Chapter CIX

5.3K 819 21
                                    

Chapter CIX: To be the Strongest

Bumagsak ang sugatang katawan ni Finn sa lupa matapos ang mahaba niyang pakikipagbakbakan kina Reden, Heren, Ysir, at Sullivan. Naabot niya na ang kaniyang limitasyon. Kitang-kita ang pagod sa kaniyang mukha at para bang gusto nang pumikit ng kaniyang mga mata. Halos hindi na rin maramdaman ang kaniyang aura dahil kaunti na lang ay masasaid na ang kaniyang enerhiya.

Hindi niya na kayang magpatuloy pa sa laban, at ang pagbagsak ng kaniyang katawan ay ang hudyat na ng kaniyang pagkatalo laban sa kaniyang apat na soul puppet.

Sa kasalukuyan, sabay-sabay na pasugod sa kaniyang kinaroroonan sina Reden, Heren, Ysir, at Sullivan. Wawakasan na siya ng mga soul puppet niya, ganoon man, bago pa tuluyang makaabot sa kaniya ang talim ng sandata ng mga ito ay agad niya silang inutusan na huminto dahil malinaw na ang kanilang laban ay tapos na.

Sabay-sabay na huminto ang mga soul puppet. Ramdam niya ang puwersa ng kanilang mga atake. Para bang may malakas na hangin na humampas sa kaniyang likod, at dahil marami na siyang tinamong pinsala, ininda niya ang puwersa ng atake ng mga ito at nagngitngit na lang ang kaniyang mga ngipin.

Ganoon man, nakahinga pa rin siya ng maluwag dahil nagawa niyang makaligtas mula sa kamatayan.

Ayaw niyang maranasan muli ang kamatayan. Hindi iyon maganda sa pakiramdam kaya ang agad niyang naisip noong bumigay ang kaniyang katawan ay ang agad na pakikipagkomunikasyon sa kaniyang mga soul puppet gamit ang kaniyang isip. Kinailangan niyang utusan ang mga ito na tumigil dahil kung hindi, magtutuloy-tuloy pa rin ang mga ito sa pag-atake sa kaniya hanggang sa hindi siya namamatay o hangga't hindi sila nauubusan ng enerhiya.

Nang makabawi siya nang bahagya, inutusan niya sina Reden na umatras para makaayos siya ng pagkakahiga sa lupa. Ipinikit niya muna ang kaniyang mga mata upang makapagpahinga siya't makabawi ng enerhiya. Hindi pa siya gaanong nakakagalaw, at dahil kakarampot na enerhiya na lang ang natitira sa kaniya, hindi siya makapaglabas ng recovery pill para mas mapabilis ang kaniyang paggaling.

Ganoon man, hindi niya gaanong pinoproblema ang bagay na ito dahil alam niyang ilang sandali lang ay unti-unti na ring babalik ang kaniyang nakonsumong enerhiya. Nasa loob siya ng Tower of Ascension, at ang tore ay nasa loob ng Myriad World Mirror kaya kahit na hindi siya gumamit ng recovery pill, hindi magtatagal ay makakabawi rin siya ng lakas at enerhiya. Nais niya lang kumain ng recovery pill para mapabilis pa ang kaniyang paggaling, at para maipagpatuloy niya na ang kaniyang pagsasanay kasama ang kaniyang mga soul puppet.

Sa nangyaring sagupaan, maraming natutunan si Finn kahit na ang resulta ay hindi pabor sa kaniya. Natalo siya sa kaniyang mga soul puppet, pero mas nahasa pa ang paggamit niya sa Art of Lightning God at Fire Sovereign Art. Nagkaroon siya ng maayos na pagkakaunawa sa mga foundation art na ito, at alam niya na ngayon kung hanggang saan ang kaya ng mga skill na nakapaloob sa mga ito.

Malinaw sa kaniya kung ano ang mga pagkakamali niya. Masyado siyang nagsayang ng enerhiya. Hindi siya nagtipid sa paggamit ng mga skill kahit na alam niyang mga soul puppet lang ang kalaban niya. Walang pakundangan siyang nagpaulan ng kidlat kina Reden habang aktibo ang “Lightning Domain”, at sinalo niya ang mga atake ng kaniyang mga soul puppet para magamit niya ang “Overpower” ng Fire Sovereign Art. Pero, bahagi pa rin iyon ng kaniyang pagsasanay dahil sinadya niya ang mga iyon para masubukan ang kakayahan ng Art of Lightning God at Fire Sovereign Art.

Sa unang subok, hindi niya prayoridad na magwagi laban kina Reden. Ang prayoridad niya ay masukat kung gaano kalakas ang Art of Lightning God at Fire Sovereign Art, at kung ano ang kayang gawin ng mga skill nito sa laban.

At napabilib siya ng sobra dahil kagaya ng Water Sage Art at Supreme Tempest Art, ang dalawa niyang bagong foundation art ay talagang kamangha-mangha rin. Kaunting pagpapakadalubhasa pa ay magiging mahusay na siya sa paggamit sa mga ito, at kapag mas lalo pa siyang nahasa, siguradong walang sinuman na kasing antas niya ang makapapantay o makahihigit sa kaniya--maliban na lang kung nagtataglay rin sila ng maraming kapangyarihan o mayroon silang pag-aaring pambihirang kayamanan.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon