Chapter CXVII

4.9K 871 57
                                    

Chapter CXVII: Out in Seclusion

“Malapit nang sumapit ang ikasampung taon ng kanilang pagsasanay sa toreng ito. Lahat ng miyembro ay nagkaroon ng pagbabago, pero hindi lahat ay naging malaki ang nangyaring pag-unlad. May mga miyembrong hindi nagpamalas ng kamangha-manghang pagganap kahit na maayos na silang nagabayan. Gayunman, hindi sila masisisi dahil malaki ang kakulangan nila sa talento, potensyal, at lalong-lalo na sa ambisyon,” mahinang sambit ni Firuzeh habang taimtim siyang nakatulala sa kawalan. “Sa ganitong klase ng pagsasanay talaga malalaman kung sino ang gustong-gustong umunlad. Dito rin masasaksihan kung sino ang pursigidong maisakatuparan ang hangarin ng puwersang ito.”

Kasalukuyan siyang nasa ikasampung palapag ng Tower of Ascension at dahil nagkalat ang kaniyang mga clone sa iba't ibang palapag, ang bawat pangyayari, maliban sa mga kaganapan sa ika-isandaang palapag ay alam niya. Bawat indibidwal o dibisyon ay nasusubaybayan niya ang kilos. Walang nakakatakas sa kaniya dahil ang lahat ng mga miyembro ng New Order ay bantay-sarado niya.

Pinagkatiwalaan siya ni Finn sa responsibilidad na ito at dahil nangako siyang tutulong siya para mapaunlad pa ang New Order, natural lang na subaybayan niya ang mga miyembro upang makapag-ulat siya kung sino ang mga karapat-dapat na bigyan ng matataas na posisyon sa mangyayaring pagbabago sa kanilang puwersa.

Magkakaroon ng repormasyon sa New Order. Mababago na ang Divisions of Imperial Armies, at madaragdagan pa ang bilang ng mga dibisyon kaya siguradong may mga bagong kapitan at bise kapitan na maluluklok sa puwesto.

“Kumusta na kaya si Finn? Sana ay naging maganda ang takbo ng kaniyang pagsasanay. Hindi pa siya umaalis sa ika-isandaang palapag kaya hindi ko pa malaman kung ano na ang balita sa kaniya,” saad ni Firuzeh. “Hindi ko alam kung alam niya na, pero siguradong magugulat siya kapag narinig niya ang ulat tungkol sa malaking pagbabagong naganap sa New Order,” dagdag niya pa.

“Hindi na ako makapaghintay na marinig ang tungkol sa tinutukoy mong malaking pagbabagong naganap sa New Order, Firuzeh.”

Natigilan si Firuzeh, at nang makabawi siya, kaagad siyang pumihit upang harapin ang nagsalita sa kaniyang likuran. Bumakas ang gulat sa kaniyang mukha dahil habang pinagmamasdan niya ang pigura ni Finn, naramdaman niya rin ang tinataglay nitong aura nito. Hindi siya lubusang makapaniwala sa nararamdaman niya, pero mabilis na naglaho ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kaniyang mukha at napalitan ng matamis na ngiti.

Malinaw niyang nararamdaman ngayon ang kasalukuyang antas at ranggo ni Finn, at masayang-masaya siya dahil higit pa ito sa kaniyang inaasahan.

“Mukhang naging sobrang mabunga ang iyong isinagawang pagsasanay. Nadagdagan ang iyong kapangyarihan kaya kinailangan mo pang balansehin ang iyong mga kapangyarihan. Bukod pa roon, dahil kinailangan mong turuan ang iyong mga kalahi, ikaw ang pinakahuling nagsimulang magsanay. Sa kabila ng lahat ng ito, nagawa mo pa ring maabot ang Abyssal Saint Rank. Wala pang isang dekada, subalit nagawa mo agad na maabot ang antas at ranggong iyan. Talagang malahalimaw ka, talagang kamangha-mangha ang talento't potensyal mo, Finn,” malumanay na hayag ni Firuzeh.

Tama. Si Finn ay isa na ngayong Abyssal Saint Rank, at nakamit niya agad ang antas at ranggong ito dahil sa husay niya sa paggamit ng kapangyarihan ng espasyo.

Nanatili ang ngiti ni Finn sa kaniyang mga labi. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at malumanay na sinabing, “Kung nagtagumpay lang sana ako na kontrolin at angkinin ang planetary vein na inilagay ko sa nilikha kong planeta, marahil hindi lang Abyssal Saint Rank ang naabot ko. Gano'n man, sadyang mahirap lumikha at umangkin ng isang planeta kaya inihinto ko na muna para na rin magawa ko ang aking tungkulin bilang pinuno ng New Order.”

“Kailangan nang maisakatuparan ang repormasyon habang hindi pa nagsisimula ang huling hamon ng Land of Origins. Pero, kailangan ko munang malaman kung ano na ang mga kaganapan sa ating puwersa. At sa bagay na ito, kakailanganin ko ang tulong mo, Firuzeh,” seryosong dagdag niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon