran.
“Dumating din ang sandaling ito, Finn Silva. Nagkaroon din kami ng pagkakataon na makaharap at makilala ka,” ani Filvendor.
Ngumiti si Finn at bahagya siyang tumango. Tiningnan niya ang magkapatid na sina Filvendor at Vishan, at sinabing, “Marami na akong naririnig tungkol sa inyo. Naging panauhin na rin namin ang Ancient Elf Kingdom sa aming teritoryo, at sa totoo lang, hinihintay ko talaga na mangyari ang sandaling ito kaya ngayong naganap na ang paghaharap-harap natin, may mga bagay na nais sana akong linawin sa inyo.”
Ngumiti si Filvendor at malumanay siyang tumugon, “Iyan ang dahilan kaya hinintay namin ang paglabas ninyo sa libingan. Orihinal na dito ka sana namin aabangan para makumpirma ko ang katotohanan, subalit hindi namin akalain na malalagay ang inyong puwersa sa kapahamakan dahil sa masamang binabalak ng mga draconian.”
“Sa tingin ko ay hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan ang tungkol sa bagay na ito. Bakit hindi na lang tayo magtungo sa sinasakyan mong air ship para roon natin masimulan ang pagtalakay sa mga bagay na dapat nating pag-usapan, Finn Silva?” nakangiting mungkahi niya pa.
“Sa tingin ko rin,” agad na tugon ni Finn.
“Ngayon din mismo ay paghahandain ko na ang Divisions of Imperial Armies para sa isasagawa nating paglalakbay pabalik sa santuwaryo. Mauna na kayo sa air ship na ating sinasakyan. Susunod na lang ako roon para sumali sa inyong diskusyon, batang panginoon,” sambit ni Auberon.
Hindi tumutol si Finn sa nais ni Auberon na sumali sa mangyayaring usapan sa pagitan niya at nina Filvendor. Tinanguhan niya rin ito upang ibigay ang kaniyang pagsang-ayon, at matapos makuha ang kaniyang permiso, umalis na ito at bumalik sa kinaroroonan ng Divisions of Imperial Armies.
Pagkaalis ni Auberon, inatasan na ni Finn ang kaniyang mga soul puppet na bumalik sa kanilang imbakan. Wala nang gulo kaya hindi na sila kailangan. Tungkol kay Faino, napansin niya na bigla na lamang itong nawala noong dumating ang mga water celestial. Marahil bumalik na ito sa mundo ng mga guardian spirit dahil nakita nitong hindi na siya kailangan doon.
Matapos maayos ang lahat, niyaya niya na sina Filvendor para sa loob ng air ship ipagpatuloy ang kanilang pag-uusap. Agad na sumunod sa kaniya ang mga ito, at noong makalapag na siya sa air ship, sinabihan niya muna sina Eaton na kasalukuyang naghihintay sa kaniya na sa loob na muna manatili para roon maghintay ng ilan pang sandali.
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...