Chapter CLXI

5.4K 936 106
                                    

Chapter CLXI: The Troublemakers

Dahil wala pang mga bagong dumarating, inaasikaso muna ni Finn ang mga panauhin na nakapuwesto sa iba't ibang lamesa. Kinumusta niya ang mga ito at siniguro niya na ang bawat isa sa kanila ay komportable sa nagaganap na piging. Hindi lang ang mahahalagang panauhin kagaya ng Creation Palace ang kaniyang inasikaso dahil maging ang mga mamamayan ng Land of Origins na ngangayon niya lamang nakita ay hinarap niya para makipagkuwentuhan.

Lahat ay maayos ang takbo sa piging. Bawat isa roon ay nagkakasiyahan, at halata sa ekspresyon ng bawat isang naroroon na nasasarapan sila sa mga pagkain at alak na nakahanda.

Mayroon pang iba na nakikiusap na gusto nilang mag-uwi ng mga alak, at dahil likas na mapagbigay si Finn, at dahil na rin ang mga alak na hinihingi nila ay hindi nakukulangan ang New Order, pinagbigyan niya ang hiling ng mga ito at inatasan niya si Brotey na ipaghanda ang mga panauhin ng ilang bariles ng alak para kanilang maiuwi sa kani-kanilang teritoryo.

--

“Kulang na kulang sa preparasyon ang piging dahil hindi namin inaakala na marami ang magtutungo rito sa santuwaryo,” nasabi na lang ni Finn habang pinanonood niya ang nangyayaring kasiyahan. “Sa totoo lang ay kayo lang ng Warwolf Clan ang inaasahan kong magtutungo rito, pero ipinamalita pala ninyo na magsasagawa kami ng selebrasyon bago kami umalis kaya maraming mamamayan ng mundong ito ang dumalo. Gano'n man, masaya ako dahil kahit na hindi ganoon ka-engrande, napakarami pa rin ninyong dumalo at nakikita ko namang lahat kayo ay nasisiyahan sa aming mga inihandang pagkain at alak,” aniya pa.

“Paumanhin kung pinangunahan ka namin. Naisip lang namin na ipaalam din sa ibang mamamayan ng Land of Origins ang inyong pansamantalang pananatili rito para magsagawa ng munting pagdiriwang. Isa rin itong magandang pagkakataon para sa inyo na maakit ang iba na sumumpa sa iyo ng katapatan--at naging matagumpay naman iyon dahil bukod sa mga warwolf, lumapit din kaagad sa iyo ang mga sherath,” lahad ni Caesia.

Tumamis ang ngiti ni Finn at bahagya siyang tumango. “Hindi naman ako galit sa ginawa ninyo dahil sa totoo niyan, natutuwa ako sa maganda ninyong intensyon. Gano'n man, ayos lang din kahit hindi piliin ng iba na maglingkod sa akin. Sa totoo lang ay sobra-sobra na ang mga warwolf at sherath dahil malaking tulong sila sa paglakas ng New Order. Karagdagan na lang kung may iba pa, pero wala akong planong mamilit dahil naiintindihan ko rin naman na katulad ninyo, mas gusto nilang manatili rito at umiwas sa mas magulong mundo.”

“Hindi ninyo problema ang mga diyablo dahil hihiwalay na muli ang inyong mundo sa aming mundo. At marami ang may ayaw ipagpalit ang kanilang kalayaan at kapayapaan kaya sa halip na maglingkod sila sa akin para samahan ako sa aking mga hangarin, mas pinili na lang nilang makipagkaibigan,” aniya pa.

Ngumiti sina Caesia, Lelin, Adlaros, at Nesialora dahil sang-ayon sila sa mga naging pahayag niya. Tungkol kay Iseranni, seryoso ang ekspresyon nito at taimtim na mga mata itong nakatingin sa kaniya.

“Mas mabuti sana kung pipiliin mo na lang na manatili sa mundong ito kasama ang New Order. Hindi mo na kakailanganin pang problemahin ang mga diyablo, at sa Land of Origins, halos lahat ay ikaw ang inirerespeto dahil sa pagtatagumpay mo na matalo ang Evil Jinn,” seryosong sambit ni Iseranni. “Magiging payapa ang buhay mo rito. Malaya kang magagawa ang gusto mo, at marami ang susuporta sa iyo. Kung mananatili ka rito, darating ang panahon na ikaw at ang New Order ang magiging pinakamaimpluwensiya at pinakamalakas na puwersa sa Land of Origins,” dagdag niya pa.

Ngumiti si Finn kay Iseranni. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at marahan niya itong tinugunan. “Ayokong takasan ang inako kong responsibilidad. Isa pa, marami sa mga miyembro ng New Order ang piniling sumama sa akin dahil sa aking layunin na panatilihin ang pagkabalanse ng mundo ng mga adventurer. Marami ang naniniwala sa aking kakayahan at magandang hangarin para sa sanlibutan kaya hindi ko sisirain ang tiwala nila sa akin.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon