Chapter XCIX: Peeking into their Future
Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan nina Elvira at Finn. Nagtitigan ang dalawa. Naghintay si Finn sa magiging tugon ni Elvira sa tanong niya, at makaraan ang ilang sandali, nakita niyang bumuka ang bibig nito at animo'y nagsalita. Ganoon man, makaraan ang ilang saglit, ang kaniyang pananabik ay agad na napalitan ng pagtataka. Nagsalubong ang mga kilay niya na para bang naguguluhan siya. Nasaksihan niyang bumuka ang bibig ni Elvira, subalit wala siyang narinig na tinig mula rito.
Tiningnan niya ang iba niyang kasama at kagaya niya, bakas din sa mukha ng mga ito ang pagtataka.
“Mayroon ka bang narinig Finn Silva? Kayo, narinig n'yo ba ang mga sinabi ko?” kalmadong tanong ni Elvira kay Finn at sa mga kasama nito.
“Wala kang sinabing kahit ano. Ibinuka mo lang ang iyong bibig, pero hindi ka nagsalita kaya bakit mo kami tinatanong kung narinig namin ang mga sinabi mo?” balik na tanong ni Faino.
“Iyan ang eksaktong gusto kong iparating sa inyo,” tugon ni Elvira. Binalewala niya ang kagaspangan ng ugali ni Faino. Seryoso niyang tiningnan si Finn at marahang sinabing, “Kahit na gustuhin man namin, hindi namin maibabahagi ang impormasyong alam namin tungkol sa huling pagtatasa. May kung anong kapangyarihan ang pumipigil sa amin para maipaalam iyon sa inyo. Sinubukan na namin iyon ng ilang beses sa iba't ibang paraan, subalit wala kahit isa ang nagtagumpay. Kapag sinabi namin ng pasalita, hindi ninyo maririnig ang aming tinig. Kapag naman isinulat namin, bigla na lamang masusunog ang sinulatan namin o mabubura ang sinulat namin. Hindi kami makagawa ng paraan para maipasa ang napakahalagang impormasyon patungkol sa huling pagtatasa dahil sa mga komplikasyong nabanggit ko.”
“Sigurado akong ang kalangitan ang pumipigil sa amin na maipaalam sa inyong mga tagalabas ang ilan sa mahahalagang impormasyon na dapat ninyong malaman. Kahit na gusto ko kayong tulungan, hindi maaari dahil hindi ko alam kung sa paanong paraan,” tila ba dismayadong pagpapaliwanag ni Elvira.
Dahil sa paliwanag ni Elvira, naliwanagan si Finn sa nangyari. Hindi sa ayaw nitong ibahagi sa kanila ang tungkol sa huling pagtatasa, bagkus, mayroong pumipigil dito na maibahagi ang alam niya.
“Maraming-maraming salamat pa rin sa lahat, Lady Elvira. Lahat ng ibinahagi mong impormasyon sa amin ay mapakikinabangan namin sa hinaharap. Kahit na hindi namin lubusang nalaman kung ano talaga ang mangyayari sa huling pagtatasa, hindi iyon problema dahil anoman ang huling pagtatasa, kailangan namin iyong malampasan nang magkakasama,” lahad ni Finn. “Marami akong kakampi. Nariyan ang New Order at ang aking mga naging kaibigan sa mundong ito. Marami ang naniniwala sa akin kaya gagawin ko ang lahat para magtagumpay sa huling pagtatasa.”
Natigilan si Elvira, pero agad din siyang nakabawi at binigyan niya si Finn ng isang matamis na ngiti. Bahagya rin siyang tumango at marahang nagsalita. “Kakailanganin mo ang kumpyansang iyan para magtagumpay ka. Pero, hindi sapat ang kumpyansa lang dahil kailangan ninyo pa ring maghanda para sa paparating na huling pagtatasa. Nararamdaman kong nalalapit na ang matinding kaguluhan. Nagsisimula na ang bagay na iyon sa pangangalap ng enerhiya... at sa aking tantiya, limang taon mula ngayon ay magsisimula na ang huling pagtatasa,” aniya.
“Limang taon..?” bulalas ni Finn habang seryoso siyang nakatingin dito.
Nasurpresa siya dahil nakapagbigay ito ng tinantyang panahon kung kailan magsisimula ang huling pagtatasa, at sa totoo lang, pakiramdam niya ay napakaikli ng panahon na ito para sa kaniya at sa New Order. Kaagad niyang naisip ang tungkol sa kanilang pagsasanay. Marahil magiging doble ang limang taon at magiging sampung taon ito dahil sa Tower of Ascension sila magsasanay, ganoon man, kulang na kulang pa rin ito para sa kaniya.
Hindi niya alam kung kakayanin niyang maabot ang Demigod Rank sa loob ng maikling panahon na iyon, at isa pang pinangangambahan niya ay kung pagkatapos ba ng sampung taon ay handa na ang New Order na lisanin ang Land of Origins para harapin ang kanilang mga kalaban sa divine realm.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...