Chapter CLI: Selflessness (Part 2)
Malinaw na narinig ng lahat ang sinabi ng Genie; posible ang hiling ni Finn na mabuhay ang lahat ng mga namatay sa kasagsagan ng huling hamon--namatay man dahil sa Evil Jinn o dahil sa kagagawan ng ibang adventurer. Ikinagulat nila ito, pero sa kabilang banda, labis na ikinatuwa dahil nabigyan sila ng pag-asa. Kapag naisakatuparan ang hiling ni Finn sa Genie, muling mabubuhay ang mga nasawi nilang kasamahan ganoon din ang malalapit sa kanilang buhay.
Ito ang nagbigay ng pag-asa kina Tiffanya at Ashe. Pareho silang nawalan ng mga magulang dahil sa huling hamon. Nasawi sina Noah, Vella, at Cleo, pero kung totoong tutuparin ng Genie ang hinihiling ni Finn, maibabalik ang buhay ng mga ito.
Sa totoo lang ay nagdududa ang karamihan sa Genie dahil para bang masyado itong mapaglaro. Tila ba hindi ito seryoso sa mga sinasabi nito kaya nangangamba sila na baka binibigyan lang sila nito ng maling pag-asa.
Sa kabila nito, may kaunti pa rin sa loob nila ang umaasa na seryoso ang nilalang na ito dahil ang pagkabuhay ng kanilang mga mahal sa buhay, kasamahan, at tauhan ang pinakaaasam-asam nilang mangyari sa ngayon kaya ang bawat isa sa kanila ay tutok na tutok sa nagaganap na usapan sa pagitan ni Finn at ng Genie.
--
“A-Ang sinabi mo ba ay... totoo?” tanong ni Finn habang mababakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kaniyang mukha.
Humalakhak ang Genie at nagtaas-baba ang kaniyang kilay. Binigyan niya ng malapad na ngiti si Finn at masiglang sinabing, “Siyempre naman! Bakit ako magsisinungaling? Walang dahilan para lokohin kita dahil mayroon talaga akong kakayahan na tuparin ang iyong hiling. Makapangyarihan ako at kaya kong tuparin kahit na ano pa ang hilingin mo--maliban na lang sa mga nauna mong hiniling na sobrang komplikado.”
Napahawak ang Genie sa kaniyang baba. Tila ba nag-iisip siya at matapos ang ilang sandali, nagpatuloy siya sa pagsasalita. “At ganoon din pala sa iba pang komplikadong hiling,” aniya pa.
Hindi pinansin ni Finn ang pagiging maloko ng Genie. Masyadong mahalaga sa kaniya ang tungkol sa kasalukuyang paksa--sobrang mahalaga. Wala siyang panahon para makipagbiruan dito kaya binigyan niya ito ng nagdududang tingin at naniningkit na mga mata siyang nagtanong.
“Ang pagbuhay sa mga namayapa na ay nilalabag ang batas ng buhay at kamatayan, hindi ba? Isa kang nilalang na likha ng kalangitan kaya bakit mo tutuparin ang hiling na salungat sa iyong manlilikha?” tanong niya.
“Ang lahat ng nangyari sa kasagsagan ng huling hamon ay malaking eksepsyon. Hindi ko napagbigyan ang hiling mo kanina na buhayin ang lahat ng namatay sa Land of Origins dahil lalabagin na noon ang batas ng buhay at kamatayan. Isa pa, hindi papayag ang Death Goddess na ibalik sa mundo ng mga buhay ang mga kaluluwang pag-aari niya na. Ganoon man, para sa mga namatay habang nagaganap ang huling hamon, nananatili pa rin ang kanilang mga kaluluwa sa lugar na ito dahil hindi pa naman ganoon katagal noong nasawi sila. Isa pa, ako ang pumaslang sa karamihan sa kanila kaya balewala lang sa kapangyarihan ko na ibalik ang buhay nila,” paliwanag ng Genie habang kinakalikot niya ang kaniyang tenga. Inamoy niya ang kaniyang daliri at pagkatapos mandiri, ipinahid niya ito sa kaniyang katawan. Muli niyang nginitian ng malapad si Finn at nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Kumpirmahin mo lang ang iyong hiling, Finn Silva, at tutuparin ko iyon ngayon din mismo,” aniya.
“Kung gano'n, tuparin mo ang hiling ko! Iyon ang gusto kong maging unang kahilingan; ang mabuhay ang lahat ng nasawi sa kasagsagan ng huling hamon!” seryosong sabi ni Finn.
Muling humalakhak ang Genie. Mas lalo pang lumapad ang kaniyang ngiti at ibinuka niya ang kaniyang mga braso.
“Kung iyan ang hiling mo, Finn Silva! Tutuparin ko ang iyong hiling at upang mas pumabor sa iyo ang iyong kahilingan, hindi ko na isasama sa aking mga bubuhayin ang pangkat ng mga tagalabas na pinaslang ng iyong mga tauhan,” sambit ng Genie at umalingawngaw sa paligid ang kaniyang tinig.
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasiaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...