Chapter XXXIX: Finally Found Something Interesting
Matapos ang pagpupulong, maraming bagay na napagtanto si Finn. Ang una ay ang kanilang pagiging masuwerte sa mundong ito dahil sa tuwing may malaking oportunidad, nakukuha iyon ng kanilang puwersa. Nakuha na nila ang mga kayamanan ng Beast God at Dragon God. Taglay niya na rin ang isa sa mga retaso ng kapangyarihan ng Elemental God habang ang isa ay naghihintay na lang na i-absorb niya. Higit pa roon, kinikilala na siya ng Hammer of God na isang divine artifact bilang karapat-dapat na amo habang nasa kamay na ni Eon ang Empyrean Bracer na divine artifact ng Dragon God.
Sa kabuoan, taglay ng New Order ang pitong divine artifact at kahit pagsama-samahin pa ang limang divine artifact sa divine realm, mas marami pa rin ang pag-aari ng New Order. Sa makatuwid, mas marami pa ang pag-aaring divine artifact ni Finn kaysa sa kabuoang bilang ng divine artifact na mayroon sa divine realm.
Isa ito sa kaniyang mga taglay na iregularidad. Masyado siyang maraming pag-aaring divine artifact dahil sa nangyaring kababalaghan noon sa Sacred Dragon Institute. Napunta sa kaniya ang system ng larong Rise of Gods at kasa-kasama ng system ang kaluluwa ni Kurt ganoon din ang mga divine artifact na Myriad World Mirror, Air Ship, Heavenly Divine Cauldron, God-eater, at Tower of Ascension. Maliban sa mga bagay na ito, naglalaman pa ang Myriad World Mirror ng mga kayamanan na napakinabangan niya at ng New Order sa pagpapalakas at pagpapataas ng antas at ranggo. Animo'y pandaraya ang naging dahilan ng paglakas niya, subalit para sa kaniya, bahagi ito ng kaniyang tadhana.
Pinili siya ng Myriad World Mirror at ng iba pang divine artifact kahit wala siyang ginagawa. Nakuha niya ang mga ito dahil siya ang nakatadhana rito, iyon ang malinaw sa kaniya sa ngayon. Ganoon man, hindi niya pa rin mapigilang isipin na may posibilidad na kagagawan ng isang indibidwal ang lahat ng mga nangyari.
At ang indibidwal na iyon? Walang iba kung hindi ang totoo niyang ama--ang lalaking nakasuot ng puting maskara.
Sa lahat ng nakilala niya, ang kaniyang ama ang pinakamisteryoso para sa kaniya. Kahit pangalan nito ay hindi niya alam. Hindi niya rin sigurado kung ano ang totoo nitong hitsura dahil hindi siya kaagad na naniniwala sa paglalarawan nina Auberon at Migassa na ang kaniyang ama ay may pangkaraniwan lamang na hitsura.
Higit sa lahat, ang pinaka nahihiwagaan siya ay ang taglay nitong kapangyarihan. Kinausap sila nito gamit ang kaniyang isip, at kahit ang mga nasa ibang dimensyon ay naaabot ng tinig nito. Hindi iyon kayang gawin ng kahit sinong pangkaraniwang nilalang--maliban na lang kung mayroon siyang pag-aaring pambihirang kayamanan na kayang kumonekta sa isip ng iba't ibang nilalang. Isa pa, para i-anunsyo ang tungkol sa paglitaw ng Land of Origins, siguradong malawak ang saklaw ng kaniyang kalangyarihan. Naniniwala rin si Finn na ang kaniyang totoong ama ay higit na mas makapangyarihan kaysa sa isang emperador, at hindi na siya magtataka kung matutuklasan niyang isa palang diyos ang kaniyang ama.
--
“Master, ano kaya kung gantihan na natin ang mga forsaken? Turuan natin sila ng leksyon na hindi nila makalilimutan. Kompleto na tayo at sa tulong ng mga Four Guardians Killing Formation, nararamdaman kong makakaya natin silang ilampaso,” sambit ni Eon habang hinihimas-himas niya ang kaniyang kamao.
Kasalukuyang nakaupo sina Finn, Eon, Poll, at Meiyin malapit sa bunganga ng isang bangin. Dito sila namamalagi habang nakapalibot sa kanila si Auberon at ang karamihan sa mga miyembro ng New Order.
Nakalipat na ulit sila ng lugar dahil walang nakitang kapaki-pakinabang na kayamanan ang pangkat nila sa kuweba. Ngayon, nagtungo sila sa lugar na ito kung saan nakakita sila ng isang bangin na medyo malawak at malalim.
Samantala, napailing na lang si Finn at napangiwi dahil sa mungkahi ni Eon. Hinawakan niya ang kaniyang kwintas at malumanay na sinabing, “Hindi natin sila kaya. Ang tinutukoy mo ay pangkat na mayroong Demigod Rank. Hindi rin sila pangkaraniwang mandirigma dahil nagtataglay sila ng napakalakas na kapangyarihan. Matatalo lang tayo sa kanila kaya mas mabuti pang isantabi mo na ang naiisip mo. Hindi pa ito ang tamang oras, matuturuan din natin sila ng leksyon, subalit hindi pa sa ngayon.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...