Chapter XLVI

5K 932 83
                                    

Chapter XLVI: Good Natured

Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Finn dahil sa biglang pagluhod ni Kaia sa kaniyang tabi, ganoon man, kaagad siyang bumawi at yumukod para pumantay rito. Naging komplikado ang kaniyang ekspresyon. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi niya alam kung angkop bang hawakan niya ito, pero naglakas-loob na siya at hinawakan niya ang braso nito para subukang alalayan patayo.

Subalit, hindi nagpatinag si Kaia. Hindi siya tumayo. Nilabanan niya ang pag-alalay sa kaniya ni Finn at mas pinili niyang manatili sa pagluhod. Ni hindi niya inaangat ang kaniyang ulo. Nakadikit pa rin ang noo niya sa sahig habang kinukumbinsi siya ni Finn na tumayo.

“Papatayin mo ako sa ginagawa mo, Lady Kaia... Pakiusap, tumayo ka na riyan,” nag-aalalang sabi ni Finn.

Nangangamba siya sa magiging reaksyon ng mga elder at supreme elder. Medyo pamilyar na siya sa pag-uugaling mayroon ang mga minokawa. Mapagmalaki rin ang mga ito katulad ng mga dragon, at sigurado siya na ang pagluhod o pagmamakaawa ay ang huling pagpipilian na kanilang gagawin para matupad ang kanilang hangarin.

Naiipit siya sa sitwasyon. Wala rin siyang magawa dahil hindi niya kayang pagbigyan ang hiling ng mga supreme elder. Hindi niya maaaring ipaalam sa mga ito ang lokasyon ng mga ankur dahil kapag ginawa niya iyon, sisirain niya ang kaniyang pangako.

Hindi sa hindi niya gustong tumulong, hindi lang talaga sakop ng kaniyang kakayahan at impluwensya ang gustong mangyari ng mga naroroon sa silid.

Bahagyang itinaas ni Kaia ang kaniyang ulo. Nangingilid ang kaniyang luha at makailang saglit pa, hindi niya na napigilan ang pagpatak ng kaniyang luha.

“N-Nagmamakaawa ako, Finn Silva! Tulungan mo kami! Gusto ko pang mabuhay nang matagal! Gusto ko nang makalaya sa sumpa at gusto kong makapamuhay ng normal ang aking mga ka-tribo! Kailangan mo kaming tulungan... Finn Silva...” pagmamakaawa ni Kaia.

“Kaia!”

Hindi na napigilan nina Horus at Vireo ang kanilang sarili. Kaagad silang tumakbo papalapit kay Kaia at sapilitan nila itong itinayo. Mababakas ang galit sa kanilang mukha, pero sa likod ng galit na ito ay ang matinding awa kay Kaia.

Dahan-dahang tumayo si Finn. Hindi pa rin humihinto si Kaia sa pagmamakaawa kahit na pinipigilan na siya nina Horus at Vireo. Hindi maalis ni Finn ang kaniyang tingin dito. Bigla na lang sumikip ang kaniyang dibdib habang pinagmamasdan niya ang paghagulhol at pagmamakaawa nito dahil habang nakikita niya ang hitsura nito, naaalala niya ang dating siya--ang dating siya na nakikibaka para sa kaligtasan ng kaniyang kinikilalang pamilya at angkan.

Ito ang kaniyang kahinaan. Hindi niya mapigilang maawa sa mga kagaya ni Kaia na ang tanging hiling lang ay ang kaligtasan at ikabubuti ng kaniyang pamilya. Ramdam niya kung gaano kahirap ang sitwasyon ng mga minokawa. Minsan na rin siyang napunta sa sitwasyon kung saan walang makatulong sa kaniya at ang kailangan niya lang asahan ay ang kaniyang sarili. Gusto niyang tumulong. Pero, kahit na gusto niyang tumulong, hindi niya alam kung sa paanong paraan.

‘Kung may paraan lang sana para kahit papaano ay makatulong ako sa kanila...’ Sa isip ni Finn.

Nawawalan na rin siya ng pag-asa, pero may biglang sumagi sa kaniyang isip. Mayroon siyang naalala na maaaring makatulong kahit papaano sa mga minokawa. Mayroon siyang isang paraan kaya nagliwanag ang kaniyang ekspresyon, subalit sandali lang iyon dahil naisip niya rin ang komplikasyon nito. Nakaramdam siya ng pag-aalinlangan, ganoon man, matapos muling pagmasdan si Kaia, napahinga na lang siya ng malalim.

“Hindi ko kayo matutulungan sa mga ankur dahil nangako ako sa kanila. Hindi ko kayang baliin ang ipangako dahil labag iyon sa aking prinsipyo. Pero...” huminto si Finn sa pagsasalita. Bahagya siyang ngumiti at marahang magpatuloy, “..sa tingin ko ay matutulungan ko kayo sa isang bagay.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon