Chapter LXXXVIII: The Island of Soul Chefs (Part 3)
Dere-deretsong naglakad si Edmund patungo sa isang magarang gusali sa pinakasentro ng isla. Kaagad siyang dumeretso rito matapos niyang iwan ang grupo nina Finn kay Rian dahil kagaya nga nang sinabi niya, mayroon pa siyang mahalagang bagay na aasikasuhin--at ang mahalagang bagay na iyon ay ang pag-uulat sa kanilang lider patungkol sa pagsasakatuparan ng iniutos nito sa kaniya.
Nagawa niya nang salubungin si Finn. Engrande niyang isinakatuparan ito kagaya ng instruksyon ng kanilang lider. Naipaalam niya na rin sa ibang panauhin na tumanggap sila ng mahalagang panauhin na ayon din sa kagustuhan nito. Bukod pa roon, alam na ngayon ng iba na mayroon silang inabsuwelto mula sa kanilang parusang pagbabawal na makabalik muli sa isla.
Ito ang kauna-unahang beses na ginawa nila iyon kaya siguradong pag-uusapan ito ng iba't ibang indibidwal, pangkat, at puwersang naninirahan sa Land of Origins. Ang hakbang nilang ito ay hindi lang simple, mayroon itong ibig sabihin at malinaw iyon sa mga lokal ng mundong ito.
Sa pagkakataong ito, ang organisasyon sa likod ng Heavenly Gourmet Island na walang pinapaboran na kahit sino ay mayroon nang pinapanigan. Pinapaboran na ng mga ito si Finn, at binigyan nila ito ng mga pribilehiyo na kahit ang mga makakapangyarihan at maiimpluwensiyang Demigod Rank ay hindi nila binibigyan.
Samantala, noong malapit na si Edmund sa magarang gusali, kaagad na tumabi ang dalawang kawal na nagbabantay sa pintuan. At noong makalapit siya, sabay siyang sinaluduhan ng mga ito, subalit hindi siya nag-abalang kausapin o pansinin ang mga ito. Kusang nagbukas ang pinto kaya tuloy-tuloy lang siyang humakbang papasok ng gusali.
Noong makapasok siya sa loob, nagtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa makapasok siya sa isang silid. Isinara niya agad ang pinto at pagkatapos, humakbang siya papalapit sa isang napakagarang higaan.
Lumuhod siya gamit ang isa niyang tuhod. Itinungo niya ang kaniyang ulo at itinuon niya na ang kaniyang tingin sa sahig. Bahagya niyang ibinuka ang bibig at malumanay na sinabing, “Nagawa ko na ang iyong ipinag-uutos, Mistress. Naihatid ko na sila kay Rian at marahil ngayon ay nagsisimula na silang maglibot sa isla.”
“Magaling ang ginawa mo. Nasunod mo nang maayos ang ipinag-uutos ko, at nasaksihan ko iyon, Edmund,” tugon ng tinig na pag-aari ng isang babae.
Ang boses nito ay napakalambot. Animo'y musika ito sa mga tenga, at kahit na sinong makaririnig dito ay mabilis na maaakit sa napakagandang tinig nito.
“Gusto ka niyang makita. Magpapakita ka ba kay Finn Silva, Mistress?” biglang tanong ni Edmund.
“Kailangan naming magkita, pero hindi pa sa ngayon. Hindi pa ito ang tamang pagkakataon para harapin siya,” agad na tugon ng tinig.
Napaisip si Edmund sa sinabi ng kanilang lider. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin, subalit hindi niya na inusisa pa ang tungkol dito, bagkus, binago niya ang paksa at tinalakay niya ang isang bagay na gumugulo sa kaniya.
“Mistress... posible ko bang malaman mula sa iyo kung anong klase ng nilalang si Finn Silva? Halos lahat ng impormasyon patungkol sa kaniya ay masyadong... kakaiba. Masyado nang hindi kapani-paniwala ang pagiging mahusay niya sa iba't ibang propesyon at pagsasanay niya sa tatlong magkakaibang elemento. Mahusay rin siya sa pakikipaglaban, at isa pa siyang water celestial. Hindi makabuluhan ang lahat ng tungkol sa kaniya lalo na't napakabata niya pa. Paano siya naging mahusay sa mga larangang iyon gayong kakaunting panahon pa lang siyang nabubuhay?” tanong ni Edmund at bakas na bakas ang labis na pagtataka sa kaniyang tono. “At ang pagtataglay niya ng blue-green alchemy flame kahit na kasalukuyang umiiral ang isang alchemy god... paano iyon maipapaliwanag?”
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasiaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...