Chapter CLIII

5.6K 912 71
                                    

Chapter CLIII: A Real Threat

Huminga si Elvira. Dahan-dahang umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito sa isang bahagyang ngiti. Masayang-masaya ang kaniyang puso dahil sa kasalukuyang nangyayari. Malinaw niya ring narinig ang usapan sa pagitan ni Finn at ng Genie, at kahit hindi pa siya sigurado kung talaga nga bang nawala na ang sumpa ng kalangitan sa mga isinumpang indibidwal at lahi sa Land of Origins, sa loob-loob niya ay nagdiriwang na siya dahil sa nakikita niya, totoo ang mga sinasabi ng Genie at nagawa na nitong alisin ang sumpa.

“Talagang napakadalisay ng kaniyang puso. Dalawang hiling ang mayroon siya, subalit pareho niya iyong ginamit para sa kapakanan ng iba. Kahit saan tingnan, hindi siya ang pinaka nagbenepisyo dahil wala man lamang siyang nakuhang kayamanan o pambihirang bagay mula sa pagtatagumpay niya sa huling hamon,” pabulong na sambit ni Elvira.

Bumuntong-hininga siya. Makikita sa kaniyang mga mata ang komplikasyon habang tinatanaw niya ang pigura ni Finn sa imahe. Nagpapasalamat siya sa kabutihan nito, subalit nakararamdam din siya ng panghihinayang dahil ang matinding pagsusumikap nito ay para bang hindi maayos na nagantimpalaan.

Hindi pa malinaw kung totoo nga ba na mabibiyayaan si Finn ng kapangyarihan na may basbas ng kalangitan, subalit sa takbo ng mga pangyayari, mukhang malabo na iyon dahil hanggang ngayon ay hindi binabanggit ng Genie ang tungkol sa bagay na iyon.

“Kung nabubuhay ka lang sana, siguradong matutuwa ka rin sa kaniya,” ani Elvira matapos ang halos isang minutong pananahimik. Inaalala niya ang kaniyang asawa--ang War God. Sumagi ito sa isip niya dahil gusto niyang ibahagi rito ang kaniyang nararamdamang saya. “Malakas siya at may paninindigan. Bukod pa roon, napakadalisay ng kaniyang puso at mahusay siya sa pamumuno. Kayong dalawa ay magkaiba, pero sigurado ako na magiging interesado ka sa kaniya dahil hindi mo akalaing may umiiral na kagaya niya.”

“Hindi lang siya mabuting adventurer, magiting pa siyang mandirigma na kahit sa harap ng kamatayan ay hindi umaatras.”

--

“Si Kuya Finn... ipinagmamalaki kong kapatid ko si Kuya Finn!” masayang sambit ni Meiyin habang humahangang tinatanaw ang pigura ni Finn. Halos magningning ang kaniyang mga mata dahil sa sobrang paghanga, at sobra-sobrang ipinagmamalaki niya ang nakatatanda niyang kapatid dahil sa mga hiniling nito sa Genie.

Sa kabilang banda, tahimik at nakasimangot lang si Eon. Nakakrus sa kaniyang dibdib ang kaniyang mga braso at halatang hindi siya pabor sa mga nangyayari.

“Naiintindihan ko pa ang unang hiling ni Master, pero ang sunod niyang hiling... dapat ay sinarili niya na lang iyon dahil dapat lang naman talaga na mapabuyaan ang mga paghihirap niya para mapagtagumpayan ang huling hamon. Hindi ito patas sa kaniya. Wala man lang siyang natanggap na kahit ano, at kahit ang sinasabi nilang kapangyarihan na may basbas ng kalangitan ay parang kalokohan lang din,” nakasimangot na komento ni Eon noong hindi na siya makapagtimpi.

“Kung maririnig ni Kuya Finn ang iyong sinasabi, siguradong makakatikim ka na naman ng mga pangaral sa kaniya,” pasimid na sabi ni Meiyin. Nginisian niya si Eon at nagmamalaking nagpatuloy sa pagsasalita. “Mas matagal mong nakasama si Kuya Finn kaysa sa akin kaya dapat mas naiintindihan mo kung gaano siya kabait. Alam mong hindi siya makasarili, at siyempre, inaasahan ko nang iba ang magiging hiling niya kaysa sa ikauunlad ng sarili niya.”

“Sang-ayon ako kay Meiyin,” pagsingit ni Poll. “Hindi mo ba napansin na lahat ng hiling ni Guro ay hindi naman talaga sobrang pabor sa kaniya? Kahit ang mga hindi tinupad ng Genie ay hindi direktang makapagpapaunlad sa kaniya. Ang una ay ang pagkalipol sa mga diyablo. Hiniling niya iyon para mawala na nang tuluyan ang banta ng mga diyablo. Ang ikalawa ay ang lakas na siguradong makakapuksa sa mga diyablo--pareho lang ng dahilan sa nauna niyang hiniling. At ang ikatlo at ikaapat niyang hiling... hangad niyang mabuhay ang mga namatay sa pakikipagsapalaran sa Land of Origins at sa huling hamon. Kailangan pa bang ipaliwanag kung bakit iyon ang hiniling niya?”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon