Chapter XXXIV

5K 839 52
                                    

Chapter XXXIV: Surrounded

“Mas lalo pang tumindi ang kanilang sagupaan. Ibang-iba na ang antas ng kanilang paglalaban, at ang lakas ng kanilang mga atake ay hindi na kayang ipaliwanag ng sentido komun. Sobra na nilang ginagambala ang espasyo at kung pangkaraniwan lang ang lugar na ito, siguradong hindi ito tatagal. Mawawasak ito at madadamay ang lahat ng nasa libingang ito,” sambit ni Finn. Huminga siya ng malalim. Naging taimtim ang kaniyang mga mata at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Ang pinaka-kawawa sa kanilang sagupaan ay ang mga kasapi at tauhan nilang may mababang antas at ranggo. Sila ang naiipit sa gulo, at dahil mahihina pa sila, nahihirapan silang protektahan ang kanilang sarili mula sa mga takas na atake.”

Bahagyang tumango sina Yopoper. Pansin din nila ang tungkol sa bagay na ito. Dahil sa labanan ng mga Demigod Rank, nahihirapan nang kumilos ang karamihan. Masyadong mapanganib ang kapangyarihan nina Gorden. Sobra na nilang ginagambala ang espasyo sa paligid at kung babalakin nilang ibuhos ang lahat ng kanilang lakas, siguradong maging ang kanilang mga kasapi o tauhan ay madadamay. Dahil dito, marami na ang huminto sa pakikipaglaban at ang kanilang ginagawa ay nanonood na lamang sa nangyayaring kaguluhan.

Mahirap makipaglaban kung kailangan pa nilang protektahan ang kanilang sarili mula sa kapangyarihan ng mga Demigod Rank. Sa halip na ituon ang kanilang atensyon sa sarili nilang kalaban, nahahati ang konsentrasyon nila sa pagprotekta sa kanilang sarili.

Ito ang naging rason kaya mas pinili na lang nilang tumigil at manood na lang dahil sa huli, ang laban ng mga Demigod Rank ang magdidikta kung sino ang magwawagi.

Ito ay mga Demigod Rank--adventurer na nakamit na ang mga ranggong maaaring makamit ng isang indibidwal. Bilang nagtataglay ng pinakamataas na ranggo, sila ay may basbas ng kalangitan. Mayroon din silang kakayahan na gamitin ang kapangyarihan ng isang diyos dahil kaya nilang lumikha at magwasak. At kapag naglaban-laban sila, kagaya ng nangyayari ngayon, ang mga bagay na nakapaligid sa kanila, planeta man, buwan, bituin o araw ay siguradong mawawasak.

Mabuti na lang dahil kahit papaano, ang lugar na ito ay hindi ganoon kadaling mawasak. Ang kalupaan dito ay matigas, lalo na ang malalim na bahagi. At kung hindi kayang wasakin ng kapangyarihan ng mga Demigod Rank ang lugar na ito, siguradong ang lumikha sa lugar na ito ay higit na mas makapangyarihan kaysa sa mga Demigod Rank.

Sa makatuwid, sigurado na sila na ang lumikha at nagmamay-ari sa lugar na ito ay isang diyos.

“Hindi tayo maaaring magtagal dito. Hindi natin kakayanin ang antas ng kanilang labanan kaya sa oras na makarating dito sina Auberon, aalis tayo agad upang hindi tayo madamay sa gulo,” seryosong sabi ni Finn.

“Maliwanag, Panginoong Finn,” agad na tugon ni Yopoper.

Inaalala ni Finn ang kaligtasan ng mga miyembro ng New Order. Kahit siya ay hindi niya kayang protektahan ang kaniyang sarili mula sa mga Demigod Rank--ano pa kaya ang pagprotekta sa kaniyang mga kasamahan?

Isa pa, inaalala niya ang mga forsaken. Abala sa ngayon ang mga ito sa pakikipagdigma sa mga basilisk, moriyan, at citrusian, subalit nangangamba siya na baka bigla na lang siyang mamataan ng mga ito. Malaki ang galit ng mga ito sa kaniya. Pinagbantaan na siya noon ni Ragos, at sa tingin niya, kapag nakakuha ang mga ito ng tiyempo, baka sumugod ang mga ito sa kanila para atakihin siya at ang kaniyang mga kasama.

Iniiwasang mangyari iyon ni Finn dahil sa kasalukuyan, siya lang at ang ikalawang dibisyon ang naririto. Mas mahina sila kumpara sa kabuoang puwersa ng New Order. Wala sina Auberon at Kamila sa tabi niya para magbigay-suporta sa kaniya. Napakalaking tulong ng Fairy Link ni Auberon habang ang ibinibigay na basbas ni Kamila ay nagbibigay ng malaking karagdagan sa kabuoang lakas niya. Ang dalawa ang rason kaya niya nakaya noon na labanan si Hogiamos kahit wala pa siyang kakayahan na gumamit noon ng kapangyarihan ng espasyo.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon