Chapter XIX

5.1K 819 84
                                    

Chapter XIX: In a Dilemma

Nasurpresa ang lahat sa kaganapang ito. Ibinaling ng mga Demigod Rank na halimaw ang kanilang buong atensyon sa pagsugod kay Ashe, ganoon man, tanging mga fire phoenix lang ang kumilos at sumaklolo. Hindi gumalaw ang mga draconian, moriyan, darkiyan, at ang iba pa. Nanatili lang sila sa kanilang kinaroroonan at pinanood lang nila ang pangyayaring ito na tila ba wala silang balak na makialam.

Napasinghal na lang sina Ranaya at Fahra habang ginagamit ang kanilang pinakamabilis na paraan para marating ang kinarororoonan ni Ashe. Inaasahan na nila na kapag nalagay sa panganib ang kanilang buhay, hindi sila tutulungan ng kahit na sinong Demigod Rank na naroroon. Siyempre, hahayaan lang silang mapahamak ng mga ito dahil para sa mga ito, hindi na sakop iyon ng kanilang kasunduan. At kung ibang kabilang sa kasunduan ang pinuntirya ng mga halimaw, maliban kay Finn at sa pangkat ng Creation Palace, hindi rin sila mag-aaksaya ng panahon na kumilos. Makasarili rin sila at ang tanging mahalaga lang sa kanila ay ang pansarili nilang layunin.

Mag-aaksaya lang sila ng panahon sa bagay kung saan magbebenepisyo sila.

Sa kasalukuyan, matinding takot ang nararamdaman ng mga miyembro ng Ancient Phoenix Shrine, subalit hindi iyon para sa kanilang sarili. Mahigit dalawampung Demigod Rank ang pasugod ngayon kay Ashe... at dadalawang Demigod Rank lang ang nasa kanilang panig para tumulong. Masyado pang mabilis ang pangyayari at hindi nila lubos na maisip kung bakit bigla na lamang sumugod ang mga halimaw kay Ashe matapos nitong gamitin ang likas na kakayahan ng mga axvian.

Sa kabilang banda, noong sandaling kumilos ang mga halimaw para sumugod kay Ashe, kaagad na isinigaw ni Finn ang pangalan nito. Nakaramdam siya ng matinding pag-aalala at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na lumipad patungo sa kinaroroonan nito.

Nabigla sina Caesia at hindi nila inasahan ang biglang pag-alis ni Finn sa kanilang tabi. Nataranta silang lima. Gusto nila itong pigilan, subalit hindi bahagi ng kasunduan na sila ay lalaban. Ang kanilang bahagi lang sa kasunduan ay ang paghahanap ng paraan para mabuksan ang pasukan ng libingan. Poprotektahan sila ng iba kapag isinasagawa nila ang kanilang responsibilidad, pero kapag sumali sila sa labanan, hindi sila pakikialaman ng mga ito.

Isa pa, kapag sumugod sila, siguradong susunod sa kanila ang mga miyembro at palace knight ng Creation Palace. Ilalagay nila sa panganib ang buhay ng kanilang mga tauhan kaya sa pagkakataong ito, hindi na sila sumunod at nanatili na lang sila sa kanilang kinaroroonan.

Sa kabilang banda, hindi matiis ni Caesia si Finn. Agad siyang naglabas ng Conveying Sound Inscription na may marka ni Kali at nagpadala siya ng maikling mensahe rito na protektahan si Finn.

Ganoon man...

‘Hindi bahagi ng ating kasunduan ang pagprotekta sa iba maliban sa mga miyembro ng Creation Palace. Paumanhin, subalit kailangan ninyong maintindihan kung ano lang ang sakop ng aming serbisyo,’ agad na tugon ni Kali sa kaniya.

Naikuyom na lang ni Caesia ang kaniyang kamao. Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin at mariing binigkas ang pangalan ni Finn.

“Finn Silva!”

Sa pag-alis ni Finn sa tabi ng mga Creation King at Queen, kaagad niyang inilabas sina Reden, Heren, at Ysir. Hindi niya nilingon ang iba niyang mga kasama. Nanatiling kalmado ang kaniyang ekspresyon, subalit sa loob-loob niya, sobra siyang kinakabahan. Hindi niya rin alam kung bakit niya ginagawa ito, kung bakit kahit na magkaiba na sila ng layunin, gusto niya pa rin itong protektahan kahit maaaring malagay sa panganib ang kaniyang buhay.

‘Hindi ko na dapat ginagawa ito, pero... kaibigan pa rin ang turing ko sa iyo, Ashe. At hindi ko kayang manood na lang kapag nasa kapahamakan ang aking kaibigan—kagaya na lang ng nangyari sa Dark Crow,’ sa isip ni Finn. ‘Hangga't hindi mo ako kinakalaban, ikokonsidera pa rin kitang kaibigan!’

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon