Chapter LXIII: Parting Gift
Kahit na hindi malinaw ang ibang detalye, kontento pa rin si Finn sa kaniyang mga nalaman. Nagkaroon na ng kalinawan ang ilan sa kaniyang mga tanong. Alam niya na ngayon ang pinag-ugatan ng madugong digmaan sa pagitan ng mga diyos. Malinaw na sa kaniya na ang puno't dulo ng digmaan ay ang Shadow God, at nakumpirma niya rin kay Varus na hindi totoong wala nang diyos na umiiral sa kasalukuyan.
Nariyan pa ang Death Goddess, pero kasalukuyan nitong pinamamahalaan ang mundo ng mga patay kaya wala ito sa Land of Origins at hindi ito nakikialam sa mundo ng mga buhay.
Tungkol sa nilalang na dahilan ng pagkaubos ng mga diyos, nananatili pa rin itong misteryo sa kaniya. Wala pang makapagsabi sa kaniya kung sino at ano talaga ito dahil maging si Varus ay ayaw pag-usapan ang tungkol sa nilalang na ito.
Matapos ang matagal na katahimikan, muling naging taimtim ang ekspresyon ni Finn. Tiningnan niya ang mga batang axvian. Bigo silang mapalaya ang mga ito mula sa sumpa, at ngayon, wala na siyang maisip na iba pang paraan para tulungan ang mga ito dahil lahat ng paraan na alam niya ay ginawa na nila, subalit walang kahit isang nagtagumpay.
“Sa tingin ko ay oras na para umalis kami,” saad ni Finn. “Hindi kami maaaring magtagal nang sobra sa inyong tribo dahil may mga naghihintay sa amin. Kailangan pa rin naming maglakbay at makipagsapalaran. Marami pa kaming hangarin na kailangang mapagtagumpayan kaya hindi kami maaaring pumirmi sa isang lugar lamang.”
“Lilisanin n'yo na rin ang lugar na ito at babalik na kayo sa God Realm, tama ba?” Tanong ni Varus.
Bahagyang tumango si Finn at sinabing, “Iyon ang balak ko. Nagawa na namin ang hangarin namin dito. Nasagot na ang totoong pagkatao ni Kapitan Kiden at nagkamit na kami ng ilang kapaki-pakinabang na kayamanan. Wala nang dahilan para manatili pa kami rito at upang hindi kami makagambala, lilisanin na namin ang lugar na ito at ipagpapatuloy na namin ang aming paglalakbay sa Land of Origins.”
“Kung gayon, hinihiling ko ang inyong kaligtasan at pagtatagumpay,” ani Varus. Binalingan niya ng tingin si Eulises. Bahagya siyang tumango at malumanay na nagwila. “Kahit na ayaw mo silang bahagihan ng inyong mga kayamanan, hindi naman siguro masama kung ibibigay mo kay Finn Silva ang inyong palatandaan ng pakikipagkaibigan. Sapat na siguro ang mga ipinakita niyang kabutihan sa inyo para kaibiganin ninyo siya.”
Natigilan si Finn dahil sa naging pahayag ni Varus habang si Eulises ay bahagyang namula at nakaramdam ng matinding hiya. Pinaplano niya na talagang ibigay ang palatandaan ng pakikipagkaibigan ng mga axvian kay Finn, subalit masyado siyang mapagmalaki at hindi niya alam kung paano niya bubuksan ang paksang ito rito. Wala siyang maisip na dahilan na hindi siya magmumukhang malambot, pero ngayon, mayroon na siyang oportunidad dahil biglang inungkat ni Varus ang tungkol dito.
Kahiya-hiya, pero mas tanggap niya ito kaysa kusang-loob niyang ibigay kay Finn ang kanilang palatandaan. Ganoon man, mayroon pa siyang isa pang naisip na paraan bilang panakip-butas, at magbebenepisyo pa silang mga axvian dito.
“Hindi namin alam kung kailan pa kami makakalaya mula sa lugar na ito o kung makakalaya pa ba kami rito. Nabigyan mo na kami ng maraming bariles ng iba't ibang klase ng alak, pero hindi iyon tatagal nang mahabang panahon kaya naman naisip kong kapalit ng aming palatandaan ng pakikipagkaibigan, ibigay mo na sa amin ang lahat ng alak na mayroon ka,” seryosong sambit ni Eulises. “Mayroon ka pang pagkakataon na makapaggawa ng alak dahil malaya kang makapaglalakbay para makapangalap ng mga sangkap sa paggawa ng mga alak. Tungkol sa amin, walang angkop na sangkap sa lugar na ito para makagawa ng kahit isang uri ng alak na masarap.”
Tinitigan ni Finn si Eulises. Nakangiti siya, pero sa loob-loob niya, hinahamak niya ang pagiging tuso nito sa kayamanan. Mas makunat pa ito kaysa sa mga minokawa dahil kahit isang kayamanan ay wala pa siyang natatanggap mula sa mga ito.
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasíaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...