Chapter CXXIII: Full Admiration
Dahil sa paggamit ni Finn sa kaniyang pinag-isang kapangyarihan ng elemento ng tubig at hangin, nakakuha siya ng kalamangan laban kay Kaimbe. Bumilis ang kaniyang mga atake, at nadagdagan ang lakas ng kaniyang puwersa, ganoon man, hindi ganoon kalaking kalamangan ang mayroon siya dahil noong mga sandaling ginamit niya ang pinag-isa niyang kapangyarihan, bigla na lang din bumuhos ang lakas at bilis nito kaya kahit papaano ay nakasasabay pa rin ito sa kaniya.
Tumindi pa lalo ang tunggalian ng dalawa. Hindi lang mga pangunahing elemento ang kanilang ginagamit sa pagpapakawala ng mga atake dahil gumagamit din sila ng kapangyarihan ng espasyo para mapigilan ang mabilis na pagkilos ng isa't isa. Ginagamit nila ito para dumepensa at umatake, lalo na si Kaimbe na pinipigilan si Finn na makagamit ng “Water Body”.
Dahil na rin sa pagtindi ng antas ng kanilang laban, pareho na silang nagtatamo ng pinsala. Mas maraming pinsala ang tinamo ni Kaimbe, pero hindi sobrang lala ng mga ito kaya nakakayanan niya pa ring kumilos na para bang nasa maayos siyang kondisyon. Hindi siya pinanghihinaan ng loob kahit na nakikita niyang lamang si Finn sa kaniya, bagkus, patuloy pa rin siyang lumalaban at gumagawa siya ng paraan upang ito ay masabayan. Pinananatili niyang malinaw ang kaniyang kaisipan. Hindi niya sinisira ang kaniyang konsentrasyon at hindi niya hinahayaan na pangunahan siya ng kaniyang emosyon.
Talentado siya't may malaking potensyal, at kahit na mapagmalaki siya, marunong pa rin siyang mag-isip lalo na kapag nasa kalagitnaan siya ng isang matinding laban. Ito ang dahilan kaya napakahalaga niya sa Water Celestial Tribe, at kahit na hindi pa siya ang kasalukuyang pinakamalakas na water celestial sa kanilang pangkat, ikinokonsidera na siya bilang susunod na pinuno ng mga ito.
Mismong si Eaton ang gumawa noon ng kautusan na sa oras na maabot ni Kaimbe ang Demigod Rank, bababa siya sa puwesto at hahayaan niyang palitan siya nito. Ganoon man, sa pagsumpa nila ng katapatan kay Finn at pagsali nila sa New Order, ang kautusan na iyon ay napawalang-bisa na.
Hindi rin isang bise kapitan si Kaimbe, pero ang kaniyang posisyon sa ikalabinlimang dibisyon ay nananatiling espesyal. Tinitingala pa rin siya ng mga pangkaraniwang miyembro dahil sa kaniyang taglay na talento.
Samantala, nang mapagtanto ni Kaimbe na habang tumatagal ay mas lalo siyang nadedehado, kaagad siyang huminto sa pakikipagsabayan kay Finn. Itinigil niya ang kaniyang mga pag-atake noong makahanap siya ng pagkakataon. Umatras siya upang makalayo, at hindi siya nito sinundan kaya malaya siyang nakabuo ng distansya sa pagitan nila.
Nang makadistansya siya, huminga siya ng malalim at ibinalik niya sa orihinal ang kaniyang anyo. Pinaglaho niya na rin ang enerhiyang bumabalot sa kaniya at pinakalma niya muna ang kaniyang sarili.
Nanatiling seryoso ang kaniyang ekspresyon habang tinitingnan niya si Finn na ilang metro ang layo sa kaniya. Nakita niyang nagbagong anyo ito, bumalik ito sa orihinal nitong anyo kaya agad niyang naunawaan kung ano ang iniisip nito.
“Akala ko ay wala ka nang balak na ipakita sa akin ang iyong mga natutunang water celestial skill. Nasisiyahan ako sa ating tunggalian, pero ang mas gusto kong masaksihan ay kung gaano na kalaki ang iyong iniunlad sa paggamit ng Heavenly Celestial Spear at Heavenly Celestial Fist,” malumanay na sambit ni Finn.
“Karangalan na maibigay ko ang kasiyahang hinahangad mo sa ating laban. At paumanhin kung natagalan bago ako magdesisyon na gamitin ang aking celestial power. Gusto ko lang subukan ang aking elemento ng tubig sa iyo, at sa nangyaring tunggalian kanina, malinaw na sa akin na malabo akong manalo,” ani Kaimbe. Inunat niya ang kaniyang braso na may hawak sa salapang at dahan-dahan, ang kaniyang katawan ay nabalutan ng celestial power. Umismid siya at marahang sinabing, “Parang kailan lang noong mas mataas pa ang antas at ranggo ko sa iyo, at ngayong magkapantay na tayo ng antas at ranggo, doon ko napagtanto na ang aking talento at husay ay namumutla kumpara sa talento at husay na taglay mo.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasiaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...