Chapter CLVI: The Truth and the Promise
“Ang Celestial Sea Empress, na inyong pinaglilingkurang emperatris, na siya ring kinikilala ninyong Water Celestial Queen ay ang aking ina.”
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Finn at kaagad niya nang binunyag kina Mira at Maya ang katotohanan. Wala na siyang nakikitang dahilan para ikubli pa ang tungkol dito sa kambal na heneral ng kaniyang ina dahil nakita na rin ng mga ito ang kaniyang Celestial Wrath.
Alam na nila na siya ay Water Celestial King, hindi isang pangkaraniwang water celestial lamang.
Ayaw niya ring maguluhan ang dalawa kaya nagdesisyon siyang ilantad na ang totoo niyang pagkatao dahil kailangan niya rin ang tulong ng mga ito para sa mga susunod niyang plano.
At siyempre, inaasahan niya na ang magiging reaksyon ng dalawa matapos niyang ibunyag ang katotohanan.
“A-Anak ka ng aming reyna?! Imposible! Iyan ang pinaka imposibleng bagay na narinig ko sa tanang buhay ko!” bulalas ni Mira habang mahahalata ang galit sa kaniyang ekspresyon. “Hindi mo ba alam na ang isang Water Celestial Queen ay hindi kailanman maaaring magkaroon ng supling?!”
Sa harap ng galit ni Mira, nanatili lang na kalmado si Finn. Sinulyapan niya ang mga nasa likuran niya at kaagad na pinaalalahanan ang mga ito.
“Huwag kayong makikialam dito. Ako na ang bahala sa lahat,” paalala niya kina Eon dahil nangangamba siyang baka bigla na lamang magkagulo kapag nagwala sina Mira at Maya dahil sa hindi pagkakaintindihan.
“Masusunod, Panginoon. Subalit, hindi mo maaalis sa amin na mag-alala kaya kapag nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari, narito lang kami para protektahan ka,” hayag ni Eaton habang seryoso siyang nakatingin kina Mira at Maya.
‘Ang dalawang ito ay nagtataglay ng aura na iba sa pangkaraniwang Demigod Rank... Marahil iyan ang epekto ng kanilang pagiging heneral ng ina ni Panginoon.’
Ito ang kasalukuyang tumatakbo sa isip niya at ng ibang water celestial na naroroon. Malinaw nilang nararamdaman na parehong nasa Demigod Rank sina Maya at Mira, pero kakaiba ang tindi ng kanilang aura at para bang nasa rurok na ang mga ito ng Chaos Demigod Rank.
Dahil dito, nahihinuha nina Eaton at Orwell na kung lalabanan man nila ang dalawa, malaki ang posibilidad na sila ay matalo.
“Basta hangga't wala ang aking permiso, walang sinoman sa inyo ang maaaring magsalita o gumawa ng hakbang,” kalmado pa ring paalala ni Finn. “Gusto kong gawing mapayapa ang usapang ito dahil ang nakasalalay rito ay ang buhay ng aking ina gano'n din ang ating pagpunta sa divine realm.”
“Tama na ang mga walang kuwentang pagdidiskusyon! Ipaliwanag mong mabuti ang sinasabi mo, Finn Silva! Paanong nangyari na ikaw ay anak ng aming reyna gayong hindi siya maaaring magkaroon ng supling?! Bilang celestial, dapat ay alam mo rin iyon dahil kahit ang ibang lahi ay alam na alam ang impormasyon na iyon!” Hindi pa rin naniniwalang sambit ni Mira.
Tungkol kay Maya, gulat na gulat din siya at hindi lubusang naniniwala, ganoon man, nananatili lang siyang tahimik habang seryoso niyang pinakikiramdaman ang paligid. Pinag-aralan niya ang ekspresyon ni Finn at ng matataas na miyembro ng New Order. Wala siyang napansing kahina-hinala sa mga ito kaya naramdaman niya na lang na mas lalo pang naging komplikado ang mga kaganapan.
Sa kabilang banda, pinanatili pa rin ni Finn ang kaniyang pagiging kalmado. Hindi niya pinansin ang pagsigaw at panggigigil sa kaniya ni Mira. Inunawa niya na lang ito dahil malinaw sa kaniya na talagang mahirap paniwalaan kaagad ang kanilang komplikadong sitwasyon. Hindi na rin niya hinintay na huminahon ito. Marahan niyang ibinuka ang kaniyang bibig at sinabing, “Hindi ko alam noong una ang sitwasyon ng aking ina dahil wala naman akong kaalam-alam tungkol sa aking pagkatao noong mamulat ako sa mga bagay-bagay. Hindi pa rin gano'n katagal noong malaman ko na ang mga Celestial King at Celestial Queen ay hindi maaaring magkaroon ng anak... gano'n man, isa akong iregularidad at kahit ako ay hindi rin maintindihan nang lubusan ang rason kung bakit ako umiiral.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasiSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...